Dito Po Sa Amin – 3 (Munting Pilipinas)

Hardpen, 12-29-10

Munting Pilipinas ‘mate kung tutuusin
Simpleng pamayanang tinirhan namin
Ito’y napagtanto ng matamang silipin
Uri ng tao’t mga pangyayari sa amin

Tunay na mikrokosmo ng ating lipunan
Itong subdivision na aming tinitirhan
Dito po sa amin ang mga  kaganapan
Sinasalamin ang sitwasyon sa ating bayan

Pilipinas na Pilipinas kung tutuusin
Itong pamayanan na titinitirahan namin
Problemang nararanasan sa lipunan natin
Kahalintulad din ng aming mga dapat ayusin

May ilang ang  “monthly dues” ayaw bayaran
Isang obligasyong pilit na tinatakasan
Batid naman nilang ito ay kaylangan
Gastusi’t proyekto ay dapat masuportahan

Ganyan sa ating pangkalahatan na lipunan
Tamang buwis ay  ayaw na ayaw bayaran
Di ba’t ito’y tungkulin ng bawat mamamayan
Upang gobyeno ng gastusin ay may makukunan

Kapag may gawain  ay ito ang sasabihin
“Sa trabaho kulang ang panahon namin,
‘di ba’t kayong mga officers iyan ang tungkulin
Bakit ba kaylangan ninyo  kaming abalahin!”

Hindi ba’t ganyan ang ilan nating kababayan
Iniaasa ang lahat sa pamahalaan
Civic duties nila pilit tinatalikuran
Sariling buhay lang ang pinahahalagahan

Hindi nga ba’t ang ilan din nating kababayan
Batas at alituntunin ‘di iginagalang
Ang iniintindi sarili nilang kapakanan
May maperwisyo mang iba’y walang pakialam

Gangyang-ganyan ang sitwasyon dito sa amin
Ayaw magsisunod sa mga alituntunin
Pakiusapan man nang maayos wala rin
Magagalit naman kung iyong sisitahin

Dito kaylangang unawa mo ay palawakin
Kalabisan nila minsan huwag na lang pansinin
Ngunit may mga oras dapat silang harapin
Dapat nilang malamang kapwa ay may hinaing

Dito’y maririnig iba’t-ibang diyalekto
Siyempre unang-una wika nating Filipino
Mayroon ding Kapampangan at Ilocano
Maging Bisaya, Ibanag at Bikolano

Iba’t iba ang mga rehiyong pinanggalingan
Iba’t ibang mga kultura rin ang  nakagisnan
Iba’t iba rin mga paniniwalang kinamulatan
Problema dito baka iyan ang pinanggalingan

Magkakaiba man ang rehiyong pinanggalingan
Di man magkakatulad puso at kaisipan
Kung TAMA ba o MALI ang pangangatwiran
Tanging batas ng DIYOS ang tunay na sukatan

Advertisement
%d bloggers like this: