AKING MGA SALOOBIN
Hardpen, 02- 02 – 10
Itong katoto mo sana’y pagpasensyahan,
mabantot mong sikreto ipinagladladan,
natuwa lamang akong muling balikan,
ala-ala ng lumipas nating kabataan.
Ipanalangin nating pangarap na “reunion”
sana’y maganap, matupad sa dako pa roon,
at nawa’y pumayag si Reverend Father Dom,
sa mutya nating ilog ganaping ang “mass celebration.”
Muli sa ala-ala ay di ko maiwasan
nakalipas na panahon ay aking balikan
kung paano kita noon ay lubos na hinangaan
galing mo at talino ninais kong mapantayan
Subalit ito man noon ay nais kong gawin,
pag-aaral sa gabi ay di uso doon sa amin,
hanapbuhay ang prioridad ng mga magulang namin,
bagay-bagay ukol sa iskul di nila pansin
At sa iskul naman noon ano man ang pilit,
na sa paliwanag ng guro ako ay makinig,
di magawa dahil ako ay inaantok, naiidlip,
ang dahilan sa nakaraang mga tula ay iyong binanggit.
Ngunit kahit papaano ako sa pagbabasa’y nahilig,
libro sa iskul, Liwayway, Bannawag at komiks
kapag sawa, pagod na sa laro at ako’y naiinip,
magbabasa sa isang lugar kung saan tahimik.
At maraming dahon ang nalagas sa tangkay ng panahon,
nanatili ka sa Cagayan, sa Batangas ako naparoon,
kapag mga pinsa’y nakikata sa ilang pagkakataon,
sa kanila tungkol sa iyo palaging nagtatanong.
Nawala man sa piling ko ang ilog Cagayan,
ang pumalit ay malawak na dagat ng Balayan,
ang gilid nito tuwing hapon pilit na pupuntahan,
upang paglubog na araw aking mapagmasdan.
Ngunit sa unang mga taon sa bagong lalawigan,
madalas akong mapag-isa’t tigib ng kalungkutan
wala kasi roon nakalakhang mga kaybigan
pagbasa at pagsulat ang aking napagbalingan
At mula nga noon pag-aaral ay nakahiligan,
sinikap hubugin simpleng mga kakayahan,
mga bisyo ay sinikap ko rin na iwasan,
pinili’y mabubuting tao bilang mga kaybigan.
Nang nasa kolehiyo na ako aking nabalitaan,
ika’y nangarap pumasok sa hukbong sandatahan,
WOW! wika ko, sa PMA, pasok aking kaybigan,
Iba talaga ang lebel ng iyong talino’t kagalingan!
Magkaiba ang mga buhay na ating tinahak,
magkaiba rin hinabol nating mga pangarap,
sa mga ninais natin tiyak marami ang natupad,
siyempre meron din naman sa kawalan napadpad.
Marami-rami na ring tayong napagkuwentuahan,
nang sa Friendster at Facebook tayo’y nagkatuntunan,
sa inbox ng Facebook mo noon sa iyo’y isinalaysay,
ang maraming drama nitong aking simpleng buhay.
Kaylan ma’y di pinangarap bansang ito’y lisanin
subalit para sa sarili ko ay merong dapat gawin,
sa inbox ng Facebook mo muli sanang basahin,
dahilan ko’y nakasaad doon, iyong pakalimiin.
Nang naka-post mong video sa Youtube aking nakita,
mga “bonding moments” ninyong mag-asawa,
bulong sa sarili napakasuwerte mong talaga
mukhang “smooth sailing” inyong pagsasama
Sa pangkalahatan buhay ko naman ay masaya,
karamihan ng hiningi sa Panginoon ay aking nakuha,
“But you can’t have it all,” ang sabi nga nila,
puede ko bang sawayin takda ng tadhana.
Ayan melo-drama ako, bakit mo pa kasi sinimulan,
masayang ala-ala ng kabataan natin ay iniwan,
nang banggiting medyo tayo ay merong ng katandaan,
kuwentuhan tuloy ay nabahiran ng kaunting kalungkutan!
Bago pumatak ng tuluyan aking mga luha,
at sa “keyboard” ng “desktop” ko biglang bumaha,
tutuldukan sumandali itong aking tula,
buong sabik hihintayin tugon mong katha!