Ang Palatawang Tarantula

(Sa Piling Ng Mga Hayop – 7)

tarantula

Pilyong bubuyog heto at nagbabalik
Sa paghabi ng tula ako ay nasabik
Kaya’t pluma sa papel muling inihalik
Ibabahagi laman ng puso’t isip

Bakit nga ba at dagling aking nilisan
Nilapagang hardin sa may kawayanan
Bakit harding iyon hindi natagalan
Natakot ba ako sa ipis na hukluban

Sa ipis na hukluban hindi nasindak
Batid kong “Baygon” lang ang kanyang katapat
Ngunit sa kanya’y may nakabuntot na resbak
Isang tarantulang laway ay makamandag

Tarantulang naturan ay palatawa
Kapag kinausap ka ay humanda na
Mangatwiran ka at sya lang ay tatawa
Matapos kang tawana’y magso-sorry pa

Tarantula’y sobrang hilig humalakhak
Marami sa hardin sa kanya ay ilag
Madapuan ka ng laway n’yang makamandag
Sa sama ng loob luluha kang tiyak

Karamiha’y hindi na lamang kikibo
Takot na pangil nito sa kanila’y itibo
Sama ng loob pilit na lang itatago
Sa kamandag ng tarantula sila’y suko

Kapag tarantula’y nagbukas ng bibig
Salita’y makamandag lason sa pandinig
Dibdib mo’y parang bulkan sasabog sa galit
Luha sa mata mo tiyak manggigilid

Laway ng tarantula natikman ko rin
Kanyang kamandag gusto akong pasukuin
Ngunit “antidote” na dignidad kung tawagin
Tumalab at sa lason ako’y pinagaling

Nang magpaalam sa paro-parong bukid
At ipaliwanag ang aking pag-alis
Kamandag ng tarantula aking binanggit
At nakakapandiring gawi ng ipis

May nagpayong langgam na makulit
Sa diwata ng kawayan ako lumapit
“Huwag na lang!” sa kanya ang sambit
Natitiyak kong diwata’y di makikinig

“Of course I can refute THEIR points at any time”
Subalit ang hindi ko pwedeng kalimutan
Diwata’t tarantula ay magkaybigan
Sa anumang usapin sino papakinggan?

Kaya’t hardin doon sa may kawayanan
Kagyat  na noon nga ay aking nilisan
Ayaw na aksidenteng ipis mayapakan
At muli taratula ako’y paglaruan

Leave a comment