Ang Sumpa (Part 2)
Dumungaw kami ng asawa ko sa bintana upang pagmasdan ang papaalis na si Alfred. Nilingon pa kami nito at kumaway bago pinaarangkada ang sinasakyang motor.
“Dennis, natatakot ako!”
“Oh bakit?”
“Bakit? Tignan mo!” Itinuro ng asawa ko ang mga uwak na halos sabay-sabay na lumipad kasunod ng papaalis na si Alfred.
Hindi na ako sumagot sa aking asawa.
“Ang isa pa eh nagku-kwento sa akin si Alftred sa mga nangyayari sa kanya nitong mga nakaraang araw.”
“Ha? Wala yata siyang nababanggit sa akin ah.”
“Parang kapag naglalakad daw siya sa gabi ay may pagaspas ng pakpak ng mga ibon sa bandang ulunan niya. Pero kapag titingala naman siya ay wala siyang nakikita. Minsan naman daw ay parang may mga yabag siyang naririnig sa kanyang likuran. Kapag hihinto siya at lilingon ay wala naman daw.”
“Ganoon ba. Oh, natatakot daw ba si Alfred?”
“Hindi nga eh. Hindi daw siya takot sa mga ganoong bagay. Ang totoo nga ay gusto daw niyang makakita ng multo o mga kakaibang nilalang. Katulad ng mga napapanood niya sa mga horror films.”
Nag-aalala man ako ay hindi ko mapigilang mangiti sa sinabi ng aking asawa.
“Nakuha mo pang ngumisi diyan,” ang parang inis na banat sa akin ni Sally. “Pero ang mas pinapangambahan ko ay iyong napapanaginipan niyang madalas tungkol sa tito Mon niya. Iniaabot daw ng tiyo niya ang kamay nito na parang humihingi ng tulong. Lagi daw niyang sinasabi na tanging si Alfred lamang ang makakatulong sa kanya. Sabi na kasing huwag mo palaging isinasama kay Mon ang bata eh.”
“Teka… teka Sally. Bakit humantong sa ganito ang usapan. Hanggang ngayon ba eh ganyan pa rin ang tingin mo kay Mon,” ang parang nagtatampong sagot ko sa kanya.
Tumahimik ang asawa ko. Alam niyang sensitibo ako sa mga usapin tungkol sa kapatid ko. Hindi lingid sa kanya kung ano ang pinagdaanan ng pamilya namin dahil kay Mon. Lalayuan ko sana si Sally dahil ayaw kong nang pagusapan pa ang alin mang bagay tungkol sa kapatid ko. Ayaw ko nang gunitain ang lahat ng pinagdaanan ng pamilya namin dahil doon. Pero bago ako makalayo eh hinawakan niya ako sa kamay at masuyo akong hinalikan sa pisngi.
“Sorry ‘tay! Masyadong lang akong nag-aalala kay Alfred.”
Tumingin ako sa aking kabiyak at hinagod ko ang kanyang buhok. “Okay na iyon, hindi mo lang alam pero sobra rin akong nag-aalala sa anak natin. Trese na si Alfred ngayon.”
“Oo nga eh. Heto na iyong inaabangan natin.”
“Sana naman eh hindi… sana lang.”
“May awa ang Panginoon ‘tay.”
Hinawakan ko ang kamay ng aking maybahay . “Sorry kung medyo nakapagtaas ako ng boses kanina.”
“Huwag mo ng alalahanin iyon ‘tay.”
Pinisil ko ang palad ng aking asawa.
“Tawagan mo nga ‘nay si Mon. Sabihin mong papunta doon ang pamangkin niya.”
Kinuha ni Sally ang kanyang cell phone.
Habang tinatawagan ng maybahay ko si Mon ay tumanaw ako sa bintana. Madilim na. Bukas na ang mga ilaw sa mga poste ng Meralco.
“Can not be reached. Magme-message na lang ako.”
“Okay ‘nay.”
“Siyanga pala Dennis…. hanggang kaylan ba natin itatago kay Alfred ang mga bagay-bagay tungkol sa kanyang tito Mon. Marami na rin siyang tinatanong tungkol sa kapatid mo.”
“Sally, sinusunod ko lang ang mahigpit na bilin ni tatay Berting noon na hangga’t hindi nagagawa ni Mon ang dapat niyang gawin eh hindi dapat malaman ni Alfred kung ano ang ang mga bagay-bagay tungkol sa tito niya.”
“Eh ano nga ba kasi ang dapat gawin ni Mon.”
“Alam mo ‘nay… sana eh alam ko rin kung ano iyon. Bukod kay Mon eh sina tata Berting lang at father Enrico ang nakakaalam at ang dalawa’y parehong wala na. Ahhh…”
Napasuntok ako sa hangin. Pakiramdam ko’y napakainutil ko bilang ama. Hinawakan ako sa balikat ng aking kabiyak. Sumagi sa isip ko ang laging sinasabi sa akin ni tatay Berting tuwing kinukulit ko siya tungkol doon… “Magtiwala ka lang. Alam na ni Mon ang gagawin niya. May awa ang Panginoon.”
“O teka ha ‘nay magpapahangin lang muna ako sa terrace.”
“Sige ‘tay. Teka po!”
Huminto ako’t tumingin sa aking kabiyak.
“Coffee, tea or… MEEE?”
Iyon ang madalas sabihin sa akin ni Sally kapag medyo stressed ako. Pilit man ay ngumiti ako.
“Coffee and YOUU!”
Sa terrace ay sinimulan kong pagdugtong-dugtungin ang mga bagay-bagay. Ang madalas na paglipad-lipad muli ng mga uwak sa paligid namin. Matagal nawala ang mga uwak na iyon. At ang madalas ko ngang hiling ay hindi ko na sila makita kahit kaylan. Pero heto na ulit sila. Naisip ko rin ang mga panaginip ni Alfred, at ang babala ng isang manghuhula nang makatuwaan naming mag-asawa na magpahula matapos kaming magsimba noong nakaraaang Linggo.
Sinabi ng matandang manghuhula na kapag nilamon ng kadilimang ang bilog na buwan ay lilipat na ang sumpa. At upang maputol ang sumpa, isa ang magsasakripisyo o isasakripisyo. Hindi ko talaga naintidihan ang sinabi ng matanda. Hindi ko alam kung anong sumpa ang sinasabi niya. Pilit ko ring iniuugnay ang mga bilin ni tatay Berting sa mga bagay na iyon.
“O ‘tay… heto na ang ako at ang kape.” Umupo sa tabi ko si Sally at humawak sa aking braso. “Tamang-tama ‘tay kabilugan ng buwan at may lunar eclipse daw ngayon sabi sa balita. Abangan natin ha.”
Pagkarinig ko niyon ay kagyat akong tumayo. Lumabas ako ng terrace upang tignan ang buwan. Kabilugan nga. Naisip kong bigla ang sinabi ng manghuhula. Bumalik ako sa loob ng bahay at kinuha ko ang baril na ibinigay sa akin ni ama bago siya namatay. Inilagay ko sa bag at dali-dali kong isinukbit sa aking balikat. Pagkatapos niyon ay muli akong lumabas ng bahay.
“Teka… teka… ‘tay ano ba ang nangyayari.”
“Tawagan mo nga ulit si Mon.” Pagkasabi ko niyon ay hinila ko ang isa pa naming motor palabas ng gate.
“Naku ‘tay. Ganoon pa rin… can not be reached.”
Pinaandar ko ang motor.
“Hoy, saan ka pupunta, kape mo inumin mo muna.”
“Mamaya na lang ‘nay.”
“Bakit ba ‘tay?” Pinapakaba mo naman ako masyado.”
“Kaylangang sundan ko si Alfred.”
“Bakit nga? Bakit ba ayaw mong sabihin?”
“Kaylangan ko nang umalis ‘nay. Mamaya na lang ako magpapaliwanag.”