Tugon Kay Banjun
Hardpen, 01-28-10
Nang facebook binuklat
ako’y nagulat
sa aki’y tumambad
iyong tulang sinulat.
‘mate salamat
sa tulang natanggap,
saya’y di masukat,
damdami’y nagluwag,
ala-ala’y naglayag
sa panahong lumipas.
Pagkabasa ng tula mata’y ipinikit,
nakaraa’y muling sumagi sa isip,
noon tayo’y uhuging mga paslit,
laro at harutan ang tanging ibig.
Bukod sa mga bagay na sa tula mo’y tinuran,
sumagi rin sa naglakbay kong isipan,
pag-galugad at pagtakbo doon sa kagubatan,
idagdag mo pagligo natin sa RIO DE CAGAYAN
Sa itaas ng guho ng NUEVA SEGOVIA,
doon madalas tayo nagpupunta,
namamangka rin tayo ng sama-sama
papunta sa Malanao at Fabrica
Sa paaralan natin noon ikaw ang bida,
nang magtapos valedictorian ka pa,
pagtingala ko’t paghanga iyong nakuha,
nanatili iyon, pinaghiwalay man tayo ng tadhana.
Ang kaunting kakayahan na meron ako,
sa Diyos nanggaling regalo Niya ito.
Sinikap, pinilit, pinagyayaman ko,
patuloy na papandayin hanggang maging perpekto.
At sana’y iyong mapansin
pagsulat kayang-kaya mong gawin.
Taal ang talino mong angkin,
ito sana’y iyong pagyamanin.
Patuloy ‘mate na kita’y titingalain,
paghanga sa kakayahan mo laging tataglayin.
Papuri mong ibinigay buong pusong tatanggapin,
hayaan mo’t pagsusulat ko’y laging pagyayamanin.
Krus natin isang araw muli sanang maglandas,
sana isang araw muli kitang makadaupang palad,
sa ngayo’y panalangin tanging maigagawad,
sa kaybigan kong sa aki’y kay layo ng agwat.