….. dito sa INGLATERA (mga negatibo lang ang babanggitin ko)
Tibong Cagayano, 02-16-10
Ako ngayo’y lilihis na sa kwentuhang seryoso ang paksa,
nang magkaroon tayo ng pagkakataong mapunasan ating mga luha,
kaylangan din namang huminto sa drama at tayo’y tumawa,
pilegas sa mukha’y di madagdagan, at di agad tayo tumanda.
Sa aking paglihis sa paksa ng ating kwentuhan,
nais ko lang ibahagi sa ‘yo ilang mapapait na katotohanan,
buhay dito sa Inglatera ayon sa aking naranasan,
mga negatibong punto, sa bansang ngayo’y aking pinamumugaran.
Siguradong mangingiti ka na mauuwi sa malakas na tawa,
sa ikukwento kong nangyayari dito na di kapani-paniwala.
ako nga nung una talagang labis ang pagkabigla,
may ganito rin palang mga kasiraan ang bansang Inglatera.
Maunlad, moderno at bansang mayaman,
sa Inglatera, ‘yan ang karaniwang paglalarawan.
pero huwag basta maniwala at pabobola,
pag sinabi nilang “peace and order” dito ay maganda.
Dito… pag lumabas ka, di pwedeng maging tiwala,
sa paligid at likod mo, dapat lagi kang luminga,
sapagkat ang krimen dito ay lubha ring malala,
tulad din dyan sa atin at sa iba pang bansa.
Kung saan ka dito nakatira, daig mo pa ang mag-isa,
pagkat wala ni halos isa sa kapitbahay mo ang kilala,
walang pakikiramay at paki-alaman sa isa’t-isa
kahit pa nga magbungguan na kayo sa kalsada.
Pagdating sa klima, ang tag-lamig ay napakahaba,
mahirap lumabas upang sumagap ng hanging sariwa,
magastos sa kuryente’t gas dahil sa “heating” na gamit,
kaylangan pang mag-suot ng patung-patong na damit!
Tinaguriang “multi-cultural” kapital ng Europa,
dahil nga iba’t ibang lahi ang dito’y nakatira,
pero kung tutuusin, hindi ito maganda,
pinagmumulan ng away at gulo, magka-kaibang paniniwala.
Transportasyon at komunikasyon dito ay makabago,
pampublikong bus at tren, magagara ang takbo,
kalat sa lansangan mga pampublikong telepono,
ngunit lahat ng mga ito’y target ng terorismo!
Pagmamalaki nila, serbisyong pampubliko ay magarbo,
ngunit dahil na rin ‘yan sa kaltas sa sahod mo.
sa kita mong halimbawa ay sampung piso,
anim na piso mapupunta sa gobyerno!
Akala mo ba sa EDSA lang ang matrapik?
mga lansangan din dito, sa sasakyan ay siksik.
hukay dito… hukay doon… daan baku-bako kahit pa sementado,
ganyan din ang mga lansangan at kalsada dito!
Isa pang bagay dito na di ko maintindihan,
ilan sa mga batas nila, para bang kalokohan.
masasabi mong talagang wala sa katwiran,
ang parusang iginagawad sa mga may kasalanan.
Halimbawa na lang ang isang magnanakaw,
pasukin ang bahay mo, limasin ang ‘yong mga hikaw,
pag nahuli mo sa akto at napukpok mo sa ulo,
patay kang bata ka, ikaw ngayon ang arestado!
Isa pang halimbawa, nakabundol ka ng tao,
wala kang “insurance” at lisensya ng ika’y nagmamaneho,
sa kasamaang-palad, patay ang nasagasaan mo,
maswerte ka, siyam na buwang kulong lang ang parusa sa ‘yo!
Sa Inglatera kapag may pag-aari kang oto,
gastos mo, talagang sagad sa buto.
“insurance,” “road tax,” “parking fee” at “MOT,”
lahat ‘yan bayaran, kundi lisensya mo ay mabawi.
Pag ikaw naman ay bumili ng isang TV,
akalain mo bang kailangan mong magbayad ng “License Fee,”
ang singil ay tumataas at nagmamahal taun-taon,
kaylangan mong magbayad kundi putol ang koneksyon!
Sa lahat ng sulok may naka-kabit na CCTV,
mabisang panlaban sa krimen ang kanilang sabi,
pero hindi ‘yan ang tunay na dahilan,
kilos ng taong-bayan, gusto nilang tiktikan.
Oo… para kang nakatira sa BAHAY NI KUYA,
lahat ng kilos mo, nalalaman nila.
naka-tutok sa ‘yo, naglalakihang kamera,
kahit labag ito sa “human rights” ng taong masa.
Doktor, gamot at ospital ay libre,
pag nagkasakit ka, punta ka lang sa ‘yong GP,
pero anong kapalit… ano kaya sa ‘yo mangyari?
serbisyo’y di maganda, palpak na gamutan ang iyong ani.
“Racial discrimination” dito ay matindi,
kulay ng iyong balat, mainit sa mata ng mga puti.
itim ang trato sa lahat ng ibang lahi,
sa mga hindi lahing puti, ang tingin ay mababang-uri!
Ang pinakamalaking problema ngayon dito,
ay ang banta sa bansa ng terorismo,
dahil na rin sa pakiki-alam ng gobyerno,
sa pambansang problema ng ibang mga teritoryo!
Aha!!! huwag nating kalimutan ang mga pulitiko,
sa mga ‘binoto ng tao wala na yatang matino,
wala na silang ginawa kundi kurakot doon- kurakot dito,
ang inu-una’y mapuno ng pera sarili nilang sako!
Sinumang magsabi na ang gobyerno dito ay demokrasya,
Mali siya… ang pamamalakad dito ay diktadurya.
lahat ng dapat gawin ng mamamayan ay idini-dikta,
ng mga opisyales ng partidong naluklok sa pamamahala!
‘Yan kaybigan ang modernong bansa ng Inglatera,
talagang magandang lugar para sa mga mayayamang turista,
ngunit kung dito ka rin lang kumikita at nakatira,
ewan ko lang kung anong mura ang lalabas sa ‘yong bunganga!
________________________________________________________
MOT – The Ministry of Transport test is an annual test of
automobile safety, roadworthiness aspects and exhaust
emissions which are applicable to most vehicles over three
years old in the United Kingdom if they are used on public roads.
GP – A general practitioner or GP is a medical practitioner who
provides primary care and specializes in nothing and sees everything.
A general practitioner treats acute and chronic illnesses and provides
preventive care and health education for all ages and both sexes.
They have particular skills in treating people with multiple health
issues and comorbidities.
The term general practitioner or GP is common in Ireland,
the United Kingdom, and several other Commonwealth countries.
In these countries the word physician is largely reserved for certain
other types of medical specialists, notably in internal medicine.