Dito Po Sa Amin – 2 (Tambutsong Maingay)
Hardpen, 12-29-10
Aking pluma ‘mate ay muling
Ipagpapatuloy aking pagtalakay
Tungkol sa TAMBUTSONG sadyang pinaingay
Ng ilan sa mababait naming kapitbahay
Dito sa amin ay isang kautusan
TAMBUTSONG maingay di pinapayagan
Kabilang ito sa aming “rules and guidelines”
Napagkasuduan ng aming samahan
Sa nakaraang tula aking nabanggit
Mga kasamahang ubod ng babait
Baluktot na katwiran ipinipilit
Mahirap arukin, mahirap malirip
Kung TAMBUTSO ng motor nais baguhin
Totoong sila’y ‘di puwedeng pigilin
Tutal pera nga nila ang gagastahin
Kaya’t gagawin kung ito’y nanaisin
May mga umagang kami’y magugulat
Mula sa kama ay muntik nang malaglag
Aakalaing may bombang sumambulat
Ganyan ang motor nila kapag ini-istart
Minsan kapag gabi naman ay tahimik
Katawa’y pagal at pilit umiidlip
Haharurot motor nila at bibirit
Parang bangungot, ikaw ay magngingitngit
Katanghaliang tapat parang kumukulog
Maingay na TAMBUTSO ganyan ang tunog
Kapag nadinig tiyak na mabubugnot
Mapapamura ka sa tindi ng yamot
Umaga, tanghali o maging sa gabi
TAMBUTSONG maingay nakakarindi
Kapag umandar, ikaw ay mabibingi
Bakit kapitbahay ‘di makaintindi
Sobra bang sensitibo ng aming tenga
Sobra bang maikli ang aming pasensya
Kami nga ba ay walang pakikisama
At ‘di matiis ingay ng TAMBUTSO nila
Bakit patakaran ‘di na lamang sundin
TAMBUTSONG maingay ay patahimikin
O kaya’y sa loob ng subdivision namin
Maingay nilang motor huwag paandarin
Maingay na TAMBUTSO sana’y ipagbawal
Lalo na sa mga lugar na “residential”
Meron sanang batas na maipa-iral
Na TAMBUTSONG MAINGAY deklaradong ilegal