It’s Tsuper-man
(HETO NA ANG JEEP – 3)
Sa tulang ito ang sentro ng kwentuhan
“Is not a bird, not a plane… but tsuper-man”
Driver ng jeep matamang inobserbahan
Tuwing mamang tsuper ay natatabihan
Maraming “versions” itong si tsuper-man
May kaskaserong nakikipagkarerahan
May mabagal mag-drive tiyak kakainisan
Animo’y sementeryo ang pupuntahan
May mga driver na may pagkadiskumpyado
Biglang tatawagin pababang pasahero
“Hoy ale, teka, nagbayad po ba kayo?”
Sagot: “Sukli ko nga kinalimutan mo!”
Syempre meron ding pilosopong tsuper-man
Nang siya’y tanungin, “Magkano ang Meycauayan?”
Sa kanyang sagot ako ay nagulantang
“Ibinebenta ba siyudad mong naturan?”
May driver naman na nuknukan ng sungit
Nang may makitang nakatayo sa gilid
Hindi man pinara’y inihinto ang jeep
Nang ‘di sumakay sinigawan ng… “Pangit!”
Maraming driver na akong nakakwentuhan
Karamiha’y mababait at magalang
May edukado, mataas pinagaralan
Ang pamamasada’y ginawang libangan
Madalas kasing driver tinatabihan
Trip ko kasing sa jeep harap ang upuan
Nais kasing sa biyahe’y may kakwentuhan
Upang iyang inip ay mapaglabanan
Minsan nga nang driver aking kausapin
Nabigla’t natawa nang aking tanungin
“Totoo po ba ng tsiks kayo’y lapitin?”
‘di man lang nangimi nang siya ay umamin
“Pero teka muna!” ang bigla nyang sambit
Bakit nagtatanong, ako daw ba ay tiktik
Baka malaman ng matapang n’yang misis
Pag-uwi baka ang leeg niya’y magilit
Driver, “sweet lover,” sa babae’y matinik
Kadalasang tsiks kusa daw lumalapit
Doon sa tabi niya uupo nang pilit
At sa hita nya’y hahawak ng mahigpit
Wika ni tsuper-man siya man ay magpigil
Tsiks na mapanukso ay ayaw tumigil
Kapag “to the max” na kanyang panggigigil
Sa “forbidden garage” siya ay hihimpil
Iyan ang “kryptonite” nitong si tsuper-man
Tsiks na seksi’t maganda ‘di mahindian
Sukdulan na nang kita siya’y maubusan
Upang maka-date tsiks na nakahumalingan
Ano mang ugali meron si tsuper-man
Ano man ang meron siyang kahinaan
Meron din siyang papel na ginagampanan
May halaga siya sa ating lipunan
Iyan si tsuper-man dala ang kanyang jeep
Minameneho n’ya hindi binibitbit
Sa patutunguhan tayo’y inihahatid
Sa pinanggalingan tayo’y ibabalik
Leave a comment
Comments 0