Bunga’t Puno

mother

Habang nagbibihis si  Elena’y kumakanta’t sumasayaw ito. Biyernes kasi noon at half-day lamang ang kanilang pasok sa dahilang may gaganaping pagtitipon sa school nila sa bandang hapon. Matapos maisuot ang PE uniform ay masiglang binuhat nito ang kanyang bag. Magaan lamang ang bag niya sa dahilang kaunti lamang ang lamang libro at notebook.

Lumabas ng kanyang kwarto si Elena at tinungo ang kanilang kusina. Nakahanda na sa mesa ang agahan nilang mag-anak subalit wala doon ang kanyang ama’t ina at ang kanyang bunsong kapatid na si Christian. Kadalasang sabay-sabay silang kumakain sa umaga at pagkatapos ay sabay naman silang lalabas ng bahay ng amang namamasukan bilang isang driver.

Natigilan siya’t napakamot siya sa ulo.

Bigla niyang naiisip na nang nagdaang gabi ay may sinat si Christian at masakit ang tiyan. Pagkalapag ng bag sa sahig ay umakyat siya sa ikalawang palapag ng kanilang bahay at pinuntahan niya ang kwarto ng kapatid nagbabakasakaling nandoon nga sila.

Tama ang kanyang kutob, nandoon ang kanyang ama’t ina. Itutulak na sana ni Elena ang nakaawang na pinto subalit nadinig niyang parang umiiyak ang kanyang nanay. Minabuti niyang huwag na lamang pumasok. Tahimik siyang nagmanman at nakinig.

“H’wag kang mag-alala, maghahanap ako ulit ng trabaho.” Wika ng ama.

“Kung kaylan pa naman kaylangan natin ng pera saka ka nawalan ng trabaho. Ngayon pa namang kaylangan na nating dalhin si bunso sa hospital. Mauubos ang kaunting ipon natin kapag nagkataon.”

Hindi na tinapos ni Elena ang sinasabi ng ina. Bumaba siya ng dahan-dahan. Nangingilid ang luhang kinuha ang bag at minabuti nitong umalis na lamang nang hindi nagpapaalam sa mga magulang. Hindi na ito nakakain ng almusal.

Nilakad na lamang ni Elena hanggang sakayan ng jeep. Hindi na kasi siya humingi ng baon at batid niyang kukulangin ang kanyang pera kapag nag-trycylce pa ito papunta sa labasan.  Minsan kapag may naitatabi siyang pera mula sa kanyang baon ay hindi na ito humihingi pa sa kanyang mga magulang. Kahit ipagpilitan pa ng kanyang nanay na tanggapin ang baong ibinibigay ay hindi niya kinukuha kapag may laman pa ang pitaka nito’t alam niyang makakasapat naman iyon.

Hinintuan siya ng isang jeep. Ilan lamang silang sakay. Naupo siya sa tabi ng isang mamang mukhang Intsik na may pangkong maraming plastic bag.

Habang binabagtas ng nasakyang jeep ang daan papunta sa kanilang eskwelahan ay naisip ni Elena ang may-sakit nitong kapatid at ang abang kalagayan ng kanilang pamilya. Mahina lamang ang kita ng kanyang ama sa pagmamaneho. Ni hindi nga s’ya maibili ng bagong cellphone. Lumang-luma na ang gamit niyang cellphone na regalo pa sa kanya ng kanyang ninong na nagtatrabaho sa Dubai dalawang taon na ang nakakaraan. Mabuti na lamang at hindi  na nila kaylangang mangupahan sa dahilang minana ng kanyang ama ang lumang bahay ng kanyang lolo’t lola. May maliit din silang tindahan na ang kinikita’y pandagdag nila sa gastusin. Kaya nga kahit gusto siyang papasukin ng kanyang mga magulang sa isang pribadong eskwelehan ay mas pinili niyang sa public school na lamang mag-aral. Inisip niyang kapag nag-hayskul ay saka na lamang siya magpa-private. Subalit sa nasaksihan niya ng umagang iyon ay baka mas naisin niyang manatili na lamang sa pinapasukang eskwelahan hanggang Senior High.

Naiisip niya sa pagkakataong iyon na kung marami lang sana silang pera eh malulutas ang lahat ng kanilang suliranin at magiging magaan ang buhay para sa mga magulang niya.

Sa dami ng kaniyang iniisip eh hindi napansing siya na lamang ang natitrang pasahero sa sasakyan. Nang malapit na siyang bumaba ay may napansin siyang plastic bag na nasa  kanyang paanan. Mukhang ito’y nalaglag ng nakatabi niyang pasahero. Dumukwang siya’t sinilip ang laman nito. Nagulantang siya sa nakita. Pera ang laman ng plastic bag, bungkos-bungkos na lilibuhin.

Kinabahan ng matindi si Elena. Hindi malaman kung ano an gagawin. Tumingin s’ya sa driver. Busy ito sa pagmamaneho. Hindi pansin kung ano man ang ginagawa niya sa likuran.

Dali-daling inilagay ni Elena sa kanyang bag ang platic bag na may lamang pera. Nagiisip kung ano ang gagawin. Noon lamang siya nakakita’t nakahawak ng ganun kadaming pera.

Pagkababa ng jeep ay hindi muna dumiretso sa school si Elena. Pumasok ito sa isang kalapit na maliit na restaurant na madalas nilang kainang magkakaklase.

“O Elena, ang aga mo yata, kakain ka ba anak?” Ang salubong sa kanya ng may-ari ng karinderya.

“Hindi po aling Susie. Gagamit lang po sana ako ng CR n’yo kung pwede.”

“Aba’y oo naman anak. O bilisan mo lang ha at baka ma-late ka.”

”Opo. Salamat po.”

Pagkapasok sa CR ay inilabas ni Elena ang napulot na plastic bag. Tiniyak muna nitong nakasarado ang pinto bago ibinuhos sa nakitang planggana ang laman nito. Doon tumambad sa kanya ang laman ng plastic bag. Bukod sa mga bungkos ng pera ay may isang clutch bag na may lamang iba’t ibang uri ng alahas..

Kabado man ay umandar ang kanyang imahinasyon. Naisip n’yang makakabili na siya ng bagong cellphone. Makakalipat na siya sa isang private school pagtungtong niya ng Grade 7 sa susunod na taon. May pera nang magagamit na pampahospital kay Christian. Hindi na mag-aalala ang kanyang ina. Mapapalaki nila ang kanilang tindahan. Maari ding bumili ng sariling taxi ang kanyang ama upang hindi na ito mamasukan. Mukhang ito na ang pagkakataong makakaahon sila sa hirap.

“Anak, okay ka lang ba d’yan?”

Nagulat si Elena nang marinig ang boses ni Aling Susie. Nahimasmasan ito.

“Ah…eh…okay lang po ako. Palabas na po ako.”

“Dalian mo anak magsisimula na flag ceremony ninyo.”

“Sige po.”

Habang ibinabalik ni Elena sa bag ang ibinuhos sa planggana ay napansin nito ang isang piraso ng papel na  pangalan at address ng isang parang tindahan na kasama ng mga alahas.

“Salamat po Aling Susie. Papasok na po ako.” Wika ni Elena nang makalabas ng CR.

“Sige anak. Tortang talong nga pala ang ulam mamayang tanghali. Kain kayo dito ha.”

Tumango lamang si Elena at dali-daling lumabas ng restaurant. Habang pumapasok ng gate ng school nila ay muli niyang naisip ang kanyang kapatid na dadalhin sa hospital at ang eksenang iniwan n’ya sa bahay – ang umiiyak niyang ina kausap ang amang nawalan ng trabaho.

Sa unang pagkakataon sa kanyang buhay ay gumawa si Elena ng isang malaking desisyon..

**********

Pagkatapos ng klase ay umuwi na kaagad si Elena.

Tahimik sa bahay nang dumating siya. Wala doon ang mga magulang niya at si Christian. Dumiretso siya sa kusina. Nandoon pa rin ang mga pagkaing iniwan niya bago siya pumasok. May takip na ang mga ito. Sa mesa ay isang sulat – pinasusunod siya ng kanyang nanay sa hospital.

Pagkakain ay nagtungo kaagad si Elena sa  hospital na pinagdalhan kay Christian. Kinaylangang operahan ang kanyang kapatid dahil malapit na palang pumutok ang appendix nito.

Tulog si Christian nang pumasok si Elena sa kwarto, Yumakap ito sa ama’t ina at pagkatapos ay nagpunta sa bandang ulunan ng kapatid. Marahang hinaplos-haplos niya ang ulo nito.

“Inay kumusta na po si Christian?” Ang tanong sa ina.

“Out of danger na siya anak. Magpasalamat tayo sa Panginoon dahil okay na siya.”

“Pasensya na anak, hindi ka na namin naasikaso kaninang umaga.” Ang wika ng kanyang ama.

“Naku itay, ayos lang po iyon. Alam kong tuliro kayo ni inay kaninang umaga dahil kay Christian.”

Maya-maya’y may mga katok na maririnig sa pintuan ng kwarto nila sa hospital. Tumayo ang ama ni Elena at binuksan ang pintuan. May dalawang pulis na pumasok, kasama ang kanilang school principal at isang mama.

Sinalubong ni Elena ang mga ito at isa-isa silang  pinagmanuhan.

Takang-taka ang kanyang mga magulang. Natingin kay Elena ang kanyang ina at sinabing, “Anak, ano ba ang ginawa mo, bakit sila nandito?”

Ang school principal nina Elena ang sumagot, “Naku Gng. Reyes, wala pong problema, nandito po kami para lang samahan si Mr. Wong. Gusto niya kasing pasalamatan ng personal si Elena.”

“Para saan po?” Ang tanong ng ama ni Elena.

“Kasi, iyang si Elena eh napulot iyong plastic bag na nalaglag ni Mr. Wong sa dyip. May lamang pera at mga alahas. Dinala niya sa opisina ko kanina bago siya pumasok sa klase. ”

Ntulala ang mga magulang ni Elena sa narinig.

“Hija, bakit wala kang sisanabi sa amin?” Tanong ng ama.

“Nakalimutan ko lang po itay.  Sorry. Masyado po kasi akong nag-alala kay Christian.”

“Naku kakaiba po iyang anak niyo.” Wika ng principal nina Elena. “Biniro ko nga itong si Mr. Wong na pasalamat siya’t si Elena nakapulot dahil kung ako eh baka hindi ko na isauli.”

Kinamayan ng dalawang pulis at ni Mr. Wong ang mga kamay ng mga magulang ni Elena. Pagkatapos ay niyakap s’ya ng kanyang naluluhang ina.

Nagsalita si Mr. Wong. “Kahanga-hanga ang inyong anak. Napakaswerte ninyong mga magulang niya. Ano ba sikreto ng pagpapalaki niyo sa kanya? Ituro niyo nga po sa akin.”

Ngumiti’t nagkatinginan ang mga magulang ni Elena.

“Hindi po namin alam. Basta lumaking may isip at mabait ang batang iyan.” Tugon ng ina ni Elena.

“Ay siya nga pala. Binanggit sa akin ni Elena kanina sa opisina nang ibinigay niya sa akin ang napulot niyang plastic bag na dadalhin niyo nga daw sa hospital itong bunso ninyo. Iniyakan din ako nitong bata at sinabing nawalan ng trabaho ang tatay niya. Kaya itong si Mr. Wong eh…ah sir, kayo na nga po magsabi.”

“Ako na po ang bahala sa bayad ng anak niyo dito sa hospital. At tanggapin niyo po itong kaunting cash na ito.” Ang dugtong ni Mr. Wong.

“Ay naku h’wag na po.” Wika ng ama ni Elena.

“Naku Mr. Reyes! Maliit na bagay po iyan. Hindi niyo lang alam kung gaano kalaki ang halaga ng isinauli sa akin ng anak niyo. Kaya tanggapin niyo ‘yan, kulang pa iyang kung tutuusin.”

Lumapit ang ama ni Elena kay Mr. Wong at kinamayan ito, “Ay siya maraming Salamat po.”

“At heto nga po pala ang calling card ko. Puntahan n’yo ako sa jewelry store ko bukas mismo dahil kaylangan ko ng driver. Kaya nga ako nag-dyip kaninang umaga dahil bigla na lamang nag-resign iyong driver ko. Hindi kasi ako marunong mag-drive.”

“Ho?” Ang halos hindi makapaniwalang wika ng ama ni Elena.

“Huwag mo na akong tanggihan Mr. Reyes. Kita mo nga muntik nang nadisgrasya ang negosyo ko. Kunwari pa na inilagay ko sa plastic bag iyong pera at alahas para hindi pagkamalan ng holdaper na may dala akong ganun pero iyong pinakamahalagang plastic bag na iyon pa ang nalaglag. Mabuti na lang anak ninyo nakasakay ko. Kung may driver lang sana ako kanina eh di attache case sana dinala ko.”

“Sigurado po ba kayo Mr. Wong?” Tanong ng ama ni Elena.

“Oo naman Mr. Reyes, kaylangan ko ng taong katulad ninyo. Kung ang bunga ninyong mga magulang eh katulad ni Elena eh nakakatiyak akong maganda ang punong pinanggalingan.”

Nang makaalis ang mga bisita nila’y mahigpit na niyakap ng kanyang ama’t ina si Elena.

– WAKAS –