… payo ko di na MABABAGO!

Tibong Cagayano, 02-14-10

him 10

Sa tula mong pang-sampu ako’y tuluyang nalito,
tama nga ba ang mga ipinayo ko sa iyo?
marami kang binanggit, karamiha’y siya ang mali,
kung tutoo lahat ng ito, ano ngayon aking masasabi?

Hindi na mababali, tulad pa rin ng dati ang aking payo,
kabiyak huwag iwanan, bagkus siya’y mahalin mo.
lahat ng sinabi mo’y ipinasuri ko sa aking puso,
kung ako ay ikaw, pagkamamahalin ko siyang lalo.

Sa mga puso niyong noo’y madalas mag-umpugan,
walang tigil sa pagtibok kapag kayo’y naghaharutan.
labinlimang-taon kayong nagsama bilang mag-asawa,
ni katiting na pag-ibig wala man lang bang natira?

Aminado ka rin naman na mahal mo pa rin siya,
dangan nga lang nag-iba na siya… iyong pagdududa,
simbolo kasi ng kasal niyo, sa daliri niya ay wala na,
kanyang itinapon o itinago, ‘yan ang iyong suspetsa.

Iyo ring inamin, na hangga’t maari ayaw mo pa rin,
na tuldukan ang inyong pagsasama at tuluyang tapusin,
ito’y senyales na ang puso mo’y nakagapos pa rin,
sa matrimonyang ginanap ng kayo’y pagsaklubin.

Sana kaybigan muli niyong damhin at balikan,
ang tibok ng mga puso niyo nung kayo’y nagliligawan,
kapaing mabuti ang mga bulong ng mga nararamdaman,
tulad nung mga panahong nagbubulungan kayo sa silid-aklatan.

Sa aking pakiwari’y may iba pang dahilan,
na nakatago sa puso mo at sa dibdib nakadagan,
hindi mo lang maisiwalat sa iyong tula ng lubusan,
sa anumang dahilan ikaw lang ang nakaka-alam.

Subalit hindi pa rin ako naniniwala na wala ng paraan,
para muling mabuhay ang inyong pagmamahalan,
kaya nga huwag mo munang tuluyang tuldukan,
pansamantalang lumayo ka kung kinakailangan.

Pangingibang-bansa iyong masusing pag-isipan,
pansamantalang paghihiwalay baka sa inyo’y makagaan.
huwag ka lang dito sa Inglatera manirahan,
sa susunod kong tula malalaman ang mga dahilan.

Advertisement
%d bloggers like this: