Lingon (Part 9)

smokeLubog na ang araw ng makalabas kami sa kakahuyan at mula sa tabi ng dagat ay kitang-kita kung gaano na kalawak ang apoy na nilikha namin sa kakahuyan.

Maari kong sabihing naipaghiganti na namin ang pagkamatay ni Daniel. Naipaghiganti namin ang pagkamatay ng iba pang nabiktima ng mga sutsot.

Magkahalong mga palahaw at mga panaghoy ang nanggagaling sa nasusunog na kakahuyan. Hindi magtatagal at ang mga sutsot na makakaligtas sa sunog ay makakarating na rin sa tabi ng dagat… o baka nauna pa sila sa amin.

Unti-unti nang dumidilim. Binaybay namin ang pampang papunta sa pinagiwanan namin sa balsa ni tandang Kharon. Ako ang nasa hulihan.  Mabilis ang takbo nina Patrick at Tomas sa unahan. Hindi ko mabilisan ang aking takbo sa dahilang inaalalayan ko sina Jasmin at Ella. Ako ang nasa hulihan.

May nadidinig akong parang mga tumatakbo sa likuran namin pero sinikap kong huwag lumingon.

Nakita kong unang nakarating si Tomas sa pinagiwanan namin sa balsa ni tandang Kharon. Tinulungan siya ni Patrick na hilahin palusong sa dagat ang balsa.

Naunang sumampa sa balsa si Tomas. Inihanda niya ang tikin. Hinintay kami ni Patrick. Pinauna niyang sumampa sin Jasmin at Ella. Nakaharap siya sa pinanggalingan namin hawak ang gulok.  Nagsimula nang isikad ni Tomas ang tikin.

“Bilisan mo pa Willy!” ang sigaw ni Patrick.

Eksakto ang lundag ko sa balsa. Gumewang-gewang pa ito paglapag ko doon. Ang huling sumampa sa balsa ay si Patrick.

Isinikad na ni Tomas ang hawak na tikin ngunit bago tuluyang nakalayo sa pampang ang sinasakyan namin ay may tumalon dito… isa…dalawa…tatlo… tatlong sutsot na nakasanib sa katawan ng tao.

Halos tumaob ang balsa. Napunta ako, kasama sina Ella at Jasmin sa likuran.

Tatlong putok ang umalingawngaw.

Sapol ang dalawa. Nahulog sila sa dagat. Ngunit ang isa’y hindi tinamaan ni Tomas.

“Hindi sa lahat ng pagkakataon ay tatama ka Tomas.”

Boses ng babae.

Katawan din ng babae ang sinanibang ng sutsot na iyon.

Kinalabit muli ni Tomas ang gatilyo ng kanyang baril.

Hindi pumutok, ubos na ang bala.

Ipinukol ni Jasmin ang hunting knife sa sutsot. Nakaiwas ito ng bahagya kayat hindi napuruhan. Sa balikat lang  ito tinamaan at parang walang anoman na binunot niya ang. Mula sa sugat niyang dumaloy ang kulay berdeng dugo.

Naggirian sina Patrick at ang sutsot. Hawak ni Patrick  ang kanyang gulok at ang sutsot nama’y ang hunting knife ni Jasmin.

Nagsalita ang sutsot.  Parang kinakausap si Partick gamit ang isang lengwaheng hindi namin maintidihan. Parang kinagagalitan si Patrick habang itinuturo ang nagliliyab na kakahuyan. Sa pakiwari ko’y parang sinusumbatan si Patrick.

Umiiling-iling lang si Patrick. Hindi sumasagot.

Umatungal ang sutsot. Iyon ang isa sa dalawang atungal na madalas kong naririnig. Iyon ang palaging pumapangalawa.

Nagpambuno ang sutsot at si Patrick. Natumba silang pareho at napailalim si Patrick. Nakita kong pigil-pigil ng sutsot ang kamay ni Patrick na may hawak na gulok samantalang nakaipit naman sa kili-kili ni Patrick ang kamay ng sutsot na hawak ang hunting knife ni Jasmin.  Halos sabay kaming kumilos ni Tomas upang tulungan si Patrick. Mahigpit kong hinawakan ang braso ng sutsot at pilit namang ibinuka ni Tomas ang kamay nito upang mabitawan ang hunting knife. Tumulong na rin sa Jasmin hangang matanggal nito sa kamay ang hunting knife at  makawala mula sa ilalim ng sutsot si Patrick.

Hawak namin ni Tomas sa magkabilang braso ang nakadapang sutsot at si Jasmin nama’y inupuan ang dalawang paa nito.

Napagtanto kong hindi pala ganoon kahirap gapiin ang mga sutsot kapag nakasanib sila sa katawan ng tao. Siguro’y nagiging kasing-lakas lamang sila at kasing-ligsi ng taong kanilang sinasaniban o higit lang nang kaunti.   Marahil mas nahirapan kami kung nagkataong lalaki ang nasaniban ng sutsot na katunggali namin.

“Bakit mo ito ginawa sa akin Patrick. Ano ba talaga ang binabalak mong gawin.”  ang wika ng sutsot.

Nilaslas ni Patrick ang lalamunan ng sutsot gamit ang kanyang gulok.

Patay na ang sutsot nang bitiwan namin ito. Inihulog ito ni Patrick sa dagat.

Batid kong nagtataka rin sina Tomas at Jasmin kung bakit sinabi iyon ng sutsot kay Patrick.

Ipinagpatuloy ni Tomas ang pagsikad sa tikin. Unti-unit na kaming lumalayo sa isla Miedo. Pinagmasdan  ko ang isla. Mas lumaki pa ang apoy. Mas lumakas pa ang mga palahaw.

Sana’y walang matira sa mga sutsot.

Sana’y walang nang iba pang mga tao ang magawi pa roon.

Nilapitan ni Ella ang kanyang kuya at yumakap dito habang si Jasmin ay napansin kong parang tumitingin lamang kay Patrick.

Binuksan ko ang aking backpack. May kadiliman na. Tanging ang flashlight ng cellphone ang pwede naming gamitin kung kakaylanganin.

“Hayun. Tignan ninyo.” Ang sabi ni Tomas.

May balumbon ng ulap na lumitaw mula sa direksyon ng nilubugan ng araw… katulad ng nagluwal kay tandang Kharon doon sa breakwater.

“Dali Tomas, puntahan mo iyon bago maglaho. Tanging iyan ang pwede nating daanan palabas sa lugar na ito.” ang sabi ni Jasmin.

Tumalima si Tomas.

Pinasok namin ang balumbon ng ulap. Madilim na. Binuksan ko ang flashlight ng aking cellphone.

Tahimik kaming lahat. Kusang gumagalaw ang balsa kahit hindi isinisikad ni Tomas ang tikin.

Hanggang sa pagkakataong iyon ang hindi nawawala ang pangangalisag ng mga balahibo ko sa batok at braso.

Si Ella, sa halip na sa kuya niya nakahawak eh parang sa likuran ni Patrick nagsumiksik at sa braso nito kumakapit. Isang bagay na siguradong hindi rin nalingat kina Tomas at Jasmin.

Sa bandang unahan ay may papasalubong sa amin na mga liwanag. Tama ang hinala ko – si tandang Kharon iyon,  sakay ng kanyang balsa. May mga angkas nanaman siya… nakahiga, parang natutulog. Lahat ay babae.

“Magsigising kayo!!! Huwag kayong tumuloy sa isla!!!’ ang sigaw ni Jasmin.

Ngunit tulog na tulog ang mga nakasakay sa balsa ni tandang Kharon.

“Tanda, wala na ang isla mo. Sinunog na namin.” ang sigaw ni Tomas.

“Iyon ang akala mo.”

Hindi ako pwedeng magkamali… boses iyon ni Daniel.

“Patay na ang lahat ng amo  mong sutsot.” ang pahabol pa ni Tomas.

Inulit lamang ni tandang Kharon ang kanina’y kanyang sinabi, “Iyon ang akala mo.”

Tuluyang nang nakalayo ang balsang sinasakyan ni tangdang Kharon kasabay ng paglabas namin sa balumbon ng ulap.

the-shape-shifting-ghost

Isang malakas na alon ang sumalubong sa amin pagkalabas ng balsa sa balumbong ng ulap. Malakas ang hihip ng hangin. May liwanag akong nakikita sa aming unahan. Medyo malayo pa. Iyon marahil ang lamparang nasa dulo ng breakwater.

Maya-maya’y may kumalabog sa unahan ng balsa namin. Tinutukan ko ito gamit ang  flash light sa aking cellphone.  Sibat na may lubid na nakatali. At mula sa itaas ay may nakita akong paparating na apoy. Pagkalapag sa balsa ay nabasag ang isang bote na may nakasinding mitsa. Molotov cocktail iyon katulad ng nakita ko sa bangkang sinakyan nina Jasmin kahapon.  Mabuti na lamang at nabasag lang ang bote at hindi sumabog. Nagamoy gasoline sa balsa ngunit namatay kaagad ang apoy sa mitsa dahil sa mga along tumatama sa balsa.

Nagsimulang hilahin ang balsa namin patungo sa aming kaliwang direksyon. Halos maglalaglagan kami sa balsa. Bukod tangi na si Patrick ang matibay ang pagkatayo sa gilid ng balsa. Hawak niya ang kanyang gulok. Tinaga niya ang sibat. Naputol ang lubid. Isinikad ni Tomas ang balsa palayo sa bangka ngunit may sibat nanamang tumusok sa bandang unahan namin at muli’y may puwersahang humila papalapit sa isa palang nakatigil na bangka.

Patuloy ang malakas na hihip ng hangin.   Maya-maya’y humampas sa amin ang isang  may kataaasang alon. Basang-basa kaming lahat at kung walang  lubid na nakatali sa sibat na iyon eh malamang bumaligtad ito.

Papalakas ang hihip ng hangin. Nagsimulang umambon.

“Gener…Mang Kanor… kayo po ba iyan.” ang sigaw ni Jasmin. “Si Jasmin po ito.”

Walang sumasagot pero kapangsin-pansing naging marahan bigla ang ginagawang paghila sa aming balsa hanggang makadikit ito sa sa isang katig ng bangka. Nababanaag kong may dalawang lalaking sakay ito.

Akmang tatalon sa bangka si Patrick ngunit hinawakan siya sa kamay ni Jasmin.

“Huwag kayong kikilos ng hindi maganda. Kung mga tagapagbantay ang nasa bangka’y baka barilin tayo.” ang pabulong na babala ni Jasmin.

Ang akala ko pagkaalis sa isla Miedo ay tapos na ang mga problema namin. Hindi pala. Noon ko naalala ang mga sinabi ni Jasmin tungkol sa mga tagapagbantay.

Nagbukas ng flashlight ang isa sa kanila. Isa-isang inilawan ang aming mga mukha.

“Sino iyang dalawang kasama n’yo?” ang tanong ng isang lalaki.

Tinig iyon ni mang Kanor at maaaring ang kasama niya ay si si Gener.

“Si Ella po, iyong sinabi sa atin ni Tomas kahapon na kapatid niyang hahanapin nila sa isla. Eto naman pong katabi ko ay si kuya Patrick. Siya po ang dahilan kung bakit nakiusap ako sa inyo kahapon na samahan ko sila sa isla Miedo.”

Katahimikan ang kasunod niyon.

“Nilinlang mo kami Jasmin. Itinago mo sa amin ang totoong dahilan kung bakit ginusto mong maging tagapagbantay.” ang sabi ni mang Kanor.

“Alam ko pong hindi ninyo ako papayagang makapasok sa grupo kung nalaman ninyong may nawawala akong kapatid na nagpunta sa isla Miedo.”

Nagliwanag sa bangka at sa balsa nang bumukas ang spotlight na nasa unahan ng bangka nina mang Kanor.

“Kung hindi dahil sa pakiusap ni Gener at sa mga magandang naimbag mo sa mga tagapagbantay ay kanina pa nawasak ang balsa ninyo at  maaaring patay na rin kayo.”

“Maraming salamat po mang Kanor.” ang sagot ni Jasmin.

“Ngunit gusto naming makatiyak na walang nasaniban sa inyo ng sutsot. Alam mo Jasmin kung gaano katuso ang mga demonyong iyon.  Maging ikaw ay hindi ko tiyak kung ikaw nga talaga si Jasmin.”

“A…ano po ang dapat naming gawin?” ang tanong ni Tomas.

“Bahagya kong susugatan ang  palad ng bawat isa sa inyo gamit ang bentitado kong punyal. Tignan natin kung ano ang kulay ng dugo na dadaloy.” ang sagot ni mang Kanor sa tanong ni Tomas.

Matapos tanggalin ang sibat at sinupin ang lubid na ipinanghila sa balsa namin ay may malapad na tablang inilatag si Gener upang magsilbing tulay sa pagitan ng balsa at bangka. Ginamit ito ni mang Kanor upang lumipat sa aming balsa.

Nagprisinta si Ella na mauna.

Pulang dugo ang dumaloy mula sa sugat ni Ella.

“Pasensya na hija, kaylangan kong gawin ito. Sige lumipat ka na sa bangka namin.”

Magkasunod kami ni Jasmin na sinugatan ni mang Kanor.

Nagpasalamat ako’t nakumpirma kong hindi pa ako isang sutsot. Pula ang dugong lumabas sa akin. Ganoon din si Jasmin.

Nakalipat na kami ni Jasmin sa bangka matapos sugatan ni mang Kanor si Tomas.

“Patrick ikaw na ang sunod.” ang wika ni mang Kanor habang si Tomas ay naghahandang lumipat sa bangka.

Kitang-kita ko kung papaanong sa halip lumapit kay mang Kanor ay umurong sa bandang dulo ng balsa si Patrick. Hawak ang dala niyang gulok. Parang naghandang lumaban.

Umatungal si Patrick, atungal na kahalintulad ng una naming narinig sa isla Miedo.

Si Patrick pala’y nasaniban rin ng sutsot.

Kaya pala wala siyang maikwento tuwing nagtatanong si Jasmin. Kaya pala mula ng kasa-kasama na namin siya ay ayaw huminto ang aking panginiglabot.

Napaluhod sa bangka si Jasmin. Marahil ay hindi siya makapaniwala sa nasaksihan.

“Kuya Patrick!” ang sigaw ni Jasmin.

Atungal ang isinagot ng sutsot na inakala naming lahat ay si Patrick.

Part 10