Sa Aking Pagtungo Sa South Korea
Ako’y isang guro at manunulat. Ang itinuturo ko ay English (pwede din akong magturo ng Literature, Social Sciences, Education at Educational Management). Dati sa Pinas ako nagtuturo. Ngayon ay dito na sa South Korea. So, ako’y gurong OFW kaya’t ang turing sa akin ng gobyerno ay “bagong bayani.” Wow! Sana balang araw eh ipagtayo din ako ng rebulto sa tabi ni Gat Jose Rizal sa Luneta o kahit sa tabi na lamang ni Gat Andres Bonifacio sa Monumento. Joke lang po. Ganito po talaga ako, minsan “seriously kidding,” minsan “kiddingly serious.”
Sabi ko nga’y guro ako sa kasalukuyan dito sa South Korea. Ako’y nagtuturo (at nagsusulat ng research papers) sa isang unibersidad dito sa lupain ng kimchi at K-pop. English pa rin ang itinuturo ko. Nagpasya akong isulat at ibahagi ang mga karanasan ko dito sa bayang sinilangan ni Psy. Sa wikang Filipino ko hahabiin ang mga kwento ko dahil nakakapagod nang mag-English. Aba’y araw-araw, minu-minuto at oras-oras na wika ni Uncle Sam ang gamit ko dito pwera na lang kung ang kausap ko’y mga kapwa ko noypi na mga English professors din dito.
Nose bleed pa ako sa Korean kaya hindi ko pa ito nagagamit sa pagsasalita man o pagsusulat. Mga basic expressions pa lamang ang alam ko sa Hanguel (ang tawag sa salitang Korean). Pero sinisikap kong ito’y matutuhan.
At bilang pagpupugay na rin sa aking inang wika eh ito nga ang gagamitin ko sa pagkukuwento. At sa maniwala kayo o hindi, kapag nasa ibang bansa ka pala, kapag makarinig ka ng salitang Tagalog (o ano mang wikang Pinoy na kinalakihan at nakasanayan moong gamitin) eh parang musika sa pandinig. Titigil kang bigla at hindi mo mapipigilang kausapin at kumustahin ang kababayang nadinig mong magsalita. Ako nga’y parang masyadong OA na nang minsang may masalubong akong mga Pinoy sa Gyeoungju (ang unang lugar na tinirhan ko dito sa South Korea) at nadinig ko silang magsalita ng Ilokano eh parang nakainon ako ng Cobra (Hindi natuka ha!) dahil biglang dinaluyan ng sigla ang aking mga ugat.
Taong 2013 ako nagpasyang sumakay sa Asiana Airlines papunta dito sa South Korea. Pero pagkatapos nun ay laging sa Cebu Pacific na ako sumasakay kasi mas nakakamura ako. Samantalang sa Asiana Airlines, Korean Air o sa flag carrier nating Philippine Airlines eh mapapamura akong t’yak sa mahal ng pamasahe.
Nagpasya akong subukan ang ESL teaching dito sa South Korea hindi dahil wala akong mahanap na trabaho sa ‘pinas. Maraming job opportunities para sa akin doon. Modesty aside, pwede po akong mamili. Una sa mga dahilan kaya’t nagpasya akong dito magturo ay burnt-out ako. Napagod ako sa napakahabang panahon na ako’y school administrator at guro at the same time. Parang naumay ako sa pagsu-supervise ng tao. Pero kamakaylan lang eh na-assign akong maging Head Professor, hindi naman full-fledged na administrative position kaya tinanggap ko, para lang makatulong ng kaunti sa departamentong kinabibilangan ko.
Hindi po sweldo ang dahilan. Malaki man ang pagkakaiba ng take-home pay ko dito kumpara sa tinatanggap ko noon sa ‘pinas eh walang namang problema noon. Nakapagpatayo naman ako ng bahay mula sa kinikita ko noon at kahit papaano eh naitaguyod ko ang aking pamilya at nakakatulong pa ako sa aking mga magulang at ibang mga mahal sa buhay paminsan-minsan. Hindi di naman ako materyosong tao, basta makabayad ng utang (at s’ympre mga bills), makabili paminsan-minsan ng bagong damit, makapag-Jollibee paminsan-minsan, at makabili ng mga bagong DVD sa SM (Sa Muslim) eh solved ako.
Pangalawang dahilan eh para bang nasa dead-end ako ng aking career sa academe. Parang wala nang challenge. Kaya’t sinilip ko ang career path na iginuhit ko noon. Tatlong direksyon ang tinutungo ng career pathing ng ginawa ko noon. Una, pangarap kong magtayo ng sariling paaralan (Hindi matupad-tupad ang pangarap kong iyon, hanggang ngayon.). Pangalawa ay ang maging administrador sa isang paaralan. (Natupad naman.) At ang pangatlo ay ang magturo, kung hindi sa Pinas ay sa ibang bansa. (Natupad din.)
At isa nga sa mga pinaghandaan ko ay ang pagiging ESL teacher specifically dito sa South Korea. Kako noon sa sarili ko, kung ako man ay magtatrabaho sa ibang bansa ang gusto ay pagtuturo. Kaya nga noong 2010 ay pinagtyagaan kong mag-training sa TESOL (Teaching English to Speakers of Other Languages). At sa tulong ng poong Maykapal ay natanggap ako sa unang university na pinaturuan ko dito sa South Korea. Iniwan ko ang pagiging principal sa Academia De Pulilan na pagmamay-ari ng The City Schools sa Pakistan. Hindi po “breach of contract” ang aking ginawa. Hindi ako binigyan ng mga bosing kong Pakistani ng kontrata noon. Madalas akong magfollow-up noon subalit nakapagtatakang ayaw nilang ibigay ang kontrata ko. Kaya nga bilang plan B, kapag ang balak pala nila noon ay tsugiin ako ano mang oras matapos kong ma-secure ang re-accreditation ng FAPE, ay habang nagta-trabaho ako noon sa kanila eh actively akong naghahanap ng trabaho sa abroad. Pagdating sa career eh ayaw kong natutulog sa pansitan. Kaya lagi akong may Plan B, C hanggang D. Nagpaalam naman ako ng maayos at nag-turn over ng mga papeles na kaylangan kong i-turn over. At ganoon na nga, natanggap nga ako dito.
Ang huling dahilan, ang pinakamabigat, ay sa pakiwari ko ay nasa mid-life crisis ako noon. Para bang naging monotonous ang buhay ko. Parang wala ng direksyon. Parang akong nasa isang dead-end, hindi crossroads. Sa crossroads kasi ay maraming kang pagpipiliang pupuntahan. Dead-end talaga, isang brickwall ang tinumbok ng buhay ko.
Parang ang daming multo sa buhay ko noon na dapat kong i-exorcise. Ang dami kong personal demons noon. Litong-lito ako sa napakadaming bagay. Dumaan ako sa isang matinding depression na akala ko’y hindi ko noon malalampasan. Hindi kinaya ng “stresstabs” ang tindi ng stress ko noon.
Pero kahit kaylan ay wala sa bokabularyo ko ang salitang pagsuko. At isa pa, hindi naman sa pagmamayabang, eh may supporter at backer akong kahit kaylan ay hindi ako pinabayaan…si LORD.
Matapos ang matinding pag-iisip at pagdarasal eh nagpasya nga akong tumungo at magturo dito sa South Korea. Heto at pangatlong taon ko na ito dito.
Napakarami ko pa pong gustong i-kuwento. Libangan ko kasi itong pagsusulat at nagpasya akong tuwing makakaramdam ng inip at homesick ay magkukuwento na lang ako katulad ngayon. Sana’y mapagtiyagaan ninyong basahin. SALAMAT!
:,) nice
LikeLiked by 1 person
Thanks Jacq!
LikeLike