… sa pagdating ni Bb. V.V.
Tibong Cagayano, 03-07-10
Hayan na naman kaybigan kong katulaan,
sa paglikha ng tula, nadagdagan ating kalaban,
Binibining Vida Ventura ang kanyang pangalan,
ang kanyang pagsulpot, iyo ba itong inaasahan?
Parang kabute na bigla na lang sumulpot,
ang tunay na motibo ay hindi ko maarok,
kung siya ba ay isa ring daldal-parrot,
o talagang seryoso na sa tulaan ay susubok.
Para nga siyang bulkang biglang sumabog,
hindi na napigilan ang init niyang natutulog,
aaminin kong ako’y kanyang binulabog,
nawala tuloy ang aking pagkahambog.
Sa unang katha pa lang niya’y talaga namang rumagasa,
ang mainit na daloy ng nagbabagang lava,
gaano kaya kalakas ang ginawa niyang pagpiga,
sa utak niyang pinanggalingan ng sinulat niyang ideya?
Harinawang hindi ito ang una at pinakahuli,
na tulang kinatha niya na sa atin ay ibinahagi,
mata ko’y mariing ipikit at manalangin akong mabuti,
huwag sanang huminto ang dating ng tula niyang hinahabi.
Marahil tulad ko din siyang biglang nagka-interes,
sa pagsusulat ng mga tulang gustong mai-publish,
simula ng mabasa niya mga tula nating nakaka-impress (?)
hindi na napakali, gusto rin niyang sumikat na parang aktres.
Sa iyong pagdating Binibining Vida Ventura,
sa masarap na larangan ng pagsusulat ng mga tula,
hayaan mong pasalubungan din naman kita,
ng isang malakas na palakpak at martsang musika.
Tinitiyak ko sa iyong hindi ka magsisisi,
sa magandang libangan na ito na iyong napili,
mabisa itong pangtanggal ng inip at panlaban sa pighati,
na nararamdaman sa mga sakit na sa ati’y gustong gumapi,
Ako nama’y pinabilib mo din sa nilikha mong tula,
madamdamin ito, sa katunayan, ako nga ay napaluha,
alam ko naman ang kwento ng buhay mo pero iba na talaga,
ang dating nito, nang iyong isinatula at aking nabasa.
Ilang pagsasanay pa siguro sa paglikha,
ng tulang madamdaming ang dapat mong isagawa,
konting panahon lang, alam kong ikaw ay mahahasa,
pagdating ng panahon, kikilalanin ka ring magaling na makata.
Ala eh… hindi ba ikaw ay aking pinsan,
nasa dugo ba natin ang pagiging makata ng bayan,
noong una kasi ako, tapos dumating si Ate Vivian,
ngayon… ikaw naman ang sumali sa aming tulaan.
Hindi pala kita kalaban, sa halip ay kakampi kita,
ang iyong pagdating, sa akin pala ay isang biyaya,
sa wakas ang kasama ko sa tulaan ay dalawa na,
isang kapatid, isang pinsan, may sasama pa kayang iba?
Hayan Hardpen, ako na ngayon ay dinamayan,
nitong mga kamag-anak kong may mgatalent din naman,
nakahalata yata sila na ako ay nahihirapan,
sa ating tulaan kaya ako’y kanilang sinamahan.
Huwag ka sanang mag-isip na ika’y pinagtutulungan,
kahit pa tatlo kami, mahina mo pa rin kaming kalaban,
ikaw naman kasi ay isang dalubhasa na sa tulaan,
samantalang kami naman ay nag-uumpisa pa lamang.
Kaya Binibining V.V. ako’y nagpapasalamat sa iyo,
at tinulungan mo ako sa tulaan namin ng aking katoto,
huwag ka sanang tumigil at tuluyang huminto,
sa pagsali sa tulaan namin nitong si DR ANTONIO!