Parang Hangin – 1
Para kang hanging dumating
biglaan, di inaasahan.
Kay tamis ng ngiti mo.
Parang hangin,
binigyan ng buhay, ng tibok,
pusong di marunong kumalinga, di natutong magmahal.
Aamin akong mapaglaro, di tapat sa pag-ibig.
At dumating ka nga,
parang hangin, biglaan, di inaasahan!
Di ko napigilan, di ko maintidihan,
minahal kita, sinamba.
Ngunit pagsuyo ko’y parang di mo pansin
pinaglaruan mo lamang ang aking damdamin.
Itong aking batong puso
ginawang mistulang dahong tuyo,
tatangayin kung saan mo maibigan.
Sa ulap itataas, sa batuha’y ibabagsak, sa putikan isasadlak!
Kahalintulad nga ng tuyong dahon
itong aking damdamin,
ubod ng rupok, ubod ng gaan.
Sa lakas ng hangin mo,
wala itong kalaban-laban.
Doon sa ulap itataas,
doon sa batuha’y ibabagsak,
doon sa putikan isasadlak!
Na ako’y mahal minsan mong sinambit.
Dinig ko, ngunit di naramdaman.
Pag-ibig mo’y nasaan?
Parang hangin,
kay hirap hulaan
saan ba iihip, silangan o kanluran?
Mabuti pang sa apoy mo idarang,
damdamin kong parang tuyong dahong pinaglaruan,
hayaang masunog, maabo at ikalat ng hangin mo sa kawalan.
Masakit ma’y pipiliting kita’y kalimutan
dahil ang umibig sa iyo,
parang hangin ang hinahawakan
walang makakapitan, walang maaasahan.
Para kang hanging dumating
biglaan, hindi inaasahan.
Lumayo ka sanang parang hangin,
huwag ka ng magpapaalam.
Leave a comment
Comments 0