BAGYONG BIANANG, PAGHANDAAN
Hardpen, 03-04-10
Hala Banjun, hayan na si Bianang
ako sa kanya ay nagugulantang,
akala ko noo’y nagibibiro lamang
na siya’y sasali sa ating tulaan,
Subalit heto na’t tayo’y ginugulat,
dalawa na tulang kanyang nasusulat,
baka si Bianang laging magpuyat,
sa pagkatha na tula siya’y pumayat.
Kung ang kasukat mo’y Bulkang Pinatubo,
cute mong ate nama’y para yatang bagyo,
doon siya nanggaling sa dagat Pasipiko
humanda ka at hayan babayuhin na tayo.
Unang tula niya’y parang “low pressure area” lang,
hangin at ulang dala may kahinaan,
subalit nang makalapit sa kalupaan,
lupit niya’y unti-unting nararamdaman.
Iyan ang napansin sa pangalawa tula
na ate mong si Bianang ang kumatha,
aba’y tunay namang ako’y natulala
kayo ba’y may lahi talaga ng mga makata?
Aba katotong Banjun iyo bang napaghandaan,
pagdating ng bagyong pangalan ay Bianang,
aba’y nandito na siya ngayon sa kalupaan,
medyo lumalakas dala niyang hangin at ulan.
Baka katha nina Hardpen at Tibong Cagayano di na pansinin,
mga akda na lang ni Bianang ang kanilang hihintayin,
baka naman sa makalawa si Bianang tayo na ay isnabin,
mga gawa nating dalawa’y pagtawanan niya’t ismolin.
Sa iyo bagyong Bianang lubos akong naliligayahan,
malakas mong hangin at ulan masarap sa pakiramdam,
sasabihin ko’y “maligayang pagdating sa mundo ng tulaan,”
pagsusulat ng mga tula sana’y huwag mong pagsawaan.
Bianang ako sana sa iyo’y may ipapakiusap,
maari bang sa tula mong susunod iyong isiwalat,
mga sikreto nig pilyong Banjun na aming ikakagulat,
hagilapin ang papel at pluma, simulan ang pagsulat.