Ang Sumpa (Part 10)
Halos isang oras at kalahati din kaming naglakad bago kami nakarating sa simbahan. Maraming puno ang nakapaligid sa simbahan at bawat isa sa mga ito’y may mga nakadapong uwak. Maging sa bakod man at kampanaryo ay may mga uwak na nakadapo.
Nadatnan namin si father Enrico sa harapan ng simbahan kausap ang ilang sa mga kabaranggay namin. Nang makita kaming papalapit na kasama si Mon eh pasimpleng nagsilayo ang mga ito maliban sa isang matandang lalaki.
“Oh Julio… Estella! Mabuti naman at nakarating kayo,” ang bungad sa amin ni father Enrico.
Nagsipagmano kami kay father at sa kasama nitong matandang lalaki.
“Pasensiya na po father at medyo tinanghali kami. Naglakad lang po kasi kami. Wala po kasi kaming masakyan kanina.”
“Ayos lang iyon Julio. Tamang-tama lang naman ang dating ninyo dahil katatapos lang halos ng first Friday mass. Mabuti naman at sumama sina Estella at mga anak ninyong babae.”
“Oo nga po eh. Ayaw po kasi nilang magpaiwan sa bahay.”
“Teka lang ha. Magpapaluto ako kay sister Luz ng tinola. Dito na kayo mananghalian.”
“Naku… huwag na po father. Nakakahiya naman po.”
“Okay lang Estella. Medyo matagal ang magiging pag-uusap natin kaya aabutan na kayo ng tanghalian dito. Marami kasi akong dapat sabihin sa inyo at malayo-layo rin mamaya ang lalakarin ninyo pabalik.”
“Salamat po father,” wika ng aking ina.
“Ay siyanga pala. Muntik ko nang makalimutan. Heto nga pala si tatay Berting. Isa siyang manggagamot. Mga bata, kaybigan siya ng lolo Apeng ninyo. Parang pinagadya na ngayon siya dumalaw, ngayong pupunta rin kayo dito. May makakatulong tuloy ako, bukod kay sister Luz, sa pagkukuwento tungkol sa angkan ng Cervantes ng Dolores. Mas marami siyang nalalaman tungkol sa lahi ninyo. “
Kinamayan ni ama si tatay Berting.
“O sandali lang ha bibilinan ko lang si sister Luz.”
Tinungo ni father ang isang lumang gusali sa gilid ng simbahan. Doon marahil ang tirahan ng mga pari at madre at pati na rin siguro ang opisina ng parokya. Si nanay naman, kasama ang dalawang kapatid kong babae, ay pumasok sa simbahan.
“Kumusta po kayo? Kaybigan po pala ninyo ang tatay ko.” wika ng ama habang sinusundan namin si tatay Berting na naupo sa sementadong upuan sa ilalim ng isang punong acacia.
“Oo Julio. Ayon kay father Enrico halos sampung taon na daw patay ang iyong ama.”
“Oo nga po. Setenta po eksakto ang ama ng mamatay siya. Kayo po eh mukhang malakas na malakas pa ah.”
“Sa awa ng Panginoon eh medyo malakas pa nga and pangangatawan ko. Siyanga pala, hindi mo lang siguro natatandaan pero ilang beses din akong dumalaw sa bahay ninyo noong batang-bata ka pa. Ako iyong manggagamot na tinawag para gamutin sana ang tiyuhin mong si Benjamin. Nakakalungkot lang na wala akong nagawa para mailigtas ang kapatid ng iyong ama.”
“Ha? Ano po bang nangyari kay tito Benjie? Hindi ko po yata alam iyon.”
“Si father Enrico na ang magkukuwento ng lahat mamaya.” Tumayong muli si tatay Berting at iginala ang paningin sa paligid.
“Siguro naman eh napansin ninyo na napakarami ng uwak sa mga puno sa paligid.” wika ni tatay Berting.
Hindi ko lang masabi na kakaunti pa nga ang nakikita niya kumpara sa mga nakikita ko ng mga nagdaang araw.
“Ang huling pagkakataon na nakakita ako ng ganyan karaming uwak eh noong ginagamot ko si Benjamin.” Pagkasabi niyon eh lumapit siya kay Mon.
“Ikaw si Mon, di ba?”
Tumango ang kapatid kong bunso bilang tugon.
“Nakikita mo ba iyong kaluluwang nasa pintuan ng simbahan?”
Tumingin si Mon sa direksyon ng simbahan. Gayon din ang ginawa namin ni ama. Ako’y walang nakitang kaluluwa doon.
“Opo, kanina ko pa po siya nakikita. Kanina pa siya nakatingin sa atin. Kaway ng kaway sa akin, parang gusto niyang lapitan ko siya.”
Hindi na ako nagulat sa mga narinig ko. Ni hindi na ako nakaramdam ng ano mang kilabot o takot. Nakasanayan ko na may nakikita ngang kung ano-anong nilalang ang kapatid. Marahil ang ama ko man ay ganoon din.
“Bakit po parang magkasing-hawig yata kami.”
“Siya ang lolo Benjamin ninyo. Benjie ang palayaw niya. Dito na siya namalagi sa simbahang ito matapos niyang iwan ang kanyang katawan.”
“Iniwan ng tiyo Benjie ko ang katawan niya? Ang paguusisa ni ama.
“Ikukuwento namin ni father ang lahat-lahat mamaya.”
“Siya nga po ba ay lolo namin? Paano nangyari iyon eh parang magkasingedad lang kami? Ang tanong ni Mon.
Ang kaluluawa ng tao eh hindi katulad ng katawang-lupa na tumatanda at lumalaki. Kung ano ang hitsura at edad ng namatay eh titigil na doon sa pagtanda ang kaluluwa niya magpasawalang-hanggan.
Tinanong ko si tatay Berting. “Kayo po pala’y may kakayahan ding makakita ng mga ganyang bagay?”
“Paminsan-minsan lang. Hindi ganoon kabukas ang aking ikatlong mata. Kaluluwa lang ng namatay na tao ang minsa’y nakikita ko. Hindi katulad ng lolo Benjie ninyo at hetong si Mon na kahit anong nilalang o elemento ay kaya nilang makita. Pero nakakausap ko rin minsan ang mga kaluluwa.”
“Po?! Ibig po ba ninyong sabihin eh ang tiyo ko man noong nabubuhay eh may kakayahan katulad ng sa aking anak? Ano po ba talaga ang nangyari sa tiyo ko.”
“Mahabang istorya Julio. Mamaya ko sasabihin ang mga nalalaman ko kapag kausap na natin si father Enrico para isang bugso na lang ng paliwanagan. Marami rin siyang nalalamang tungkol sa inyo. Teka, si sister Luz, iyong matandang madre na kasama dito ni father Enrico, ay nakikita rin ang kaluluwa ng lolo Benjie ninyo. Pero tanging ang kaluluwa lang ng lolo Benjie ninyo ang nagpapakita sa kanya. May kaugnayan kay Benjie si sister Luz. Malalaman ninyo mamaya.”
Inakbayan ni ama si Mon na nakaupo sa kanyang tabi. Humalik sa ulo ni Mon si ama.
Nanabik akong marinig ang mga sasabihin nina tatay Berting, father Enrico, at sister Luz tungkol kay lolo Benjie at sa angkang pinanggalingan namin.
“Oh tara na kayo sa opisina ko ng masimulan na natin ang kuwentuhan],” ang wika ni father Enrico na marahil dahil sa mga nakakasorpresang sinasabi ni tatay Berting eh hindi namin namalayang nakalapit na sa kinaroroonan namin.
“Sige po.” sagot ng ama. “Puntahan mo ang nanay at mga kapatid mo sa loob ng simbahan. Sumunod na lang kayo sa amin sa opisina ni father.”
Tumalima ako sa utos ng ama. Habang pumapasok ako sa pintuan ng simbahan ay pilit kong tinitignan kung makikita ko ang kaluluwa ng lolo Benjie na ayon kay tatay Berting ay nakatayo doon. Wala akong nakita ngunit parang may malamig na hanging dumampi sa aking pisngi. Hindi ko alam kung si lolo Benjie iyon o hangin lang talaga.