Lingon (Part 3)

smokeIsang matanda nga ang lulan ng balsa.

“Iyan marahil si tandang Kharon,” ang pabulong na sabi ni Jasmin. “Nakita ko rin siya sa wakas.”

Mukhang luma at kulay itim lahat ng kasuotan niya – pantalon, kamisa de chino, at sombrero. Hindi ko maaninag ang mukha ng matanda, natatakpan ito ng suot niyang sombrero. Inilapag niya ang hawak na tikin at sinimulang sindihan ang mga lampara.

Walang kumikibo sa amin. Tahimik naming sinusubaybayan ang bawat kilos ng matanda.

Takip-silim na noon. Nagbibigay daan ang liwanag sa dilim.

Nang masindihan lahat ng lampara’y muling hinawakan ng matanda ang tikin. Pumwesto sa bandang dulo. Wala itong sinasabi, nakaharap siya sa amin at nakayuko. Hinihintay kaming sumakay.

Ilang sandali rin ang dumaan. Nang walang kumikilos sa ami’y inilubog ng matanda ang tikin sa tubig akmang aalis na.

“Te…teka po,” ang atubiling wika ni Tomas.

Hindi huminto ang matanda. Unti-unti ng kumilos ang balsa palayo sa breakwater. Nagbabaan kaming lahat sa rampa. Nagmamadaling tumalon sa balsa si Tomas.

Atubili ma’y sinundan ko siya. Tumalon din ako sa balsa.

Hindi kumikilos si Daniel at si Jasmin nama’y nakamasid lang. Nakatingin sa amin si Daniel. Nakakunot ang noo. Urong-sulong ang kaybigan namin – akmang tatalon pagkatapos biglang titigil att hahagurin ng dalawang kamay ang kanyang buhok.

“Daniel,  ayos lang kung hindi mo kami sasamahan, maiintindihan ko,” wika ni Tomas. “Tara na po lolo.”

“Teka, teka po lolo,” wika ni Daniel. “Sasama po ako.”

Nang tumalon si Daniel ay sumunod rin si Jasmin.

“Jasmin, hindi mo kaylangang gawin ito,” ang bulong ko sa kanya.

Ang sagot niya’y “Kaylangan! Kaylangan din ninyo ang tulong ko.”

Gusto ko sanang tanungin  si Jasmin kung anong tulong ang pwedeng gawin ng isang babaeng katulad niya sa isla ng Miedo na ayon na rin sa paglalarawan niya ay mapanganib.

Tumalikod sa amin si tandang Kharon. Isinikad na niya  ang kanyang tikin. Nagsimula nang lumayo ang balsa sa breakwater papasok sa balumbon ng ulap na nagluwal dito.

Tinignan ko ang aking relo – trenta minutos makalipas ang ika-anim ng hapon.

“Tikin lang ang gamit ng bangkero,” ang pabulong na wika ni Tomas. “Paano kapag nasa malalim na bahagi na tayo ng dagat?”

“Lolo, gaano po ba kalayo ang isla ng Miedo?,” ang tanong Daniel.

Hindi ko malaman kung bingi ang matanda o suplado. Hindi siya sumagot. Nagpatuloy lamang ito sa pagsikad ng tikin.

“Malayo po ba ang islang iyon lolo,”

Nilaksan ko ang aking boses. Iniisip kong baka hindi lamang nito narinig si Daniel kaya hindi ito nakasagot.

Lumingon sa amin ang matanda subalit sa halip na sumagot ay inilagay nito nang patayo ang hintuturo sa labi. Tanging ang babang bahagi ng kanyang ilong at labi lamang ang hindi natatakpan ng sombrero niyang suot. Nang tanggalin niya ang kanyang daliri sa labi ay ngumiti ito. Tumambad ang kanyang nangingitim na ngipin.

Muling isinikad ni tandang Kharon ang tikin.

“Napansin mo ba ang kanyang mga ngipin,” ang pabulong na tanong sa akin ni Tomas.

“Oo tol. Nangingitim,” ang tugon ko.

“Bukod doon,” ang dagdag ni Tomas. “Parang kasing may pangil siya… o baka naman sungki-sungki lang ang kanyang mga ngipin.”

“Pangil yata,” ang sabi ni Jasmin.

Nakita kong dinukot ni Jasmin ang rosaryo at ipinulupot sa kaliwa nitong kamay habang hawak naman sa kanyang kanan ang hunting knife.

Habang papalayo kami sa breakwater ay lalong kumakapal ang balumbong ng ulap. Halos hindi ko na matanawan si tandang Kharon na nasa harapan namin. Tanging ang liwanag na galing sa lampara sa harapan ng balsa ang nababanaagan ko. Pagkatapos ay naramdaman ko na lamang na tumigil ang balsa.

“Nasa isla Miedo na ba tayo?” ang tanong ni Daniel.

Lumapit ako sa isang lampara’t tingnan ko ang oras. “Imposible. Paanong…” Inalog-alog ko ang relo.

“Bakit tol?”

Ang tanong ni Tomas ay sinagot ko ng isa ring tanong, “Gaano na ba tayo katagal dito sa balsa?”

“Aba eh wala pa yatang sampung minuto.” ang sagot ni Daniel.

 “Anong oras na Daniel?”

“Alas-diyes!” ang sagot niya sa tanong ko. “Bakit ba?”

“Alas-sais y media tayo umalis sa breakwater.”

“Anak ng… paano nangyari iyon?” ang bulalas ni Daniel.

“Alisto lang kayo,” ang sabi ni Jasmin.

Ilang sandali pa’y unti-unting nawala ang ulap, parang unti-unting hinipan ng hangin palayo sa amin. Ang pumalit ay kadiliman. Tila kay bilis nawala ng liwanag. Ang mga lampara sa apat na gilid ng balsa ang tanging nagbibigay liwanag.

“Aba eh nasaan ang matanda?” wika ni Tomas.

the-shape-shifting-ghost

Noon ko lang napansin na wala na pala ang matandang bangkero sa balsa. Parang sumama sa naglahong balumbong ng ulap. Ang tikin laman niya ang naiwan.

“Ano ba iyan!”  ang bulalas ni Daniel. “Ano ba kasi itong pinasok natin na ito… Lintsak, basang-basa na ang mga sapatos ko’t pantalon.”

“Isipin na lang natin na siguro tahimik na lumusong sa dagat ang matanda at lumangoy palayo sa atin,” ang wika ni Jasmin.

Luminga-linga ako sa paligid. Tumingala ako sa langit, wala ang buwan at ang mga tala nama’y parang itinago ng mga ulap. Sa bandang kanan namin ay may nakita akong  liwanag.

“Nakikita ba ninyo iyon?” ang sabi ko sa aking mga kasamahan sabay turo sa bandang kanan namin nang sila’y magtinginan sa akin.

Tanging ang liwanag na iyon ang nakikita sa gitna ng kadilimang nakapaligid sa amin ng maglaho ang balumbon ng ulap. Parang galing sa isang sulo. Gumagalaw ito pakaliwa’t pakanan.

“Liwanag iyon ah,” ani Tomas.

“Baka may bangka sa banda roon.”

“Hindi siguro,” ang sagot ko sa sinabi ni Daniel. “Medyo mataas ang lugar na pinanggagalingan ng liwanag.”

“Gumagalaw kaliwa’t kanan,” dugtong ni Jasmin. “Pakiwari ko’y sadyang iwinawagayway ang sulo ng sino mang may hawak nito.”

“Kung nasa kalupaan ang may hawak ng sulo  eh marahil ang kinalalagyan niya’y  ang isla Miedo,” ang sabi ni Tomas. “Baka grupo nina Ella yan.”

“Puntahan natin.” ang mungkahi ni Jasmin.

Sumangayon kami ni Tomas. Si Daniel naman ay tahimik lamang.

Kinuha ni Tomas ang tikin. Kanya itong isinikad. Nakapagtatakang malayo-layo na rin ang nalalakbay namin eh kalahati lamang ng tikin ang lalim ng dagat. Hindi ko alam kung napansin din iyon ng aking mga kasamahan. Hindi ko alam kung napansin din nila na kalmado ang dagat sa bahaging iyon. Walang alon na humahampas sa balsa.

Nang kami’y umusad na patungo sa direksyon ng liwanag na nakita ko ay nagsimulang mangalisag ang aking mga balahibo sa batok at braso. Ganun ang nararamdaman ko tuwing nagkukwentuhan ng tungkol sa multo ang mga kaklase namin sa kolehiyo at mga guro at empleyado doon. Kahit walang ganoong uri ng usapan ay basta para akong kinikilabutan tuwing nasa loob ako ng campus namin. Dati daw kasing sementeryo noong panahon ng Kastila ang lupang kinatitirikan ng eskwelahang iyon kaya’t ilang sa mga nag-aaral at mga nagtatrabaho doon na bukas daw ang “third eye” ay minsan nakakakita ng mga kaluluwang gumagala. Ang iba’y hinihimatay kapag nakakakita at bigla na lang tatakbo palabas ng classroom o opisina nila. Ang ilan nama’y tila nakasanayan na kaya bale-wala na sa kanila.

Ayaw kong maniwala noon kaya’t inisip kong baka nasisiraan ng bait iyong mga nagsasabing nakakakita’t tumatakbo pa nga’t minsa’y hinihimatay. Ngunit ng isang guro ko mismo na kilala kong disenteng tao at matino ang pag-iisip – wika nga’y may kredibilidad – ang nagkwento sa amin ay nagsimula akong maniwala na meron ngang multo at mga elementong gumagalaw sa mundo kasama ang mga tao.

Tandang-tanda ko nang ikwento sa amin ng guro kong iyon na minsan daw ay pinuntahan nila ang burol ng sumakabilang-buhay na ama ng isa sa mga estudyante niya. Makalipas ang isang buwan ay na-assign na reporter sa isang topic ang nasabing estudyante. Kitang-kita niyang biglang lumitaw sa harapan ang kaluluwa ng ama at pinanood ang kanyang anak habang ginagawa nito ang pagre-report.

Habang nagkukwento ang guro namin ay naramdaman kong nagtayuan ang mga balahibo ko sa batok at braso – isang bagay nga na muli kong naramdaman ng nagsimulang isikad ni Tomas ang tikin at muling gumalaw ang balsa.

Tinanong ko minsan sa guro naming iyon kung bakit may mga pagkakataon kapag gabi  o kapag madilim ang isang lugar, lalo na sa ilang bahagi ng eskwelahan namin – kahit wala akong kakwentuhan tungkol sa alin mang katatakutan  ay bigla na lamang akong kinikilabutan. Ang sabi niya ay hindi man bukas ang third eye ko upang makita ko ang mga kaluluwang ligaw o ano mang elemento ay nararandaman daw ng katawan ko ang presensya nila.

“Naniniwala ba kayong may mga multo, maligno, at halimaw?” ang tanong ni Jasmin.

Pawang tango lamang ang isinagot nina Tomas at Daniel. Marahil ay naaalala pa rin nila ang maraming kwentong kababalaghan at katatakutan sa aming eskwelahan.

 “Hindi pa ako nakakakita ng multo pero naniniwala ako,” ang tugon ko.

Wika ni Daniel ay “Naniniwala akong may multo. Pero ang alam ko’y hindi sila nanakit ng mga tao. Iyon ang sabi ng lola ko. Ang mga multo daw ay  mga kaluluwang ligaw na hindi kaagad makaakyat sa langit dahil nangangaylangan pa sila ng dasal ng kanilang mga iniwan.”

“Sana nga eh multong nananakot lang ang nandoon,” ang sabi ni Jasmin.  “Pero hindi eh. Pinamumugaran ang isla ng isang uri ng mabangis na halimaw.”

Saglit na katahimikan ang kasunod ng sinabing  iyon ni Jasmin. Gusto ko sanang sabihing naniniwala ako sa multo pero ang pagkakaalam ko sa mga halimaw at mga maligno eh pawang mga kathang isip lang. Pero sa tingin ko’y hindi nagbibiro o nagsisinungaling si Jasmin. Alam niya ang kanyang mga sinasabi.

Aamining kong nagsisimula na akong kabahan.

“Kanina sa breakwater ay nabanggit mo ngang mabangis sila,” ang sabi ni Tomas.

Huminto sanadali si Tomas sa pagsikad ng hawak na tikin. Namahinga ito.

“Anong uri ba ng mga nilalang ang nasa islang iyon?” ang tanong ko.

Dagdag na tanong ni Daniel – “Sila ba’y mga aswang, bampira, taong lobo o ano?”

“Sila raw ay mga demonyong pinalayas ni Lucifer  mula sa impyerno dahil ayaw magpasakop sa kanya.”

“Wow… okay ah. Si Lucifer daw eh pinalayas ng Panginoon sa langit dahil ayaw magpasakop sa Kanya at doon sa impyerno siya itinapon. Eh heto namang mga demonyong sinasabi mo eh saan itinapon ni Lucifer nang sinusuway siya ng mga ito? ang isa pang tanong ni Daniel.

“Doon sila itinapon sa isla Miedo. Kung tawagin sila’y sutsot.” ang tugon ni Jasmin.

“Sutsot ba kamo?” ang paglilinaw ko.

“Oo. Sutsot. Ganoon ang tawag sa kanila dahil susutsotan ka nila kapag gusto ka nilang biktimahin. Kapag lumingon ka’y sasaniban nila ang iyong katawan.”

“Hindi ka ba nila masasaniban kung hindi mo lilingunin ang kanilang paswit?” ang tanong ko.

“Parang ganoon na nga. Ang mga mata kasi ng tao ay parang bintana. Kapag siya’y namatay, sa mata niya lalabas ang kanyang kaluluwa. Doon nga pumapasok ang mga sutsot. Mas gusto nilang nakatalikod at lilingon ang kanilang biktima para hindi ito handa kapag pumasok sila sa mga mata nito. Kapag sa harapan kasi, pumikit lang ang biktima ay maaaring mapigilan ang tangkang pagsanib ng sutsot sa katawan.” ang paliwanag ni Jasmin.

Part 4

Advertisement
%d bloggers like this: