Patungkol sa Pagtuturo ng English Sa South Korea

1513685_10152895581749844_4018097187584767695_n

Kahit na nga na mas gusto  ng mga unibersidad dito sa South Korea ang mga native speakers upang magturo ng English ay may ilang mga Pinoy na English teachers na nataggap at dito ay nakapagturo. Kung ang pagbabatayan ay ang statistics noong 2013  na nakalap ng Association of Filipino Professors in South Korea (AFEK), samahan ng mga gurong Filipino sa South Korea, ay mayroong higit kumulang na 100 na mga gurong Pinoy sa bahaging ito ng mundo.

Bukod sa English ay mayroon ding mangilan-ngilang mga Pinoy na nagtuturo ng “content subjects” dito. Ngunit ang karamihan sa amin ay English ang itinuturo, ang ilan ay sa mga unibersidad at ang iba’y sa mga elementarya at hayskul. May mga Pinoy ding nagtuturo sa mga tinatawag ditong hagwon (academy.)

Ayaw kong sabihing pinalad o maswerteng na-hire ang mga kababayan nating dito’y nagtuturo sa dahilang kung tutuusin ay dumaan sila sa butas ng karayom upang matanggap sa mga eskewelahang pinagtuturuan. Unang-una ay kasabayan nilang nag-aplay ang mga native speakers of English na galing sa mga bansang US, UK, Canada, Ireland, Australia, New Zealand at South Africa na karamihan ay may mga Master’s at PhD degrees ding katulad ng mga Pinoy.

Sa ganyan nagsisimula ang pagtuturo dito. Dadaan ka muna sa butas ng karayom. Matindi ang kompetensya at sa simula pa lang ay may bentahe na ang mga native speakers  sa dahilang karamihan ng mga unibersidad dito ay tanging ang mga nanggaling sa mga bansang English talaga ang lenggwaheng gamit ang pinapayagang mag-aplay.

Marami din namang mga unibersidad dito ang naniniwalang hindi monopolya ng mga native speakers ang pagtuturo ng English kaya’t nabigyan ng oportunidad ang mga gurong Pinoy na ipakita ang kanilang kagalingang sa larangan ng ESL teaching.

Malaki ang pasalamat naming mga nagtuturo dito ngayon sa mga nauna sa amin. Dahil sa maganda nilang ipinakita, dahil napatunayan nilang ang mga gurong Pinoy ay may ibubuga sa pagtuturo, lalo na ng English… heto’t nabigyan kami ng oportunidad na maging ESL teachers.

Matapos dumaan sa butas ng karayom, ang mga Pinoy ESL teachers dito ay kaylangang humanda sa mga tinik sa kanilang dinadaanan.

Marami sa aming mga kasamahang native speakers dito, bukod na sa magagaling sa larangang ng ESL teaching, ay maituturing na matitinong mga tao. Ngunit hindi ring maiiwasang may mangilan-ngilan sa kanila na baluktot ang pag-iisip. Ito ay ang ilan na minemenos ang pagiging ESL teachers ng mga Pinoy. Ang iba nama’y panay ang puna sa mga bagay na nangyayari sa bansang Pilipinas.

Noong 2013, may nakadebate akong isang Amerikano na nakasama ko sa isang “summer English camp.”  Pinuna niya, at sinabing may mali sa sistema ng pagtuturo ng mga Pinoy ng grammar. Nagkataong may iba pang gurong Pilipino na naroon din. Mahaba ang naging diskusyon namin at punto por punto na sinagot namin siya . Sa bandang huli ay humingi siya ng paumanhin at napagtanto niyang kami ay mga lehitimong ESL teachers. Minsan sa isang pagtitipon, meron isang Canadian na puro negatibo ang sinasabi tungkol sa bansang Pilipinas. Hindi ko pinalampas ang kayang mga sinabi, nagkasagutan kami at sa bandang huli ay siya ang uminit ang ulo. Sa kanya lumatay ang haplit na ipinalo niya sa akin at sa mabunying lahing aking pinanggalingan.

Ang mga nabanggit ay ang ilan sa mga tinik sa dinadaan ng mga gurong Pilipino dito sa South Korea. May mangilan-ngilan na diskumpyado sa kakayahan ng mga ESL teachers na galing sa Pilipinas. Parang anino ding nakasunod sa amin ang mga negatibong pagtingin sa bansang Pilipinas at sa lahing Pilipino.

Ito ay ang mga hamon dito na dapat lampasan ng mga gurong galing sa Pilipinas .

Ang pakiusap ko sa mga kapwa ko gurong Pinoy dito sa South Korea at sa ilang baharagi pa ng mundo na sa ating mga kapwa dayuhan na nagtuturo kung saan tayo nagtuturo ay huwag tayong makikinig lamang kapag binabatikos ang bansa’t lahi natin. Hindi tayo makikipag-away ngunit ipukol natin pabalik sa kanila, sa malumanay na paraan, ang mga salitang ibabato nila sa atin. Saliksikin natin kung ano rin ang mga hindi maganda  tungkol sa kanilang bansa at sabihin sa kanilang huwag magmalinis. Kaylangan nilang tanggapin ang katotohanan na walang perpektong lahi. Ang mga Pilipino’y hindi perpekto at ako’y nakakatiyak na sila man ay hindi.

Sa paglipas ng panahon na magkasama ang mga native speakers at mga Pinoy sa mga unibersidad dito sa South Korea ay kanilang napatunayan na katulad nila ay may kakayahan din tayo sa ESL teaching. Marahil, ang tanging bentahe na meron sila ay ang kanilang accent, bagay na kayang-kaya namang nating pag-butihin kung ating gugustuhin.  Ngunit ang pananatili ng mga gurong Pinoy ng ilan nang taon sa bansang ito at ang pagbibigay ng tiwala ng mga Koreanong namamahala ng mga unibersidad ay mga patunay na may kakayayang ang mga Pinoy na magturo ng English.

Alam ng mga Pilipino ang kanilang itinuturo at alam nila kung paano ito ituro.

Sa accent lang talaga madalas na mapuntusan ang mga gurong Pinoy dito. Ngunit isang bagay ang dapat linawin – magkaiba ang correct pronunciation sa accent. Tayong mga Pinoy ay alam nating gamitin ang IPA (international phonetic alphabet). Alam natin kung paano ang tamang pagbigkas ng mga English sounds. Pagdating sa  knowledge sa English at sa pedagogy ay nasasabayan natin (baka nga nahihigitan pa) ang mga gurong English native speakers.

Isang bagay siguro na pwede nating ipanawagan sa mga namumuno sa sektor ng edukasyon sa Pilipinas ay bigyan pa ng kaunting empasis ang “accent training” sa mga English subjects at kung posible ay dagdagan ng oras ang pag-aaral ng “international phonetic alphabet.”

Ngunit matapos malampasan ang butas ng karayom at matanggal ang mga tinik sa dinaraanan ay maihahalintulad sa pagkasumpong ng isang banga ng ginto sa dulo ng bahaghari ang pagtuturo dito sa South Korea.

Hindi na sikreto na mas mataas na ‘di hamak ang sahod ng mga gurong Pilipino  dito sa South Korea kaysa sa dati nilang tinatanggap sa Pilipinas. Kaya nga kung hindi sila maluho at sila’y walang bisyo, at kung masinop sa pera ang mga mahal nila sa buhay sa Pilipinas, ay marami silang maipupundar at malaki ang kanilang maiipon.

Isang biyaya rin na mas kakaunti ang oras ng trabaho ng mga gurong Pinoy sa South Korea. May mga unibersidad dito na hanggang 9 na oras lamang sa isang linggo ang turo at 3 oras sa opisina. Meron din namang ang bilang ng oras ng turo at opisina ay mula 15 hanggang 18 sa isang linggo. 12 man o kaya’y 15 hanggang 18 oras na trabaho sa isang linggo, kung tutuusin ay malayong-malayo sa bilang ng oras na dapat bunuin ng mga guro sa Pilipinas sa loob ng isang linggo.

Kaya’t napakaraming oras na pwedeng gamitin dito ang mga gurong Pinoy  sa pamamasyal upang kanilang apresyahin ang kagandahan ng kultura ng South Korea at ng kalikasan dito. Napakaraming oras upang makapagbasa, makapagsulat o linangin ang ano mang talento sila meron.

Hindi ko na binanggit ang pagsubok na haharapin sa pagtuturo ng mga banyagang estudyante sapagkat ito’y hindi naman maituturing na tinik sa landas na tinatahak ng mga guro dito sa South Korea. Ang pagtuturo’y hindi ang tinik, ito ay ang bangang naglalaman ng gintong pilit nilang inaabot sa dulo ng bahaghari. Nais nilang magturo kaya’t pilit nilang nilampasan ang butas ng karayom. At kahit nagkalat ang mga tinik sa dinadaan nila’y pilit nilang pinagbubuti ang pagtuturo sapagkat may ginto nga sa loob ng banga sa dulo ng bahaghari.

Ngunit sabihin na nating mahirap magturo ng mga banyagang estudyante, kung titimbangin ay mas marami pa ring mga biyaya at magagandang bagay ang nasusumpungan at nararanasan ng mga gurong Pinoy dito kaysa sa mga paghihirap at pagsubok. Mas maraming dahilan upang gustuhing patuloy na magturo dito.

Simple la naman ang formula na gamit ng mga gurong matagal nang nagtuturo dito – paniniwala sa sarili at pananampalataya sa Panginoon.

Advertisement
%d bloggers like this: