Ang Sumpa (Part 14)
Mangilang-ngilang bahay na lang ang aking nadadaanan habang papalapit ako sa baranggay na dating tinitirhan ng aming pamilya. Dumadalang na rin ang ang mga posteng may ilaw. Mabuti na lang at kabilugan nga ng buwan noon at walang ulap sa kalangitan.
Tumingala ako sa langit at tinignan ko ang buwan. Bilog na bilog ito at mas malaking tignan kung ikukumpara sa mga pangkaraniwang gabi na kabilugan din nito. Nagsisimula nang dumilim ang isang bahagi ng buwan. Nagiging pula na ang kulay nito.
Biglang bumalik sa aking ala-ala ang pagkakataon noon nang pinanood namin ni Mon ang isang lunar eclipse na pagkatapos eh nagsimula siyang makakita ng kung ano-anong mga nilalang. Naisip kong muli kung papaanong binago niyon ang buhay ni Mon at kung paano naapektuhan niyon ang buong pamilya namin, kung papaanong dahil sa mga napakaraming pangyayari, kasama na ang pagkakasunog ng mga bahay sa aming sityo, ay nagpasiya ang karamihan na lumipat na lang ng ibang lugar, at kung papaanong sinisisi ni Mon ang sarili kung bakit hindi naging normal ang pamumuhay naming mag-anak dahil sa kanya. May mga pagkakataon din na sinasabi niya sa akin na isang araw eh mawawala rin ang sumpang iyon.. na gagawin niya ang lahat para maputol iyon ang sumpang iyon na siya ring sumira sa buhay ng lolo Benjie namin. Nangako ang kapatid ko na siya na ang huling miyembro ng aming angkan na tatamaan ng sumpa.
Maraming bagay ang naglaro sa isip ko kung papaano nga ba mawawala ang sumpang iyon sa pamilya namin. Sa pagkakataong iyon ay sumagi rin sa isip ko ang paguusap noon nina Mon at ng kaluluwa ni lolo Benjamin tungkol sa kung papaanong mawala ang sumpa. Hanggang sa pagkakataong iyon ay tanging si Mon lang nakakaalam kung ano ang kanilang pinagusapan. Ngunit may binanggit din si tatay Berting noon na sinabi sa kanya ng kaluluwa ng lolo Benjamin na maaaring mawala ang sumpa subalit may kaylangang isakripisyo. Kung ano-ano na ang naiisip kong puwedeng mangyari. Mayroon nga bang kaylangang isakripisyo para mawala ang sumpang iyon? Buhay ba? Mayroon bang dapat na mamatay?
Sa wakas ay narating ko na ang looban ng Dolores. Ang ilang bahay na nandoon pa ay sarado na. Binasag ng ugong ng motorsiklong sinasakyan ko ang katahimikan. Nang nakarating na ako sa tapat ng dating barangay hall ay saka pa namatay ang motor ko. Ilang beses kong pilit paandarin ito pero ayaw umandar. Nagpasiya akong maglakad. Iniwan ko ang motor sa gilid ng kalsada. Lakad at takbo ang aking ginawa.
Muli akong tumingala sa langit. Kalahati na ng buwan ay pula na ang kulay.
Habang papalapit na ako sa aming lumang bahay ay tumindi ang kabang nararamdam ko. Inilabas ko mula sa dala kong bag ang baril na ipinamana sa akin ng ama. Tinuruan ako ng ama na gumamit ng baril pero sinabi niya na sana daw ay huwag dumating ang panahon na kaylangang gamitin ko iyon. At kung gagamitin ko man daw ay upang ipagtanggol ko lamang ang aking sarili o ang aking pamilya.
Nadaanan ko na ang mga labi ng bahay na sinunog noon nina mang Andres. Matagal ng inabandona at hinayaan na lamang sa ganoong kalagayan na ng mga may-ari ng lupa ang mga bahay nilang nasunog. May natatanaw na akong liwanag. Natitiyak kong iyon na ang aming lumang bahay.
“Mon… Alfred…,” malayo-layo pa’y pasigaw kong tinawag ang mga pangalan ng aking kapatid at ng aking anak. Paulit-ulit iyon hanggang sa wakas ay narating ko na ang bakuran ng aming lumang bahay.
Sa bakuran namin ay bumulaga sa akin ang naparaming uwak. Nakadapo ang mga ito sa mga punong nakapaligid sa aming bahay. Maliwanag sa loob ng bahay. Nalalanghap ko sa labas ng bahay ang amoy ng kandila
Hindi ako makapasok sa dahil parang hinaharangan ng uwak ang pintuan. Ang ilan sa kanila’y sinusugod ako’t tinutuka tuwing magtatangka akong buksan ang pinto. Hihinto lamang sila kung ako’y uurong palayo ng pintuan.
Lalong sumidhi ang aking kaba. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa loob.
“Mon… alam kong naririnig mo ako. Ano ba ang nangyayari diyan sa loob.”
Hinintay ko ang sagot ni Mon. Wala.
“Alfred… Alfred… nandiyan ka ba sa sa loob anak?”
Wala ring sumagot.
Sinubukan kong sumilip sa bintana. Wala rin akong makita sa loob dahil may mga nakaharang din na mga uwak.
Sumalampak ako sa damuhan. Tumingala akong muli sa langit. Kaunti na lang at ang kabuuan ng bilog na buwan eh magiging pula na ang kulay.
