Buhay Hayskul – Ligawan Part 1

Hardpen, 03-22-10

high school

Ako sana katoto ko ay iyong pagpapasensyahan,
sa pagsagot sa tula mo’y medyo natatagalan,
mga “paperworks” kasi sa iskul ako’y natatabunan,
kaylangang tapusin agad dahil “graduation” nanaman.

Tungkol sa “high school life” mo ako’y kinuwentuhan,
sinimulan sa “chapter” kung paano si Magie’y niligawan,
hala sige sa “high school days” natin dalhin ang tulaan,
tiyak marami tayong mga kuwentong pagpapalitan.

Tungkol sa ligawan din ang unang ikukuwento,
kung paano naningalang-pugad itong iyong katoto,
at kapag ito’y nabasa rin ng mga kaybigan ko,
tiyak na may magsasabi nanaman na ako ay pilyo.

Siyanga pala ‘mate gusto ko lamang linawin,
iyong sa dalawang nakaraang tula na tatlong hardin,
mga kampupot at kalachuchi huwag mong iisipin,
na sila’y mababang uri, di puedeng seryosohin.

Kung bakit sila’y nakahiwalay sa “sunflowers” ko’t rosas,
at sa ibang hardin dito sa puso ko sila inilagak,
pagkakaybigan kasi nami’y di lumipad ng mataas,
upang makarating sa isang seryosong antas.

Kabilang sa hardin na iyon ang mga niligawan,
na noong nasa hayskul ay aking natipuhan,
sa aki’y mahalaga sila’t di makakalimutan,
pagkukuwento sa kanila, heto’t aking sisimulan.

Kilala mo iyong kampupot kong iniwan sa Cagayan,
di na siya nakita ng kami’y mangibang bayan,
kaya’t mga bulaklak doon sa “campus” na nadapuan,
pinagmasdan kung meron puedeng makaharutan.

At matapos nga ang halos wala pang isang lingo,
sa “Community High School” ng pinagenrolan ko,
meron akong klasmeyt, bulaklak na marikit at mabango,
ikinampay ko aking pakpak, sa kanyan umali-aligid ako.

L.P. ang “initials” ng naturang dalaginding,
siya ay mabait, maganda at medyo mahinhin,
mga kabaro ko madalas sa kanya ay tumitingin,
kampupot ko sa tangkay nito gusto yatang pitasin.

Kaya’t mga karibal na bubuyog bago nakaporma,
isang hapon noon, sa tabi ng dagat ako ay nagpunta,
bumuo ng plano, nag-isip ng istratehiyang maganda,
upang dilag ko’y mapasaakin, di maagaw ng iba.

Pabalik ng bahay, dagli-dagli akong kumaripas,
kumuha ng bolpen, pahina ng notebook ako’y pumilas,
kapagdaka’y buong sabik na bumalik sa gilid ng dagat,
upang “love letter” buong pagmamahal na sinulat.

Ang araw na sumunod noon ay isang Biyernes,
kabilang kami ni L.P. sa mga nakatokang cleaners,
di ako maka-focus sa ginagawang paglilinis,
kung paanong maibigay ang sulat, aking inisip.

At ng matapos maglinis, nagsimulang mag-uwian,
di naibigay ang love letter, kasi ako’y kinakabahan,
kaya’t ang ginawa ko, paglabas siya’y binuntutan,
sulat inilagay sa bag niyang palihim kong binuksan.

Pagsapit ng Lunes, sa pagpasok, ako’y nag-alangan,
matindi kasi talaga ang kabang aking naramdaman,
baka kasi na-bad trip si L.P. at hindi nagustuhan,
mga bagay na isinaad ko doon sa aking liham.

Sa loob ng klase, para akong isang duwag,
di makatingin ng diretso sa sinisinta kong dilag,
dati’y nilalapitan naman siya at kinakausap,
bigla akong natameme matapos bigyan siya ng sulat.

Nang “lunchtime” sa klasrum hindi ako lumabas,
siya’y lumapit, nagtanong kung puede kaming mag-usap,
kung sa liham walang takot na sa kanya’y nagtapat,
nanginig naman ang tuhod ko ng siya’y nakaharap.

Naglakas loob ako na sa kanya ay tumingin,
tinantya kung siya ay nagagalit sa akin,
ngumiti ang dilag kong maganda at mahinhin,
wika niya’y makinig ako sa kanyang sasabihin.

“Sa susunod kapag ako’y bibigyan mo ng liham,
gusto kong iabot mo ito sa akin ng harapan,
dahil kung uulitin iyong ginawa mo baka magkabistuhan,
madalas kasing ang inay, gamit ko’y tinitignan.”

Tumango ako at nangakong di na uulitin,
iaabot na ng personal mga liham na susulatin,
at nangako naman siyang palaging sasagutin,
at itatago mga liham ko matapos niyang basahin.

Tinanong ko naman siya kung kanyang ikinagalit,
nang ipagtapat sa kanya ang lihim kong pag-ibig,
siya ba’y madidismaya kapag ako’y mangungulit,
hanggang matamis niyang “oo” aking masungkit.

Di siya sumagot bagkus sa akin ay lumapit,
kinuha ang isa kong libro at doo’y may iniipit,
ginulo ang buhok ko, sa pisngi’y marahan akong tinapik.
“Sulat ko’y basahin mo!” pagkasabi niyon siya’y umalis.

Pag-asa’y nabanaag sa kilos niya’t salitang binitawan,
kaya’t sulat niya sa libro ko’y dali-dali kong binuksan,
buong sabik na binasa bawat salitang nilalaman,
pagkatapos basahin ito, ligaya ang naramdaman.

Paano kasi ay hindi ko talaga namang akalain,
si L.P. pala sa aki’y may lihim ding pagtingin,
“Oo” ang isinagot, ako’y minamahal niya rin,
subalit pag-aaral daw muna ang aming atupagin.

Advertisement
%d bloggers like this: