SERYOSONG KUWENTUHAN – 2
Hardpen, 02-12-10
Bago ko sagutin ika-siyam at ika-sampu mong tula,
dinugtungan ko ang sagot sa pang-walo mong katha,
habang sinusulat ito mga mata ko’y lumuluha,
magbunga sana ng maganda desisyon kong ginagawa…
Myrna Ramos Pantaleon, iyan ang pangalan,
ng dilag na dalawang beses kong pinakasalan,
siya’y Bulakeña, sa San Rafael Bulacan isinilang,
“by profession” siya ay isang “librarian.”
Kami noon ay matalik lang na magkaybigan,
kasi noon meron akong dentistang kasintahan,
ang dentista’y madalas magselos sa “librarian,”
nagdududang baka siya’y aking pinagtataksilan.
Alam mo naman ‘mate pagbabasa’y nakahiligan,
kaya madalas akong dumalaw sa silid-aklatan,
ngipin ko nama’y di sumasakit, di kaylangang bunutan,
kaya’t klinika ng dentista di madalas mapuntahan.
Dentista’y minahal ko, ngunit sa kanya ay nagkulang,
mahal kong pamilya ako lang kasi ang nasasandalan,
kaya’t pagtangi ko sa kanya di masyadong naiparamdam,
pinangarap na sariling “clinic” di ko din siya natulungan.
Dahil doon kahit kaylan di ko siya masisisi,
kung bakit ako iniwan at sa isip ay iwinaksi,
bago ako lisanin, “after seven years,” ito ang sinabi,
“You can never find another woman like me!”
Dinamdam masyado ang kanyang paglisan,
nalunod ako sa kumunoy ng kalungkutan,
may nag-abot ng kamay, iniahon ako’t inalalayan,
siya ang kaybigan kong galing sa silid-aklatan.
Lumalim ang samahan namin ng “librarian,”
unti-unting sa buhay muli akong ginanahan,
kaya’t nang magbiro siya na kami ay magtanan,
sineryoso ko ito’t iniuwi siya sa aking tirahan.
Nang panahong iyon sa kanya’y ipinagtapat,
nakaraan ko sa kanya lahat ay isiniwalat,
kasama na nang kami tumira sa Camiling, Tarlac,
sa GF ko doon ay nagkaroon ng isang anak.
Wala akong itinago lahat sinabi ko sa kanya,
alam din naman niya “love story” ko sa dentista,
lahat ng iyon buong pusong tinanggap niya,
tiyakin ko lamang daw na ako’y di kasal sa iba.
Kaya nga sa akin mga magulang niya’y di boto,
nabalitaan daw nila na ako ay isang bohemyo,
nalaman din nilang may anak pala ako,
baka dalaga nila’y akin lang niloloko.
Ano man ang kasiraang sinasabi nila di siya napigilan,
sinuway silang lahat at sumama sa aking magtanan,
nagpakasal sa isang Pastor matapos ang isang buwan,
paglipas na isang taon, kasala’y inulit sa San Rafael, Bulacan.
Matapos ikasal doon pa lamang naming sinimulan,
kilatisin ng mabuti ang aming mga katauhan,
mga pag-uugali na di na kayang mapagtakpan,
pilitin mang itago ay unti-unting naglabasan.
Mabuting tao naman ang aking napangasawa,
marami siyang katangiang lubhang kahanga-hanga,
sa larawan, balikan mo’t tignan, rikit niya at ganda,
kasinupan sa bahay at kagamitan, “number one” siya.
Sa pagsasama namin lumipas ang maraming buwan,
“Chemistry” namin bilang mag-asawa ay nasubukan,
Panday ng buhay, sa apoy ng pagsubok, kami’y idinarang,
marahil sinubok kung tunay kaming nagmamahalan.
Sa paglipas nga ng panahon marami kaming natuklasan,
pananaw at mga prinsipyo namin malaki ang kaibahan,
madalas mga pag-uusap namin nauuwi sa bangayan,
kung bakit kami kontra-pelo’y di namin mainitidihan.
Ngayon sa iyo kaybigan ay tuluyang nasabi ko na,
kuwento ng “married life” natin tinakbo’y magkaiba,
pareho talaga naming sinubok na maging masaya,
ngunit pilitin man nami’y parang wala na talaga.
Sa pagkukuwento ko’y pinilit maging patas,
siraan ang aking kabiyak ay di hinahangad,
nais ko lamang damdamin sa iyo’y isiwalat,
nais ko lamang na aking dibidib ay magluwag.
Maniwala ka, Diyos ang saksi, ginawa ko ang lahat,
upang maging masaya at kuntento ang aking kabiyak,
sarili’y pinagbuti nang sa kanya’y maging karapat-dapat,
“I did my best but my best wasn’t good enough!”
At kung ang tula kong ito ay kanyang mabasa,
malaya siyang ang kanyang panig ay idepensa,
kapag nagkataon katulaan mo’y magiging dalawa,
kung sino ang papanigan, ikaw ang magpasya.
Patuloy pa ring sa Panginoong Diyos nanalangin,
ako’y gabayan sa mga desisyong gagawin,
isang dekada’t kalahating pagsasama namin,
ipagpapatuloy ba o sa “splitsville” patutunguhin.