Mapamulang Baboy
(Sa Piling Ng Mga Hayop 13)
Katoto n’yong bubuyog muling lumipad
Nang matatambayan ako ay naghanap
Nang may natanawang umpukan sa gubat
Nagpasya ako na doon ay lumapag
Pinagusapan nila ay isang hayop
Na paguugali kay hirap maarok
Ang makasama siya’y nakakayamot
Dapat na iwasan upang h’wag mabugnot
Kilala ko ang kanilang tinutukoy
Hayop na ito’y ang mapamulang baboy
Feeling seksi kahit na siya’y tabatsoy
Sariling baho ‘di n’ya kayang maamoy
Wagas-wagas kung siya’y makapanglait
Akala baboy maganda’t hindi pangit
Kung makapuna akala mo’y kay linis
Akala mo siya’y walang bahid dungis
Di naman maganda ang tindig n’ya’t hubog
Para laging mamintas s’ya’t bumatikos
Akala siguro matino s’ya’t maayos
Kaya’t pinapansin bawat maling kilos
Walang kwentang bagay kanyang pinapansin
Lahat nang nangyari gusto’y punahin
Sa bawat kibot siya’y may sasabihin
Ang mapamulang baboy ubod ng galing
Kung kaybigan ka niya huwag tatalikod
Baka likuran mo’y gawin niyang dart board
Kapag kaharap ngingitian ng lubos
Kapag wala na’y saka binabatikos
Baboy na ito’y walang kamalay-malay
Mga ininis siya ma’y kinakatay
Mga dating kaybigan nagiging kaaway
Kaya’t sana siya ay magbulay-bulay
O mapamulang baboy maghunus-dili
Sa salamin sana’y humarap palagi
Huwag masyadong iangat ang sarili
Baka tinutungtunga’y biglang mabali