Trabaho At Utang Na Loob
Anong ugnayan ang meron sa pagitan ng trabaho at utang na loob? Dapat mo bang tanawing utang na loob sa papasukan mo, lalo na sa mga taong may kinalaman sa hiring, kapag ikaw ay natanggap?
Kung natanggap ka sa trabaho dahil na-meet mo ang minimum requirements (baka nga lampas pa sa minimum requirements) at dinaanan mo ang proseso, walang special na consideration, aba eh hindi utang na loob ‘yan. Kaylangan mo ng trabaho at kaylangan ng papasukan mo ang tao na may skills at qualifications na kaylangan sa posisyon na open sa kanila. Eh qualified ka kaya ka kinuha. Symbiotic ang relationship na nabuo. Nag-apply ka dahil kaylangan mo ng trabaho. Kinuha ka nila dahil kaylangan ka nila. Hindi mo sila pinilit na kuhanin ka. Nangangaylangan ka ng trabaho. Sa kabilang banda ikaw ang pwedeng magpuno sa pangangaylangan naman nila. Suswleduhan ka nila pero pagpapaguran mo. Hindi mo iyon hihingin sa kanila. Marami kang isasakripisyo in the process. At marahil ay masasabi mo namang hindi ka isang “totoy” o “neneng” na pinulot lang sa tabi-tabi.
Pero dapat kang magpahayag ng pasasalamat sa pagkapasok mo sa organisasyon. At dapat lang naman. Paano?
Ang pinakamataas na antas ng pagpapasalamat sa kinabilangan mong organisasyon at sa mga taong instrumental sa pagkapasok mo doon ay ang pagpapakita mo ng professionalism, hard work at dedication (PhD).
Gawin mo ng maayos ang iyong trabaho sang-ayon sa iyong job description. Kung maari nga ay higitan mo ang demands sa trabaho na nakasulat sa iyong job description. Wala sa job description ang mga katagang “Be a leech!” at “Be a crab!”
Sundin mo ang mga patakaran sa workplace. H’wag kang gagawa o magsasabi ng ano mang bagay na makakaapekto negatively sa tinatawag na “organizational climate.” Ganyan ang tamang pagpapakita ng pasalamat sa trabaho. Ang pagpapasalamat sa organisasyong kinabibilangan ay hindi sinasabi. Dapat ipanapakita! Hindi mo kaylangan sabihing “thank you” sabay kamot sa t’yan ng administrator o supervisor.
Kapag ikaw ba ay nagpahayag ng hindi pagsang-ayon sa policies ng organisasyon ay masasabi bang wala kang utang na loob? Kapag ikaw ba ay nagpahayag ng pag-kontra sa mga pananalita at gawain ng mga nakatataas ay wala ka ng utang na loob? Kabalintuanan! Tanging ang mga isinilang kahapon ang hindi alam ang kasagutan sa mga naturang tanong.
Subalit kapag ikaw ay nagpahayag ng hindi pagsang-ayon at pagkontra sa organisasyon at sa mga personalidad dito, hayagan man o tago, ay kahiya-hiya ka kung mananatili ka sa trabaho. Dapat kang umalis at magpaalam ng maayos.
At utoy at ineng, mas kahiya-hiya kang lalo kapag upang mabigyan ka ng pabor na manatili sa trabaho ay sisiraan mo ang mga kasamahan mo. Upang lumapad ang papel mo sa mga personalidad sa organisasyon ay kahit mga personal na bagay tungkol sa mga kasamahan mo na wala namang kinalaman sa trabaho ay uukilkilin mo. Aba’y maghunos-dili ka. Maawa ka sa mga mahal sa buhay ng sinisaraan mong kasamahan na kapag nagtagumpay ang kabuktutan mo’y maaring magutom. Sa iyo kaya gawin ang ganyan. Matutuwa ka ba?
Ang siraan mo ang mga kasamahan sa trabaho, ang mag-asta kang parang talangka at makapili ay hindi tamang pagpahayag ng utang na loob sa organisasyon at sa mga personalidad dito. Magbulay-bulay ka. Iyan ay gawain lamang ng mga taong desperado na sobrang baba ang tingin sa sarili. Mga taong kapit sa patalim. Kung may maling gawain ang mga kasamahan mo ay hayaan mong ang mga kinauukulan ang maka-alam. Ang dapat mong gawin ay bigyan mo ng babala ang kasamahan mo na baka pagsisihan nila bandang huli ang baluktot nilang gawain. Kung makinig sa iyo, salamat. Kung hindi naman eh h’wag mong gamiting leverage laban sa kanila para sa iyong selfish agenda.
H’wag mong gawing katwiran na kaylangang-kaylangan mo ng trabaho dahil magugutom ang pamilya mo, may kapamilya kang may sakit, nagpa-paaral ka (at kung ano-ano pa) kaya gagawin mong lahat upang manatili ka sa trabaho, sukdulang siraan mo lahat ang mga kapwa mo manggagawa, sukdulang magpaka-linta ka. Lahat ng manggagawa ay may kahalintulad na sitwasyon mo, baka nga mas malala pa. Kaya maghunos-dili ka kapatid.
Ang pag-alis sa isang organisasyon ay hindi pagpapakita ng kawalang utang na loob. Iyan ay isang personal na desisyon na dapat igalang ninoman. Basta’t gawin ang pag-alis ng tama at tapusin ang pinirmahang kontrata. Sundin mo ang lahat ng probisyon sa kontrata. Iyan ay sagradong buklod sa pagitan ninyo ng organisasyong kinabilangan o kakabilangan mo.
Hindi fair na ibibitin mo ang organisasyon sa balag ng alanganin. Kapag may ibinigay na deadline upang ipahayag mo ang pananatili o pag-alis sa organisasyon ay sundin mo. Sa Pilipinas man o sa ibang bansa ay may panahong ibinibigay upang magdesisyon ka kung ikaw ay mananatili sa trabaho o aalis. Hindi ka fair kung ang gagawin mo ay ibibitin mo ang organisasyon at magpe-play safe ka na hindi mo ipapahayag kung aalis ka o hindi sa dahilang hihintayin mo kung tanggap ka o hindi sa balak mong lipatan. At kung tanggap ka eh bigla mo na lamang iiwanan ang organisasyon. Nakakahiyang gawain ang ganyan.
Paka-tandaan na hindi tayo alipin sa organisasyong ating kakabilangan. Lalong hindi tayo alipin ng mga personal na pangangaylangan. Tayo ay mga manggagawang may dangal, tayo ay mga taong may dignidad. Kumilos tayo ng may dangal at dignidag. At h’wag tayong matakot kahit kanino, kahit nasa ibang bansa man tayo, basta’t wala tayong maling ginagawa. Tayo ay mag-trabaho ng tama, magsalita ng tama, umasta ng tama. Hindi tayo mga asong turuan na kung ano ang gusto ng may-ari ay iyon ang ating susundin, kahit tayo ay sipa-sapain at mura-murahin. Susunod lamang tayo kung tama at makatwiran ang gusto nilang mangyari. Kung hindi tama ay huwag kang sumunod, hindi bale ng mawalan ka ng trabaho. H’wag mong ipagbili o isuko ang iyong prinsipyo at dangal. H’wag mong hayaang yurakan ang iyong dignidad.
Sa mga taong mahirap na katulad ng manunulat na ito, ang tanging yaman ay dignidad. Hindi bale ng magdildil sa asin basta’t ang dignidad bilang tao ay h’wag mayurakan. H’wag kang magmakaawa at magpakababa manatili ka lang sa isang organisasyon. May mahalaga kaysa trabaho…DIGNIDAD!
May panuntunan ang sangkatauhan na universal. Sinusunod ito kahit saang bansa at anong kultura ang iyong kinalalagyan.
Leave a comment
Comments 0