Parang Hangin – 3
Ipinangako na aking tatanggapin
Na ang pagmamahal mo ay parang hangin
Mahirap hawakan, mahirap hulihin
Katotohanang pilit uunawain
Puso ko hindi ba’t mala-tuyong dahon
Kung saan ka iihip doon paparoon
Sasama ito sa gusto mong direksyon
Dahon ay alipin, hangin’y panginoon
Naroong sa batuhan isinasadlak
Minsan sa putikan naman ibabagsak
Ang naisin ng hangin ay nagaganap
Nadurog kong puso iya’y tinatanggap
Hanging ubod lakas di pa nasiyahan
Tuyong dahon sa apoy ay idinarang
Asul na apoy nang daho’y nadilaan
Ito’y naging abo bago binitawan
Pagkadarang sa apoy biglang nagising
Napaglalaruan pala aking damdamin
Sa salamin humarap, pailing-iling
Masamang ihip ng hangin tatapusin
At muling sumubok umihip ang hangin
Naging abong dahon ko nais tangayin
Ngunit abong tumigas di kayang dalhin
Lumubog sa lupa papuntang ilalim
Ganyan ang pag-ibig minsan parang hangin
‘di mo inaasahan biglang darating
Sa rurok ng ligaya ika’y tatangayin
Sa sobrang saya ikaw ay lulunirin
Subalit ang hanging sa aki’y umihip
Animo’y isang masamang panaginip
Ang dulot nito ay lungkot at pasakit
Umihip palayo sana’y huwag bumalik
Ang pagmamahal mo nga ay parang hangin
Kunwari’y meron ako’y paaasahin
Bulag man ang puso’y nakakaramdam din
Sa wala pala ako’y paaasahin
Umihip kang palayo ako’y iwanan
Ang paglalaro ay atin nang tigilan
‘di ba’t dumating kang di inaasahan
Kaya’t sa paglayo ’wag ng magpaalam
Leave a comment
Comments 0