“Mon… ako ‘tol eh nagmamakaawa sa iyo. Huwag mo sanang sasaktan ang iyong pamangkin. Wala siyang kasalan sa iyo. Mahal ka nang pamangkin mo, alam mo iyan.”
Pagkasabi ko niyon ay nagbukas ang pinto. Nahawi ang mga uwak na nakaharang dito.
“Pumasok ka kuya.”
Si Mon iyon. Nagsalita mula sa loob ng bahay. Atubili man ay pumasok ako sa bahay, dahan-dahan. Sa sahig ay marami ang nakatulos at may sinding kandila. Nakita ko na ang isang bahagi ng kisame at bubong ay giba. Mukhang sadyang sinira ni Mon ang bahaging iyon ng bahay. Sa malaking guwang na iyon ay nakita ko ang bilog na buwan na ang kabuuan ay pulang-pula na.
Nagulat ako sa bumungad sa akin sa salas. Si Alfred ay nakahiga sa isang lamesa at walang malay, napapaligiran ng mga nakasinding kandila. Sa gilid ng mesa ay nandoon si Mon nakatayo. Nakatingin sa akin.
Kagyat kong binunot ang aking baril mula sa aking bag ngunit bago ko pa man maitutok ito kay Mon ay pinutakte ako ng maraming uwak na pumasok mula sa butas ng bubong. Nabitawan ko ang baril. Isinandal ako ng mga uwak sa sa pader at kitang-kita ko kung ano ang ginagawa ni Mon. Sa dami ng mga uwak nagpatong-patong sa aking buong katawan ay hindi ako makakilos. Pinipigilang ako ng mga ito.
“Pagkatiwalaan mo sana ako kuya.”
Gusto kong sumagot subalit walang boses na lumabas sa aking bibig.
Nagpunta si Mon sa ulunan ni Alfred. Tumingala’t tumingin sa pulang-pulang buwan. Umusal siya ng parang panalangin, hindi ko malaman kung iyon ba ay sa salitang Latin o Griyego.
Pagkatapos niyang magdasal ay kitang-kita ko kung papaanong ginamit ni Mon ang kanyang sariling mga kamay upang dukutin ang isa niyang mata.
“Mon… huwag…huwag mong gawin iyan.” ang samo ko sa aking kapatid.
Pero patuloy lang si Mon sa kanyang ginagawa. Humihiyaw siya sa sakit na nararamdaman sa ginagawa niya. Duguan ang mukha ng kapatid ko.
Habang hawak ng kanang kamay ni Mon ang tinanggal niyang mata, gamit naman ang kaliwang kamay niya’y pilit ibinuka ang isang mata ng walang malay kong anak. Matapos iyon ay saka piniga na parang kamatis ang hawak niyang sariling mata. Kitang-kita ko kung paano umagos sa mata ni Alfred ang dugo at kung ano pang likido na galing sa pinigang mata ni Mon.
Iyon marahil ang sinabi sa amin ni tatay Berting noon na sakripsyong kaylangang maisagawa upang maputol na ang sumpa.
At akala ko’y hanggang doon lang. Mali ako. Sinimulan nang dukutin ni Mon ang isa pa niyang mata. Gusto ko siyang lapitan upang pigilan ngunit hindi ako makalampas sa kumpol ng mga uwak na nasa harapan ko
“Mon… tama na… hindi mo kaylangang gawin iyan.”
Tumigil sandali si Mon. Tumingin sa akin. Pilit na ngumiti.
“Pasensiya na kuya. Kaylangan kong gawin ito. Alang-alang kay Alfred at sa mga susunod pa nating saling-lahi. Ayaw ko nang may makaranas pa ng katulad ng mga nangyari sa amin ni lolo Benjamin.”
Pumikit na lamang ako. Narinig kong muli ang malakas na hiyaw ng kapatid ko.
Nang imulat ko ang aking mga mata ay hawak na ni Mon ang isa pa niyang matang kanyang dinukot. Wala ng mata ang kapatid ko. Kinapa ni Mon ang ulo ni Alfred. Nahihirapan man ay pilit na hinahagilap ang isa pang mata ng anak ko. Nang makapa ito’y ibinuka din iyon at para mang nanghihina na siya ay piniga niya ang isa pa niyang mata.
Wala na akong nagawa kundi panoorin ang sakripisyong ginagawa ng aking kapatid. Napakahangal ko upang pag-isipan ng hindi maganda si Mon. Sana’y maunawaan niya na bilang isang ama ay gagawin ko ang dapat kong gawin upang proteksyonan si Alfred, katulad ng ginawa ng ama noong kami’y mga bata pa.
Naisagawa ni Mon ang dapat niyang gawin bago siya nawalan ng malay at bumagsak sa sahig ng aming lumang bahay. Kasabay ng pagbagsak niya sa sahig ang pagpatak ng mga luha ko.
Nang lumatag na ang katawan ni Mon sa sahig ay nagsimula ng magtago ang buwan sa likod ng mga ulap. Tila ayaw pagmasdan ang kalunos-lunos na kalagayan ng kapatid ko.
Kumidlat ng kung ilang beses.
Dumagundong ang sunod-sunod na kulog.
Pumatak ang ulan.
Nawalang bigla ang mga uwak. Para silang mga usok na hinipan at naglahong parang bula.