Blog Archives
Kay Hirap Paniwalaan
(Mula sa kantang “Never Thought” ni Dan Hill)

Giliw…
Puwede bang hawakan kita?
Upang matiyak ko na totoo ka
Para kasing panaginip ka lamang
Panaginip na tumapos…
nagsilbing tuldok sa aking mga bangungot.
Pangarap na tumapos sa lahat ng aking mga bangungot.
Hindi ako inakalang ako’y magmamahal
Nang kasing-sidhi ng pagmamahal ko sa iyo.
Mahirap paniwalaan, ‘di ba?
Pero iyan ang totoo.
Labis ko ring pinagtatakhan
Kung bakit sobra-sobra kitang kaylangan.
Mahal na mahal kita.
Bakit nga ba?
Giliw… puwede ba kitang hawakan?
Puwede bang makitang muli ang mga ngiti mo
Ngiting parang mga tala
Talang nagbigay liwanag sa dating madilim kong mundo.
Pahintulutan sana akong masdan
Ang taglay mong kagandahan
Kagandahang walang salitang makakapaglarawan.
Akalain mong nagmahal ako ng ganito.
Kay hirap paniwalaan
Pero totoo!
Ikaw ang tibok sa aking puso
Ikaw ang dahilan kung bakit ako buhay.
Hangarin kang naisakatuparan
Labis-labis kitang kaylangan
Mahirap paniwalaan
Di ba!
Pero iyan ang katotohanan.
Ika’y Talinghaga
Ika’y pintig na sa puso ko’y tumibok
Lakas na sa mundo ko’y nagpapaikot
Ngunit ang ngiti mo sa akin ang dulot
Isang laksang saya’t labis-labis na lungkot
Ikaw ay kaligayahang dapat damhin
At pagsisising gumapang sa damdamin
Ika’y kayamanan kung aking ituring
At kabayarang dapat na balikatin
Amihan ka ngang ginhawa sa tag-init
Ngunit hanging sa gabi dulot ay lamig
Kandungan mo’y itinuturing kong langit
Bilangguan nang inaliping pag-ibig
Talinghaga kang mahirap na arukin
Palaisipang ‘di ko kayang sagutin
Magkaganun man ikaw ay mamahalin
Magpakaylan man ‘di kita lilimutin
Pangako mo ma’y mahirap panghawakan
Madali man sa iyo na ako’y iwanan
Ang mahalin mo kahit panandalian
Dulot ay ligayang walang katapusan
(Mula sa kantang “She” ni Elvis Costello)
Bagong Taon Nanaman

Ilang ikot pa ng tangkay ng orasan
Kalendaryong gamit muling papalitan
Mga paghahanda na’y kaliwa’t kanan
Paligid tiyak dadagundong nanaman
Tiyak na paligid nga ay dadagundong
Sa nanalapit nanamang bagon taon
Kasi’y gawi kapag ito’y sinalubong
Paputok ay bahagi ng selebrasyon
Ang paniniwala kasing nakagisnan
Ingay at paputok kinatatakutan
Ng espiritung dala ay kamalasan
Kaya’t sa bagong taon ay pa-ingayan
Ang wika ni Brod Pete ay may nasusulat
Na paputok daw pala dala ay malas
Espiritu kasing gumagala sa labas
Sa bahay n’yo papasok kapag nagulat
Dagdag niya kung gusto raw makatiyak
Ito’y kanyang binasa sa nasusulat
Nang ‘di papasok itinataboy na malas
Magpaputok sa loob ‘wag lang sa labas
Meron pang uso bukod sa mga paputok
T’wing bagong taon malapit nang pumasok
Ang natura’y prutas na korteng bilog
Ubod nang dami kung sa mesa’y ihandog
Bilog, kasi, ang kasinghugis ay pera
Kaya’t sa bagong taon swerte daw ang dala
Sa bilog na prutas yayaman, giginhawa
Hindi ang bumibili kundi ang tindera
Iba’t-iba ang ating mga pamahiin
T’wing ang bagong taon ay sasalubungin
May pagkaing dapat at di-dapat ihain
May kulay ang damit na dapat suotin
Dapat may lucky charm sa ding-ding nakadikit
Dili kaya’y sa damit ito’y nakakabit
Dapat kulay pula ang isuot na damit
At may mga bilog dito’y nakatitik
Malas di maitataboy ng paputok
Swerte’y di dadalhin ng prutas na bilog
Kung sa pamahiin hindi huhulagpos
Masaganang buhay hindi maaabot
Kung tagumpay ay nais makamtan
Mga pamahiin atin nang talikuran
Sa bagong taon ang ating asahan
Awa ng DIYOS at sariling kagalingan
Nang Manundo Si Kamatayan
Maghahating-gabi sa bahay ni mang Teban
Nandoon din sina mang Pedro at mang Juan
Silang tatlo’y masayang nagkukwentuhan
Tawa nang tawa habang nag-iinuman.
Maya-maya’y may kumatok sa pintuan
Sila ay natahimik at nagtinginan
Tumayo si Pedro’t pintua’y binuksan
Sa nakita silang tatlo’y nagulantang.
Ang kumatok sa pinto’y si Kamatayan
Anito’y “Kumusta na mga kaybigan.”
“Heto po medyo kabado,” ani mang Juan.
“Ah… eh… tuloy po kayo” ani mang Teban.
Pumasok at naupo si Kamatayan
Tahimik na ang tatlo siya’y pinagmasdan
Naisipan nilang bisita’y tagayan
Sumyat naman ito’t sila’y pinagbigyan.
Si mang Teba’y nagpasyang bisita’y tanungin
“Eh nagawi po kayo dito sa amin,
Mukha po yatang kayo’y may susunduin.”
Bisita’y isa-isang sa tatlo’y tumingin.
Tumango ito’t sinabing “Oo mga kaybigan
Sila’y ang unang tatlo dito sa listahan
Heto nga o baka gusto ninyong tignan
Dito’y nakasulat kanilang pangalan.”
Nang basahin nila makapal na listahan
Natahimik sila’t halos mag-iyakan
Number 1 si Pedro, number 2 ay si Juan
At ang pumapangatlo ay si mang Teban
Nagpasiya ang tatlong bisita’y lasingin
Meron kasi silang binalak na gawin
Pangalan sa unahan kanilang buburahin
At sa huling pahina doo’y sulatin
Nalasing nga bisitang si Kamatayan
Inantok pa’t nakatulog sa upuan
Binura nga nila pangalan sa unahan
Kagyat isinulat sa dulo ng listahan
At si Kamataya’y naalimpungatan
“Ang tapang ng lambanog ninyo kaybigan,
Aba’y nakatulog ako nang biglaan.”
“Humihilik pa nga kayo”, ani mang Juan.
“Dahil na-enjoy ko ang ating inuman,
Di ko susundin nakasulat sa listahan,
Sa halip na unang tatlo sa unahan,
Susunduin ko’y huling tatlo sa listahan.”
Goodnight Daddy
“O darling mukhang yatang ika’y tuliro.”
Wika ni Donya Maria kay Don Pedro.
“Halika, maupo ka’t mag-usap tayo.
Ano ba darling ang pinoproblema mo?”
Ani Don Pedro – “Honey napansin ko lang,
Kasi iyang bunsong anak nating si Juan,
Sino man ng ‘goodnight’ eh kanyang sabihan,
Eh biglaang natitigok kinabukasan.
“Oo nga darling, iyo’y akin ding napansin,
Heto nga ako’y sobrang nagtataka rin,
Nang sa kanyang lolo ‘goodnight’ ay sabihin,
Lolo kinabukasan”y ‘di na gumising.”
“Noong isang linggo eh si aling Tinay,
Naisipan na dito’y mangapitbahay,
Bago umalis wika kay Juan eh – ‘Goodbye!’
At sumagot si Juan ‘Goodnight’ po…babay.”
“At hayun nga ang kawawang aling Tinay,
Inaatake at ngayon ay nakahimlay.
Oh, eh, darling bakit naman ika’y matamlay?
Para kang balisa’t hindi mapalagay.”
“Ako’t driver nati’y nasa tarangkahan.
At mula sa likuran… sumulpot si Juan.
Biglang ‘goodnight dad’ ako ay sinabihan.”
Donya Maria’y natameme… gulantang
Kinabukasan si Don Pedro’y gumising
Mama’y tuwang-tuwa’t siya’y buhay pa rin.
“O Inday… nasaan ba ang aking darling?”
“Eh sir… si mam po ay nandoon sa hardin.”
“Nagluluksa po si mam at sobrang tamlay.”
“Eh bakit… heto naman ako at buhay.
Dapat eh masaya siya, hindi ba Inday?”
“Kasi po iyong driver natin… namatay.”
Bata… Bata… Saan Ka Ginawa?
Inay… si kuya ay mainit ang ulo
Hayun sa kuwarto nagmamarakulyo
Barkada n’ya kasi siya’y niloloko
Bakit kasi pangalan niya’y Anito?
“Kasi anak nagdate kami ng tatay n’yo
Doon namin nabuo iyang kuya mo.”
“Ah… eh… alam ko na kung bakit si diko
Ang ipinangalan n’yo sa kanya’y Sogo.”
“Tama! Napakatalino mo Luneta,
Mabuti na lang sa akin ka nagmana.”
“Ay inay, hayan, si bunso po’y gising na.”
“Oh FX! Halika nga, hug mo ang mama!”
Nang mag-ring ang phone sinagot ni Luneta.
“Inay, si ate nasa kabilang linya.”
“Akin na! Hello… Sofa… aba’y gabi na!
Hala… uwi! Si Rooftop, kasama mo ba?
Punso Sa Likod Bahay
“Nagmamadali ka yata pareng Teban?”
Ang tanong ni Pedro sa kanyang kaybigan.
“Oo pare, albularyo’y pupuntahan,
Nagkaproblema inaanak mong si Juan.”
“Lumaki’t namaga ang paa ni bunso
Nang sa likuran namin sila’y naglaro
Paano ba naman sinipa ang punso
Kaya hayon nagalit yata ang nuno.”
“Pati nga iyong kaybigan n’yang kalaro
Aba eh dinuraan daw iyong punso
Kaya’t sa kanya ma’y nagalit ang nuno
Hayun ang pobre… namamaga ang nguso.”
“O… pareng Pedro saan ang tungo mo n’yan?
Biglaan mo yata akong nilayasan!”
“Pare… likod-bahay ninyo’y pupuntahan –
Iyong punso doo’y aking iihian.”
