Holdapan Sa Jeep – 1

(HETO NA ANG JEEP 5.1)

Dito sa lupain ng mapuputi’t mga singkit
Mga kayumanggi’y nagtitipon nang h’wag mainip
Kwentuhan sa kung ano-anong bagay na maisip
At minsa’y napag-usapan mga holdapan sa jeep

Unang ibabahagi ay ang aking karanasan
Totoong pangyayaring mahirap kalimutan
Akala ko noon ay akin nang katapusan
Basahin at baka aral ito ay kapulutan

                     **********

Sa jeep sumakay sa Manresa Q.C. ako galing
National Library ang punta research ay gagawin
Ma-trapik, as always, nagpasyang sarili’y libangin
Kelots na magaganda, pinagmasdan ng palihim

Napansin ng isa na siya ay aking tinititigan
Ako ay nasukol siya na lamang ay nginitian
Aba eh ngumiti rin at ako pa’y kinindatan
Kaagad akong lumapit upang siya ay kwentuhan

Ngunit napansin ko bukol sa kanyang lalamunan
“Adam’s apple” ba iyon o leeg n’ya ay maga lang
Braso at binti nya tuloy bigla kong tinitigan
Pekeng Eba ay biglang dahan-dahang nilayuan

Dalawang mama sumakay doon sa may Blumentritt
Nang umupo ang mga loko ako ay na-sandwich
Sabi ng lola sa Maynila ay maraming switik
Kaya’t minabuting i-secure aking mga gamit

Props lang naman lumang pitaka ko sa likuran
Kawata’y maiinis kasi wala itong laman
Huwag lang mapansin address doon ng tirahan
Baka galit na pickpocket doon ako abangan

Palipat-lipat ng upo ang nasa aking kanan
Sa DJ Jose, sa Carriedo, iba ang tinabihan
Ang nasa kaliwa ko ay halatang nagmamanman
Aywan ko bakit ako’y bigla na lang kinabahan

Iba naman ang tinabihan doon sa Mc Arthur bridge
At nang kami ay matapat sa bandang Post Office
Mamang palipat-lipat tinabihan ay naiinis
Mama’y tinanong, “Bakit pitaka ko’y sinusungkit?”

Nagkatinginan kami ng mamang palipat-lipat
Kahabaan ng Lawton amin nang binabagtas
Ang hawak niyang lanseta akmang ibubukas
Handa namang itadyak ang paa kong nakataas

Subalit kasama niyang sa kaliwa ko nakaupo
Nakisali’t binigyan ako ng siko sa nguso
Sabog ang labi ko nagtilamsikan ang dugo
Hawak na baril sa mukha ko ay idinuro

Ang akala ko noon akin nang katapusan
Sa kaliwa ko’y baril, lanseta ang sa harapan
Kung gatilyo’y napisil, saksak ako’y naundayan
All the girls I loved before burol ko ang pupuntahan

Tapat ng City Hall huminto aming sinasakyan
Mga pasahero ay dali-daling nagbabaan
Mga kawatan pailing-iling akong nginitian
Marahil ay naawa hindi ako tinuluyan

May humila sa akin na umalalay pababa
Tuhod ko pa ay nanginginig medyo pa tulala
Nagpasalamat sa Diyos at nanggilid ang luha
Nasaktan man ay buhay ako kaya natutuwa

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: