Mga Talangka Sa Banga Ng Kimchi
(Sa Piling Ng Mga Hayop 9)
Pilyong bubuyog ay lumipad sa langit
Naki-angkas ako sa Cebu Pacific
Lumapag sa lupain ng mga singkit
Heto ako ngayon muling mangungulit
Harding napuntahan sa biyaya ay hitik
Bulaklak ma’y nangawala dahil tag-lamig
Sa tag-sibol pa sila muling babalik
Gagawing luntian muli ang paligid
Sa sobrang lamig ayaw kong lumipad
Baka manigas aking mga pakpak
Kaya’t sa hardin ako’y naglakad
Maka-ututang dila ako’y naghanap
May paru-parong sa aki’y lumapit
Siya’y kayumanggi hindi singkit
Garalgal ang boses luha’y nangilid
Nadali daw s’ya ng talangkang malupit
Talangkang ito’y madalas daw bumulong
Sa agilang tinatawag nilang “tiyong”
Bantay sa hardin ang naturang ibon
Si “tiyong” ang nasusunod sa harding iyon
Ang talangka pilit kong hinanap
Sa banga ng kimchi ito nagbababad
Aba’y kayumanggi din pala ang balat
Nakapagtatakang kalahi’y kinagat
Bumulong sa akin ang mamang tutubi
May iba pa daw talangkang babad sa kimchi
Sila man kay “tiyong” ay laging may sinasabi
Ang sinisiraan nakakaawang kalahi
Turing kay “tiyong” kasanggang dikit
“Tiyong” as in uncle pero s’ya daw ay kapatid
Kay brother palihim kung lumapit
The Buzz ang peg laging may tsismis
“Caiigat Cayo” sa mga talangka
Mga lihim ninyo’y h’wag hahara-hara
Bibig ay itikom h’wag magsasalita
Suicide ang sa kanila’y magtiwala
Kay sarap kainin nitong mga talangka
Ihagis natin sa kumukulong mantika
Isawsaw din sa pinaanghang na suka
Ang iba nama’y lutuin natin sa gata
Lumipat ako sa kalapit na hardin
Kay Bathala ako ay nanalangin
Wala na sanang talangkang makapiling
Satirikong tula ayaw ko nang sulatin
Leave a comment
Comments 0