PANGALAN, PALAYAW AT MGA ALYAS – 2

Hardpen, 03-06-10

Capture

Heto na katotong katulaan akin ng dudugtungan,
tula ukol sa mga alyas, palayaw at aking pangalan,
sa mga alyas ko ikaw ay akin ng nakuwentuhan,
mga palayaw at ngalan ko naman ating pag-usapan.

Massuline Antonio Dupaya Ligaya, ang pangalan,
na ibinigay sa akin ng mga minamahal na magulang
kita mo naman ‘mate pangalan ko’y may kahabaan,
dahil dyan marami akong nakakainis na karanasan.

Iyong MASSULINE, ay mali dapat ay MUSSOLINI,
hango sa pangalan ng dating diktador ng Italy,
nanay ko ng ako’y isilang sobra daw lakas umiri,
kaya’t midwife na nagparehistro sa aki’y nabingi.

Kaya’t sa halip na Mussolini, Massuline kinalabasan
ng unang bahagi ng ubod ganda kong pangalan,
bakit naman kasi sa dinamirami ng mapagpipilian,
iyon pang sa bespren ni Hitler ang nagustuhan.

Puwede namang LEONARDO (Da Vinci) na isang pintor,
o kaya’y LINO (Brocka), isang magaling na director,
ayos din ang EDGAR ALLAN (Poe), manunulat na tomador,
bakit ang pinili’y MUSSOLINI, pangalan ng diktador.

Ang pasalamat ko na lang ay ANTONIO ang kasama,
hindi ADOLF, first name ni Hitler, tirador ng Alemanya,
pagsamahin…MUSSOLINI ADOLF, mundo ako’y isusuka,
mga Italyano at Hudyo, baka ako’y kanilang ipatira.

June 13 ng ako ay isilang ng mahal kong ina,
iyan ay kaarawan din ni San Antonio De Padua,
ang ANTONIO sa pangalan ko sa kanya kinuha,
kaya nga’t ako’y mabait din, ‘mate bawal kumontra!

Sa elementarya at high school, maging sa kolehiyo,
ang ginagamit ko lang noon ay ang ANTONIO,
kapag MUSSOLINI kasi, sa pagsulat, ay isasama ko,
baka sa pagsusulat pa lang ng pangalan ako ay mahilo.

Noong nasa kolehiyo ako na ay napagpayuhan,
kaylangan ng gamiting ang buo kong pangalan,
baka daw sa kalaunan ako din ang mahirapan,
subalit ako’y nangamba na baka lang pagtawanan,

Nang ako’y maghanap ng trabaho, hindi na nakaiwas,
totoong pangalan ko, mula sa baol, dapat ng ilabas,
kaya’t sa mga “application letters” na aking sinulat,
pangalang MUSSOLINI ANTONIO ang aking itinatak.

At nang ako ay magpa-member na sa ahensyang SSS,
doon ay hiningi ang aking mahiwagang birth certificate,
noon na nagsimulang sa pangalan ko ako ay mainis,
midwife na nagparehistro sa akin tatlong letra ang na-miss.

At hindi nga MUSSOLINI kundi MASSULINE pala
ang sa birth certificate ko ang kanilang naitala
umiyak man ako at magwala wala na ring magagawa
tanggapin na lang ang pangalan na sa akin ay itinakda.
Kapag may nagsabing pangalan ko’y mabantot,
lalapitan ko at bibigyan ng masigabong batok,
at kapag ang sinabi pangalan ko ay “unique”
ngingiti ako at sasabihin sa English ay “Indeed!”

Kapag tinatanong mula noon kung ano ang pangalan ko,
natatawa sila kapag sinusulat MASSULINE ANTONIO,
sabihin ko daw ang tamang baybay sa aking pangalan,
baka daw kapag nabasa ng mali, sila ay aking kagalitan.

Sa apat na “syllables,” ang MASSULINE ay hahatiin,
isusulat kong ganito… MAS-SU-LI-NE… upang linawin,
iyong “MASSU” sa MASSULINE ay iyong basahin,
kung paano mo sabihin iyong MASU sa MASUNURIN,

Iyon namang “LI” ang bigkas na dapat ay sundin
ay iyong basa sa LIE, at sa English dapat bigkasin,
at iyon namang “NE,” usapa’y huwag ng pahabain,
tunog ng NI sa salitang BIKINI ang iyong kuhanin.

Hay naku, maraming pera rin ang aking nagastos,
Upang maling ispeling ng pangalan ko ay maayos,
mula kasi noong 1999 ng sa Master’s ko nakatapos,
MASSULINE at di na MUSSOLINI aking sinunod.

Sari-sari ring mga palayaw ang sa aki’y ibininyag
mula sa aking mga “initials” tinawag akong MAD
mula sa Antonio may tumatawag sa akin ng TONY,
at maniwala ka, natawag na rin nila akong MUSSI

Sa iskul tinatawag akong Sir Mad o Dr. Ligaya
hay naku, sa dami ng palayaw ako’y nahihilo na
oo nga pala ‘mate, meron akong natatago pang isa,
DADDU panloko sa akin, noong tayo’y mga bata pa.

Subalit sa lahat ng palayaw na naitawag sa akin,
iisa lamang talaga ang masarap na dinggin,
kapag ito’y aking naririnig magaan sa damdamin,
iyan ang orihinal kong cute na palayaw… CHING

Advertisement
%d bloggers like this: