Sa Sayawan
May nagbulong sa akin…
Ika’y nasa sayawan
May kasama ka raw
Magkahawak ang inyong kamay.
Ang bilis.
Noong isang linggo lang eh tayo,
Kamay ko ang hawak mo.
Bakit ganoon?
Ayaw ko sana
Na sa sawayan pumunta
Subalit para mo akong hinihila
Parang gusto kitang muling makita.
Nadatnang tugtog doo’y mabilis… magaslaw
Subalit ‘di ako maenggayong sumayaw
At pilit kitang tinatanaw
Sa gitna ng patay-sinding mga ilaw.
Nang biglang nagliwanag ang paligid
Tumigil ang tugtog na mabilis
Pumalit ay mabagal na himig
Himig ng mga pusong umiibig.
Silang lahat nagsiupo
Humihingal…
Hapong-hapo.
Ngunit kayong dalawa nanatiling nakatayo.
Kayo’y aking pinagmasdan,
Umiindayog kayo ng marahan.
Katawan ninyo’y magkadikit,
Parang kinukurot ang aking dibdib.
Nakahilig ka sa kanyang balikat
Balakang mo nama’y mahigpit niyang hawak.
Hindi mo ako matanaw dahil ikaw ay nakapikit.
Parang nang-aalipusta ang ngiti mong matamis.
At bakit naman ang sumunod pang kanta
Ay ang paborito nating dalawa
Kantang sabay nating inawit
Noon ako pa ang iyong iniibig.
Kanta’y parang ayaw matapos
Halos hininga ko sa panibugho’y malagot.
At nang sa labi siya’y iyong hinagkan,
Masuyong halik mo’y kanyang ginantihan.
Nang marubdob kayong naghalikan
Sayawan ay dagli kong nilisan.
(Mula sa kantang “Dancing on my Own” ni Calum Scott)
Posted on November 9, 2019, in Creative Writing, Poetry, Tula and tagged Creative writing, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0