Nang Ako’y Ngitian

man and woman

(Mula sa kantang “Two Less Lonely People” ng Air Supply)

 Buwan  sa gabi’y nakatago sa ulap
Araw sa umaga ay ayaw sumikat
Laging bigo at sa lungkot nasasadlak
Ayaw nang umasa’t dala nang mangarap

 Ayaw sa kabigua’y muling malugmok

Bakit nanaising sa luha’y malunod

Mundo ko sa pag-ibig ‘di na iinog

Puso marahil ‘di na muling titibok

 

Ngunit nakita ka’t ako’y nginitian

Tumigil ako at kita’y pinagmasdan

Ngiti mong nagkukubli ng kalungkutan

Parang nag-aanyayang kita’y damayan

 

Atubili ma’t maraming agam-agam

Ngumiti rin ako’t kita’y nilapitan

Nang kamay mo’y mahigpit na hinawakan

Balikat ko’y masuyo mong sinandalan

 

Sa malambot mong pisngi ako’y humalik

Ang tugon mo rito’y yakap na mahigpit

Sa puso’y tumibok muli ang pag-ibig

Minithing ligaya sa wakas nakamit

 

Mga puso nating bihasang mabigo

Nilaro ng tadhana bago nagtagpo

Nang kita’y matagpuan saka natanto

Sa ‘yo nakalaan itong aking puso

Advertisement
%d bloggers like this: