… dito sa INGLATERA (mga positibong bagay naman)

Tibong Cagayano, 02-19-10

him 14

Tulad ng sabi ko sa nakaraan kong tula,
moderno at maunlad ang bansang Inglatera,
malaki ang pambansang kita, dambuhala sa ekonomiya,
miyembro ng samahan ng mga mayayamang bansa.

Madali dito ang kumita ng salapi,
kung sa trabaho ay hindi ka mapili,
madali ring umutang sa bangko ng puhunan,
basta ba malinis ang rekord ng iyong pangalan.

Ang transportasyon dito ay moderno,
mga pampublikong bus at tren ay makabago,
talagang kumportable ka kung sumakay sa mga ito,
sapagkat makikisig ang tindig at magagara ang takbo.

Lahat ng sulok na nais mong puntahan,
naaabot ito ng pampublikong sasakyan,
walang lugar na malayo at mahirap pasyalan,
pagkat mga sasakyan nila ay maasahan.

Sa komunikasyon naman ay walang problema,
linya ng telepono ay naglipana,
bawat sulok ata ng mga kalsada,
may mga “red letter box” ka ding makikita.

At kung mag-telebabad naman ang iyong nakahiligan,
at “mobile phone” pa ang gustong gamitin sa tsikahan,
naglipana dito ang mga malalaking tindahan,
kontrata o “pay as you go,” mura mo itong makakamtan.

Kung may kailangan ka sa ahensiya ng gobyerno,
kalimitan pwede na ang transaksyon sa telepono,
di ka na kailangan pang tumayo at lumayo,
sa loob ng bahay mo, magagawa mo lahat ng ito.

Kung mahina ka naman sa inglisan,
sa sulat mo na lang lahat ipadaan,
liham mo ngayong sa koreo ipinadala,
kinabukasan… sa destinasyon ay nakarating na!

Kapag ika’y nagutom at naghanap ng kainan,
di ka mahirapan, sandamukal dito ang restoran,
pagkaing “oriental,” “continental” o carribean,”
maraming pagpipilian basta ba iyong bayaran.

Kung sa magagandang tanawin ka naman mahilig,
sa bansang Inglatera ika’y mapapabilib,
mabubusog ang mata mo sa mga lugar na kaakit-akit,
para kang namamasyal sa paraisong langit!

Para naman sa mga mahihilig mag-“shopping,”
sa mga magagarang bilihin ikaw ay malalasing,
bansang Inglatera yata ang sentro ng “fashion,”
bagong labas na produkto tiyak makikita mo sa London!

At kung ang hilig mo naman ay sasakyang magara,
kahit “chedeng” madali mo itong makuha,
ihanda mga papeles, mangutang sa ‘yong bangko,
kinabukasan may kotse ka nang pinapatakbo.

Pagdating naman sa edukasyon ng mga bata,
maliit lang ang gastos, libre ang matrikula,
moderno at sagana sa gamit ang mga eskwela,
mga tisay at magaganda pa mga maestra. (ok ba?)

Mga benepisyong galing sa gobyerno ay okey rin naman,
tulad na lang ng “Child benefit” na makukuha bawat buwan,
mga anak mong menor de edad kahit pa ilan,
bawat isa may matatanggap mula sa kabang-bayan.

Para naman sa mga may edad o matatanda na,
mga “senior citizen” o “pensioner” kung tawagin sila,
bukod sa pensyon may mga “freedom pass” silang dala,
libre ang pamasahe kahit saang sulok ng bansa magpunta.

Meron ding maganda para sa ‘yo kung isa kang tamad,
at benepisyong galing sa gobyerno lang ang ‘yong hangad,
galingan mo lang ang pagsisinungaling at kapalan ang mukha,
panggastos kada buwan, lahat ‘yan iyong makukuha.

Sa kalinisan naman ng paligid wala ka ring masabi,
mga ilog at kanal nila dito malilinis pati,
ang basura ay hinahakot nilang pirmi,
ng mga makikisig na basurerong naka-uniporme.

Mga parke nila dito ay sadyang malalawak,
maaliwalas tingnan at nakaka-relaks,
bagay na bagay sa mga tulad mong manunulat,
sa mga parke dito, paa mo ay malayang mai-unat.

♥♥At kung nabibilang ka naman sa mga lahing palikero,
at mahilig tumingin sa mga tisay at gustong mamboso,
kapag panahon ng “summer” sa parke ka dumiretso,
ay naku… sa mga nagsa-“sunbathing” busog mga mata mo!♥

Pag lumabas ka ng bahay, suot di na kaylangan pang pumili,
bago o luma, plantsado o lukut-lukot, malinis o kaya marumi,
magara ang porma, baduy ang dating, kahit suot ay tagpi-tagpi,
walang makikialam kahit pa nga saplot mo ay napaka-igsi.

Ilan lang ‘yan kaybigan sa magagandang bagay dito,
ang pumarito at tumira ba ay iyong gusto?
balikan mo ang mga binanggit kong negatibo,
ano sa palagay mo, mas lamang ba ang positibo?

Advertisement
%d bloggers like this: