Ang Huklubang Ipis
(Sa Piling Ng Mga Hayop – 6)
Pilyong bubuyog kung ako ay ituring
Palipat-lipat kasi ako ng hardin
Nektar kasing ubod ng sarap simsimin
Kung saan sagana dapat ay hanapin
Wika ng marami ako raw ay hangal
Nang aking lisanin isang harding banal
Masagana naman nektar na ispiritwal
Ngunit punong bulaklak lanta ang asal
Kaya’t sa himpapawid pumailanlang
At nadako doon sa may kawayanan
Isang hardin doon aking natanawan
Nektar ng bulaklak doon ay tinikman
Sa harding iyon may paro-parong bukid
Makulay and pakpak ubod ng rikit
Lumipad ako’t sa kanya ay lumapit
“Kaisa ka namin” pangiti nyang sambit
“Sa harding ito ika’y aming tinatanggap
Malaya mong dapuan lahat ng bulaklak”
Sa narinig ay labis akong nagalak
Ito na marahil paraisong hanap
Sa paro-paro lumapit isang ipis
Tingin ko ako ay kanyang kinilatis
Di mangiti at matalim kanyang titig
Diskyumpyado man ngumiti akong pilit
Matapos sa paro-paro’y magpasalamat
Sa sahig ng hardin ako ay lumapag
Galing sa malayo pagal ang pakpak
Kaya nga’t nagpasyang ako ay maglakad
Gagambang sa halaman ay nakaukyabit
Gumamit ng sapot papunta sa sahig
Kapagdaka’y sa akin biglang lumapit
Niyaya akong mamasyal sa paligid
“Kanina ako sa paligid nagmatyag”
Wika ng gagamba habang lumalakad
“Sa huklubang ipis dapat na mag-ingat
Kapintasan at mali ang tanging hanap”
Langgam na sa hardin aming nadaanan
Binanggit masama nitong karanasan
Ito nga daw kasing ipis na hukluban
Sobra sa galing lahat pinapapelan
Sa hardin kasi kanya-kanya nang gawain
Subalit ang ipis lahat gustong sakupin
Tingin sa sarili siya lang ang magaling
Kaya’t opinyon nya lang ang dapat dinggin
Tutubing karayom na palipad-palipad
Sa usapan namin ay biglang sumabat
Huklubang ipis daw ay nakakagulat
Gusto laging bida, gusto laging sikat
Nagsalita naman itong gagamba
Itong ipis daw may pagka-elitista
Parang heredero kung siya’y umasta
At alipin ang nakapaligid sa kanya
Marami pang nasabi tungkol sa ipis
Mga bagay na sa kanya hindi lingid
Ang kanyang katwiran na nakakainis
Lahat sa hardin sa kanya daw ay inggit
Madalas daw siyang kinaiingitan
Kaya’t walang puknat siyang sinisiraan
Maaari din daw naman na ang dahilan
“Level of excellence” niya’y di mapantayan
“Wehh, hindi nga tsong?” ang sagot ng gagamba
Wika naman ng langgam, “Naka-drugs ka ba?”
Tutubing karayom nanlaki ang mata
Sa buong hardin maririnig ay tawa
Nakita’t narinig higit pa sa sapat
Ang pilyong bubuyog ay hindi bulag
Sa pag-iisip wika nga’y hindi salat
Maging sa pakiramdam hindi hungkag
Pilyong bubuyog muiling pumailanlang
Sa paro-parong bukid siya ay nagpaalam
Baka kasi aksidenteng mayapakan
Ang pahara-harang ipis na hukluban
Leave a comment
Comments 0