… sa inspirasyong bigay mo, SALAMAT! 

 Tibong Cagayano, 02-25-10

Capture

Bulkang Mayon naging aktibo at biglaang sumabog,
tone-toneladang “lava” ang dito ay umagos,
ganyan ang nangyari sa utak kong iyong binulabog,
sa kapapadala mo ng mga kathaing napakaa-ayos!

Salamat ‘igan nag-krus landas natin sa Facebook,
dahil dito sa pagsusulat ako ay sumubok,
sa katawan ko pala may isa ring munting sulok,
nakatago ang husay, salita ang gamit sa paglilok.

Binigyan mo ako ng inspirasyong kumatha,
ng mga tulang lilibang sa aking mga kakilala,
ng mabasa ko ang mga gawa mong kwento,
ako’y nabuyo, sa pagsusulat ay na-engganyo!

♪♫ ♪♫ Sino nga bang hindi mawiwili,
sa mga tula mong nakaka-bighani?
kapag binabasa ko iyong mga sipi,
kasing-saya ako ng mga nanonood ng wowowee! ♪♫ ♪

Saludo ako sa angkin mong talino,
sa paglalarawan mo ng madamdaming kwento,
bawat kataga ay tumitimo,
sa mga mambabasa, puso man nila’y bato!

Paulit-ulit na para baga akong adik,
sa “marijuan stick,” walang tigil ang paghitit,
manghang-mangha sa mga salita mong ginagamit
parang puno ng mangga na sa bunga ay hitik.

Sino ba talaga ang iyong inspirasyon,
at mga sulatin mo’y parang may bendisyon?
ang sabi ko nga sa ‘yo noon,
pwede mo itong ibenta sa halagang milyon!

Sa palitan natin ng tula iyo sigurong nahahalata,
mga katha ko ay malabsa at kulang sa lasa.
pagpasensyahan mo na muna aking gawa,
at di naman ako nag-aral maging makata!

Ganunpaman pinipilit kong sagutin mga tula mo,
mahirap mang gawin, ako rin nama’y nakaka-buo,
ng mga tulang akala mo ay gawa ng henyo,
kahit na nga ako’y nagkukunwaring isang eksperto.

Ngayon nga para na akong isang daga,
pilit makagat ang keso sa bitag na naka-amba.
ganyan ang pakiramdam ko sa pagpipilit makagawa,
ng obra-maestrang magpapasikat sa apelyidong dala.

Minsan tuloy naglalaro sa aking isip,
ang umuwi sa Pinas at sa ‘yo humingi ng tip.
magpapatala sa eskwelang ikaw ang namamahala,
sa paglinang ng mga dalubhasang makata.

Tunay na kasing malayo ang ‘yong narating,
sa galing, istilo at paglikha ng mga sulatin,
parang bituin sa langit na di kayang abutin,
sing-lalim ng dagat na di kayang sisirin.

Kung sa letra ng alpabeto natin ikukumpara,
ika’y letrang “Wa”, ako naman ay “Ba”
nakaka-isang hakbang pa lang ako, malapit ka na,
mabuksan ang hiwaga ng utak ng mga makata!

Ganyan kalaki ang aking paghanga,
sa gawaan ng tula, tingin ko sa ‘yo ay isang dambuhala,
sing-taas ng bundok Apo, sing-lalim ng dagat pasipiko,
ang “boundary” ng utak mo, hindi ninuman matanto.

Alay ko sa ‘yo ay palakpak na masigabo,
sa inspirasyong hatid mo sa natutulog na utak ko.
sana dumating ang panahong ako’y maka-buo,
ng isang tula na ipagmamalaki mo!

Dahil na rin sa matinding paghanga sa iyo,
pati pagkakaroon din ng Alias ay pinag-iisipan ko,
kung “QUIJANO DE ILOCANDIA” ang gamit mo,
gusto ko ring matawag na “TIBONG CAGAYANO!”

Kung bakit Tibong Cagayano ang napili ko,
siguro minsan gawan ko rin ng tula ito,
ng malaman mo ang nakabalot na misteryo,
sa dalawang salita na yan na malapit sa aking puso.

Muli… ako’y nagpapasalamat sa ‘yo kaybigan,
sa inspirasyong bigay mo, para akong idinuduyan,
Diyos sana’y patuloy akong biyayaan,
ng mga ideyang sa tula ko ilarawan.

Advertisement
%d bloggers like this: