Tong-its
Sina tata Berting at Khalil ang madalas kong katong-itan kapag ako’y nagbabakasyon sa Pilipinas. Basta’t nabalitaan nilang nasa baahay na ako eh siguradong pupuntahan ako’t maglalaro kami ng tong-its. Gabi kami naglalaro sa may kubo sa gilid ng bahay ko. Presko kasi doon, tahimik, at walang miron. Paminsan-minsan lang na mauupo doon ang aking maybahay matapos niyang hatiran kami ng makakain at kape. Kadalasang nagsisimula kami ng ala-sais at inaabot kami ng alas-diyes, minsan higit pa.
Tong-its lang ang nagustuhan kong sugal. Marunong akong mag-lucky nine at pusoy pero hindi ako manenggayong laruin ang mga ito. Purong sugal kasi ang lucky nine at pusoy at mabilis laruin. Hindi katulad ng tong-its na nagtatagal ang bawat round. Maliban na lang kung pagsampa ng baraha eh may bumisaklat sa mga kalaro mo o matapos ang unang ikot ng tapunan eh biglang may nag-draw. At ang tong-it eh may elemento ng mind game kaya nagustuhan ko ito. Kahit sobrang pangit ng sumampang baraha sa iyo eh maaari mong ipanalo. Iyon eh kung magaling kang mag-bluff at ang mga kalaro mo eh hindi kakasa.