Lingon (Part 8)

smokeMula sa backpack ni Daniel ay kinuha ko ang kanyang lighter at ang pinaglagyan niya ng gaas at mga mitsa ng lampara. Ipinagpatuloy namin ang paggalugad sa kakahuyan. Magkatalikuran na kaming tatlo habang naglalakad. Dikit-dikit na kami halos.

Ang mga ingay at kaluskos na narinig ko ay palatandaan na nasa malapit lang ulit ang mga sutsot.

“Isa kang kriminal Tomas. Sarili mong kaybigan eh pinatay mo.”

Boses nanaman ni Patrick ang ginaya ng mga sutsot. Galing sa bandang likuran namin ang boses na iyon.

“Napakawalang-hiya mo Tomas. Pinatay mo ang aking anak. Pagbabayaran mo ang ginawa mong krimen.” Tinig naman iyon ng nanay ni Daniel.

Itinutok ni Tomas ang kanyang baril sa pinanggagalingan ng mga boses na iyon at sinabing “Gago! Sutsot ang pinatay ko. Kayo ang pumatay kay Daniel. Bakit di mo subukang magpakita nang isunod na kita.”

“Matapang ka lang Tomas dahil may baril ka. Mauubos din yang bala mo. Kapag ubos na  ang mga iyan eh humanda ka. Magtutuos tayo.”

“Malakas ang loob mong magsalita ng ganyan dahil isa lamang akong tao. Ikaw ay isang dating anghel at may kapangyarihan. Maglaban tayo ng patas kung gusto mo.”

Isang malakas na atungal ang isinagot ng sutsot kay Tomas.

Naisip kong baka ang mga umaatungal na sutsot na iyon ang kanilang mga pinuno. Isa rin marahil sa kanila ang madalas na kumokopya sa boses ni Patrick.

“Tatlo na lang ang natitirang silver bullets ko.” Pabulong na sabi sa amin ni Tomas.

“Hetong hunting knife ko. Hindi nito sasantuhin ang mga sutsot na iyan.”

“Apat na sa mga kasamahan ni Ella ay bangkay na nating natagpuan. Isa   na lang, kasama si Ella, ang maaring buhay pa sa kanila.” ang sabi ko.

“Buhay o nasaniban!” ang sagot ni Jasmin.

“Isama natin ang kuya mo… bali tatlo.  Maliban na lang kung iyong isa sa mga kasamahan ni Ella eh ang bangkay na kinakain ng mga lobo kanina at  kung walang ibang nagpuntahan sa islang ito bago pumunta dito ang kapatid ko’t mga kasama niya.”

Patuloy sa pambubuyo ang mga sutsot na kami’y tumingala sa kinalalagyan nila.

Dumalang ang mga punong nadadaanan namin. Wala na rin ang mga tulay na baging sa aming  bandang ulunan. Wala na kaming damong tinatapakan. Mabato na ang lugar na aming tinutumbok.

Parang nawalang bigla ang mga sutsot.

Nang tuluyan kaming makalabas sa kakahuyan eh narating namin ang isang batis.
Hanggang makarating kami sa gilid nito eh magkakadikit at magkakatalikuran pa rin kaming naglalakad.

Nagsiupo kami sa mga  batuhan. Mukhang napakalinis ng batis. Napakalinaw ng tubig. Mababaw lang ito at mga sampung hakbang siguro’y  makakatawid ako sa kabila. Galing ang tubig nito sa bandang itaas at hindi ko sigurado kung ang tubig nito’y tumutuloy hanggang sa dagat sa dahilang ang bandang dulo nito sa kabila ay papakipot papasok sa isang bahagi ng pinanggalingan naming kakahuyan.

Batid kong katulad ko’y uhaw na uhaw na rin sina Jasmin at Tomas ngunit wala sa aming nagtangkang uminom.

Mula sa likuran ng isang malaking bato sa aming harapan eh may isang lalaking biglang lumitaw. Balbas-sarado siya. Gusgusin.  Kasingtangkad halos ni Tomas ngunit mas matipuno ang pangangatawan. May nakasukbit sa tagiliran niyang gulok – kahalintulad ng mga gulok na nakita ko sa bangkang sinakyan ni Jasmin at ng mga kasama niya nang makita namin sila.

Napakalapit lang niya sa amin. Mabilis na ikinasa ni Tomas ang kanyang baril at itinutok sa lalaki. Nasorpresa kami sa bilis ng kilos ng lalaki. Isang iglap eh naagaw niya ang baril ni Tomas at ito’y itinutok sa amin.

Akmang uundayan ni Jasmin ng saksak ang lalaki ngunit siya’y mabilis na natutukan ng baril sabay sabing, “Huwag Jasmin!

Natigilan kaming lahat.

“Ku…kuya Patrick! Ikaw nga ba yan kuya?”

“Oo ako nga!” sagot ng lalaki.

Nang akmang yayakapin ni Jasmin ang lalaki ay pinigilan ko siya.

“Teka… teka muna Jasmin. Baka…”

“Don’t worry brod. Hindi ako sutsot.” wika ng lalaki.

“Salamat sa Diyos at buhay ka?” Yumakap si Jasmin sa kanyang kuya. Ipinakilala niya kami sa kanyang kuya.

”Kayo ba ang mga sakay sa bangka ni tandang Kharon kagabi?” Ang tanong ni Patrick habang ibinabalik kay Tomas ang baril nito.

Tinanguan ko si Patrick bilang kasagutan.

“Ako iyong may hawak na sulo na ikinakaway ko sa inyo kagabi. Tuwing may nakikita akong apat  na piraso ng liwanag na nasa gitna ng dagat ay nagpupunta ako sa tuktok ng mga batuhang iyon.” Tumuro si Patrick sa posibleng pinakamataas na bahagi ng islang iyon. “Doo’y parang iwinawagayway ko ang isang sulo upang makita ng mga nakasakay sa balsa ni tandang Kharon.”

“Kuya… paanong…”

“Mahabang istorya. Pero saka na tayo magkwnetuhan. Ang mahalaga makaalis tayo sa islang ito.” ang wika ni Patrick.

“Teka, nagpunta kami dito upang hanapin ang kapatid kong babae. Ella ang pangalan niya.”

“Sumunod kayo sa akin.” Ang sagot ni Patrick na pagkasabi niyo’y dali-dali  lumusong sa batis at  naglakad papunta sa kabilang bahagi nito patungo sa direksyon ng batuhang itinuro niya kanina.

Sinundan namin siya. Bago makarating sa naturang batuhan ay pumasok nanaman kami sa isang kakahuyan ngunit hindi kasingdami ng punong-kahoy kumpara sa pinanggalingan naming gubat. Hawan ang paligid. Malinis ngunit kapansin-pansin na amoy gaas ang paligid.

Sa may di kalayuan ay may natanaw kaming parang bahay kubo na mga tuyong dahon ng niyog na pinagpatong-patong ang nagsisilbing bubong. Nang malapit na kami dito  ay may lumabas na isang babae – si Ella.

“Kuya… kuya!”

Tumakbo si Tomas upang salubungin ang kanyang kapatid. Niyakap niya ito ng mahigpit.

“Salamat sa Diyos at  buhay ka!”

“Si Patrick kuya ang nagligtas sa akin.”

Ang sabi ni Ella sabay hawak sa baywang ni Patrick. Hahalik pa sana si Ella sa pisngi ni Patrick  ngunit umiwas ang huli.

Nakita ko ang pagtataka sa mukha ni Tomas at Jasmin sa inasal ni Ella.

“Ah… kuya nakita ba ninyo ang mga kaklase ko?”

“Patay na silang lahat maliban siguro sa isa.” ang sagot ni Tomas.

“Tanging kami lamang ni Ella ang natitira pang buhay sa islang ito.” ani Patrick. “Halikayo, pumasok tayo sa kubo.”

the-shape-shifting-ghost

Sinundan namin sina Patrick at Ella papasok sa kubo.

“Ito ang nagsilbi kong tirahan mula noon napunta ako dito.” ang wika ni Patrick.

May kalakihan din ang kubo. Puro yari sa mga kahoy ang mga higaan, upuan at lamesang nasa loob  nito. Mula sa isang lalagyan ay naglabas ng saging at iba pang mga prutas si Patrick.

“Kumain kayo, natitiyak kong gutom kayo.”

Habang kami’y kumakain ay hindi ko maintidinhan kung bakit nangangalisag ang mga balahibo ko. Baka may sutsot sa malapit sa kubo.

“Paano kang nailigtas ni Patrick Ella.” ang tanong ni Tomas habang kami’y kumakain.

“Ang natatandaan ko lang eh matapos naming itayo ang mga tent  eh nagsiga iyong isang kaklase ko. Nakaharap kami sa apoy nang sa likuran namin ay may pumaswit. Ang mga nagsilingon eh bigla na lang nagkikisay at kitang-kita kong nawawak-wak ang mga tiyan nila. Sa takot eh nagtatakbo ako hangang makarating ako sa kakahuyan. Biglang may sumunggab sa akin at tinakpan ako sa bibig. Sinabihan akong huwag maingay. Sinumulan naming maglakad at binalaan niya akong kahit anong mangyari eh huwag akong lilingon kapag may pumaswit o tumawag sa pangalan ko. Hanggang makarating kami sa bandang batis ay hindi kami tinantanan ng paswit at  pangeenganyong lumingon.”

“Bakit mukhang ayaw sumunod ng mga sutsot sa lugar na ito? ang tanong ko kay Patrick. “Napansin naming hindi kami sinundan ng makarating na kami sa may batis.”

“Apoy lang ang pwedeng pumatay sa mga sutsot na hindi pa sumasanib sa katawan ng tao at kapag nasunog ang nasasaniban nila’y napipilitan silang lumabas. Alam nilang binuhusan ko ng gaas ang marami lugar sa bahaging ito ng isla . Sisindihan ko ito kapag kinaylangan. Takot din sila sa gamit kong gulok na ito.”

Tinanggal ni Patrick sa puluhan nito ang gulok at itinaas ng bahagya.

“Madaming sutsot na ang napatay ng gulok na ito. Bitbit ito ni Julie nang magpunta kami dito. Ayon sa kanya  ay nabendisyunan daw ng isang pari ang gulok na ito.

“Kuya… si Julie nga pala…”

“Oo… patay na siya.”

“Ikaw naman ang magkwento kuya?” Ang wika ni Jasmin.

“Saka na kapag nakaalis na tayo sa isla Jasmin. Marami tayong panahon para d’yan. Sa ngayon kaylangan nating magmadali. Kung kayo’y tapos ng kumain eh lumakad na tayo. Bago lumubog ang araw ay kaylangang makarating tayo sa tabi ng dagat.

Noon ko lamang naala-alang tumingin sa aking relo. Halos alas-tres na pala ng hapon.

“Tara na.” ani Patrick.

Lumabas kami ng kubo. Ayaw talagang mawala ng pangangalisag ng mga balahibo ko sa batok at braso. Malayo pa kami sa kakahuyan pero parang  merong sutsot malapit sa amin. Nagprisinta akong magbantay sa aming likuran. Si Patrick ang nasa unahan, hawak ang kanyang gulok. Kasunod niya si sina Jasmin at Ella.

“Tol iba ang pakiramdam ko. Hindi ko maintindihan kung bakit.” ang bulong sa akin ni Tomas.

Habang kami’y papalapit muli sa  kakahuyan ay pumalahaw ang mga sutsot. Iyon ang unang pagkakataon na iisang sutson lamang ang umatungal.

Muli’y natanawan ko na  ang mga tulay na baging. Umuugoy ang mga ito ngunit wala akong nakikita kundi parang  may kumikilos na maitim na usok na parang hugis tao na mabilis ding nawala.

Ilang sandali pa’y nasa loob na uli kami ng kakahuyan. Dahan-dahan muli at maingat ang aming mga hakbang. Ako  pa rin ang nasa likuran. Nagsimula nang muling pumaswit ang mga sutsot. Nakasanayan ko na, siguro ganoon din ang mga kasama ko. Kung ano-ano nanaman ang mga sinasabi nila. Nangaasar, nambubuyo, pinipilit kaming palingunin.

Ipinagkibit-balikat ko na lamang ang mga nadidinig ko. Ganoon din ang mga kasamahan ko. Katulad ko, marahil ang tanging nasa isip nila ay ang makabalik sa gild ng dagat, makasakay  sa balsa, at makaalis na sa isla.

Nadaanan namin ang pinaglibingan namin sa bangkay ni Daniel. Nakabuyangyang sa lupa ang katawan ni Daniel. Nilapitan namin ito ni Tomas. Wakwak ang dibdib niya’t tiyan.  Lahat ng lamang loob niya’y inubos kung hindi ng mga lobo ay ng  mga demonyong sutsot.

Nagkatinginan kami ni Tomas. Maaring pareho kami ng inisip. Tinabunan namin ng mga tuyong dahoon at sanga ang bangkay ni Daniel.

Inilabas ko mula sa aking backpack ang pinagsama-sama ni Daniel na gaas at  mitsa ng mga lampara mula sa balsa ni tandang Kharon. Ibinuhos ko iyon sa tumpok ng mga dahong nakatabon sa kanyang katawan. Gamit din ang lighter ni Daniel ay sinindihan ko ito.

Mabilis na nagliyab. Nilagyan pa namin ni Tomas ng maraming dahon at sanga.

Lumaki ang apoy. Dinilaan ang mga dahon pang nakakalat sa paligid hanggang gumapang sa mga tuyong baging na naglambitin at nakapulupot sa mga puno.

Dinig na dinig ko ang palahaw ng mga sutsot – hindi palahaw ng pagbubunyi kundi ng takot.

Iisang  atungal ng sutsot ang aking nadinig at sinusundan iyon ng mga palahaw. Nasaan kaya ang sa pakiwari ko’y pinuno nila.

Tuluyang kumalat ang apoy. Binilisan pa namin ang paglabas sa kakahuyan – lakad… takbo. Ramdam naming para kaming hinahabol ng lumalaking apoy.

Part 9

Advertisement
%d bloggers like this: