Ang Sumpa (Part 3)
Pinatakbo ko ang motorsiklo patungo sa lumang bahay ng aming pamilya na nasa isang sityo sa baranggay Dolores na halos nasa dulo na ng bayan ng San Luis. Ilang kilometro din ang layo niyon at malubak pa ang ilang bahagi ng kalsadang dadaanan ko. Si Mon na lang ang nakatira doon. Kinakabahan ako, baka may masamang mangyari sa anak kong si Alfred.
Habang tinatahak ko ang daan pabalik sa aming lumang bahay ay muling nanariwa sa aking ala-ala ang kuwento ng kapatid kong si Mon at kung papaanong inilihim namin kay Alfred ang napakaraming bagay tugkol sa aming angkan partikular na ang tungkol sa kanyang tito Mon.
**********
Hindi pangkaraniwang tao ang kapatid ko. May kakayahan siyang makakita ng kung ano-anong nakakakilabot na mga nilalang at mga kakaibang bagay. Nakakasaksi siya ng mga kababalaghan. Maraming nangyari sa kanya na napakahirap ipaliwanag. Iyon ay nagsimula matapos naming ipagdiwang ang kanyang ika-13 kaarawan. Maliwanag noon dahil kabilugan ng buwan kaya matapos ang simpleng handaan ay lumabas kaming magkakapatid ng bahay para makapagpahangin. Mainit kasi noon.
Napansin naming unti-unting dumidilim at inakala naming tinakpan lang ng ulap ang buwan. Nang tumingin ako sa langit ay napansin kong may lunar eclipse pala. Pumasok sa loob ang mga kapatid kong babae. Para silang natakot ng magsimula maging kulay pula ang kulay ng buwan. Kami ni Mon ay nanatili sa labas upang pagmasdan ang unti-unti pagpula ng kulay ng buwan. Noon lamang kami nakakita ng ganoon. Nakabasa lang ako tungkol dito at nakita ang mga larawan nito sa isang aklat noon.
Nang bumalik ang normal na kulay ng buwan ay biglang may lumapag sa balikat ni Mon… isang ibon. Nagulat ang kapatid ko. Hinampas ko ang ibon at itinaboy. Dumapo ito sa ibabaw ng konkreto naming bakod. Nang humuni ay noon ko napagtantong iyon ay uwak. Nakapagtakang may uwak pang lumilipad noon. Sa pagkakaalam ko kasi ay paniki lang ang ibong lumilipad kapag gabi na.
Nang lumipad palayo ang uwak ay biglang nagsumiksik sa likod ko si Mon. Nang tanunngin ko kung bakit ang sabi niya’y may mga duwende daw siyang nakita sa ilalim ng isang halaman sa aming bakuran. Noong una’y hindi ko pinansin ang sinabi ni Mon sa pag-aakalang nagbibiro lamang siya. Subalit maraming beses naulit iyon at hindi lamang daw duwende ang kanyang nakikita kundi kung ano-anong uri ng nilalang na inakala ko noon ay produkto lamang ng kanyang imahinasyon. Hindi lamang siya nakakakita ng mga ganoon kundi marami pa ibang naganap. Mga naganap na hindi kapani-paniwala.
Hindi na nakapag-asawa si Mon. Hindi dahil hindi siya nagkainteres sa kanino mang babae kundi sadyang hindi siya nanligaw. Marahil kung sinubukan niyang manligaw eh may magkakagusto sa kanya dahil magandang lalaki ang kapatid ko kahit na nga mayroon siyang mga nakakatakot na kakayahan. Maputi rin siya at may katangkaran. Mestisuhin si Mon at matangos ang kanyang ilong. Nag-mana daw sa tatay ng lolo ko na isang sundalong Español na nagpasyang magpakasal sa napusuan niyang Pilipina sa halip na bumalik sa Espanya noong natapos ang pananakop nila sa bansang Pilipinas.
Apat kaming magkakapatid, siya nga ang bunso, at ako naman ang panganay. Kami’y ulilang lubos na. Ang aming ama na dating sundalo at ang ina naming dating guro ay pareho nang sumakabilang-buhay. Noong taong itatag ni Marcos ang batas-militar ipinanganak ang kapatid kong si Mon. Limang taong ang agwat namin. Tanging si Mon lamang ang nakamana sa hitsura ng tatay ng lolo ko. Kaya nga madalas na may nagtatanong sa amin kung siya daw ba ay ampon. Pero ang mga nakakaalam na ang mga Cervantes sa bayan ng San Luis ay may dugong Kastila ay hindi na nagtataka kung bakit ganoon ang hitsura ni Mon.
At sa ankan namin ay pangatlo pa lamang ang anak ko na nakakuha ng anyo ng aming ninuno. Ang kapatid daw ng lolo kong nagngangalang Benjamin eh mestisuhin din katulad nina Mon at ang anak kong si Alfred. Kamukhang-kamukha nila ang Kastilang tatay ng lolo namin.
Tahimik na tao si Mon, hindi pala-kibo. Ilag siya sa mga tao doon sa Dolores. Ganoon din naman sa kanya ang mga kababaryo namin, lalo na ang aming mga kapitbahay at mga kakilala. Ang iba ay ilang, ang iba nama’y takot, at may mangilan-ngilan na sa kanya ay galit.
Maging ang mga kamag-anakan namin ay ganoon din ang pakiramdam sa kanya. At kahit nga sa aming mga magkakapatid ay tanging ako na lamang ang sa kanya ay kumakausap. Marahil dahil sa malayo na nakatira ang mga kapatid namin. Bukod nga sa amin ni Mon ay may dalawa pa kaming kapatid, parehong babae.
Kaming dalawa lang ni Alfred ang dumadalaw doon sa lumang bahay ng aming mga magulang. Kadalasang iniiwan ko doon si Alfred upang makakwentuhan ang kanyang tito.
Ganoon ang sitwasyon. Pinangingilagan ang kapatid ko. Hindi dahil basagulero siya. Ganoon ang turing sa kanya ng mga tao sa lugar namin dahil sa kamalasan daw na kabuntot o dala niya. Ang iba’y parang mangkukulam ang turing sa kanya.
Sa tuwing may matatapatan kasing bahay ang kapatid ko at biglang may mga uwak na dadapo sa bubong nito ay hindi matatapos ang maghapon o buong linggo at may mangyayaring hindi maganda sa bahay na iyon o sa mga nakatira doon. Minsan nga ay mga namamatay pa. Napakahirap ipaliwanag kung bakit ganoon ang nangyayari noon. Ang sabi ng tatay namin noon na maraming bagay ang nangyayari sa mundo na kahit siyensya ay hindi kayang ipaliwanag.
Ang unang naka-pansin niyon ay si Bb. Delos Santos, isang matandang dalaga at adviser ni Mon noong first year high school pa lamang siya. Isang araw iyon matapos ang ika-13 kaarawan ng kapatid ko – matapos ang gabing sinabi niya sa aking may nakita siyang duwende sa bakuran namin.
Ayon sa adviser ni Mon, nasa labas siya ng kantina ang kapatid ko, nakatayo at ayaw pumasok na parang natatakot. Nakita ng gurong iyon na nilapitan ang kapatid ko ng isang tindera sa canteen at niyayang pumasok. Sa isang puno ng acacia malapit sa canteen ay may mga dumapo daw na mga uwak. Pagkatapos ay nagtatakbong palayo si Mon.
Kinabukasan ay niyanig ang paaralan namin nang isang trahedya. Sumabog ang gasul sa canteen at namatay ang tinderang kumausap sa kapatid ko.
Noong una ay hindi daw iyon pinansin ni Bb. Delos Santos. Ngunit matapos ang anim na buwan ay may nangyari nanaman doon. Parang takot na takot na ayaw pumasok ni Mon sa industrial shop sa loob ng paaaralan namin. Nakita ng adviser ni Mon na naglalakad noon galing sa principal’s office na lumabas ang Practical Arts teacher at pilit na pinapapasok ang kapatid ko. Maya-maya pa ay may dumapong uwak sa bubong ng industrial shop at muli nanamang tumakbong palayo ang kapatid ko.
Kinabukasan, araw ng Sabado, bumalik diumano sa school ang naturang Practical Arts teacher sa hindi malamang dahilan. Bumigay bigla ang bubong ng shop. Nadaganan ang teacher, nabuhay man ito ay nalumpo dahil sa damage na tinamo ng kanyang spinal column.
Naikwento ni Bb. Delos Santos ang mga pangyayaring iyon. Kumalat sa lugar namin ang kanyang kuwento tungkol kay Mon. Wika nga nila ay may tenga daw ang lupa at may pakpak ang balita. Nakarating din sa sa mga magulang ko ang kuwento. Una’y galit na galit sila sa adviser ni Mon. Mas maganda daw na sana ay sa kanila na lamang sinabi iyon ni Bb. Delos Santos at hindi ipinagkalat. Hindi sila makapaniwala na makakaladkad ang pangalan ng bunso namin sa ganoong pangayayari.
Ilang kanto lang ang layo ng bahay ng adviser ni Mon sa amin at kakilala nila ito kaya nagpasyang puntahan siya ng mga magulang ko sa mismong bahay niya ng hapong iyon. Isinama nila si Mon.
Nang makita daw sila ni Mrs. Delos Santos ay kagyat na sila ay pinapasok. Isasarado na sana ng dinalaw na guro ang pintuan nang sabihan ng tatay na kasama nila si Mon. Lumabas ang adviser ni Mon. Nang medyo magtagal ito sa labas ay sumunod ang mga magulang ko.
Nakita nila sa labas ng gate na kausap ng adviser niya si Mon. Umiiyak daw ang kapatid ko, nanginginig, takot na takot. Sinabi niyang may pumasok na mamang nakabalabal ng itim sa loob ng bahay kasunod ng mga magulang ko. Maya-maya pa ay nakarinig silang lahat ng huni ng mga uwak na nakadapo pala sa puno ng mangga sa mismong bakuran ng bahay ng guro.
Nakita ito ng guro, nanlaki daw ang mga mata nito at akma sanang papasok pabalik ng bahay nang biglang humawak ito sa kanyang dibdib at hirap na hirap huminga. Paluhod itong bumaksak sa lupa.
Humingi ng saklolo ang ama at ina ko habang si Mon naman ay tumakbong palayo. Sinundan ni inay si Mon.
May nagmagandang-loob na nagmemay-ari ng isang kotse na naghatid sa adviser ni Mon sa hospital. Sa kasamaang-palad ay hindi na ito umabot ng buhay doon.
Hindi umuwi ng bahay si Mon ng gabing iyon. Hindi siya naabutan ng aming ina nang ito’y tumakbo. Buong magdamag halos na ginalugad namin ang aming lugar sa paghahanap sa kanya. Walang sumamang ibang tao, kahit ang aming mga malapit na kamag-anak. Maging ang mga opisyales ng baranggay. Pinabayaan kami. Lahat sila marahil ay nahintakutan o dili kaya’y wala silang pakialam.