Lingon (Part 4)

smoke“Hindi ka ba nila masasaniban kung hindi mo lilingunin ang kanilang paswit?” ang tanong ko.

“Parang ganoon na nga. Ang mga mata kasi ng tao ay parang bintana. Kapag namatay ang tao ay sa mata niya lalabas ang kanyang kaluluwa. Kaya doon doon pumapasok ang mga sutsot. Mas gusto nilang nakatalikod at lilingon ang kanilang biktima para hindi ito handa kapag pumasok sila sa mga mata nito. Kapag sa harapan kasi’y pumikit lang ang biktima ay maaring mapigilan ang tangkang pagsanib ng sutsot sa katawan.” ang paliwanag ni Jasmin.

Marami pang sinabi si Jasmin tungkol sa mga sutsot.

“Sila’y parang itim na ulap na korteng tao. Kapag nakapasok na sila sa mata mo ay pilit nilang itutulak palabas ng katawan mo ang iyong kaluluwa. Maaari mong labanan ang ginagawang pangaagaw ng sutsot sa iyong katawan. Kung magtatagumpay ang sutsot o hindi ay nakadepende sa kagustuhan mong lumaban at sa tatag ng pananampalampataya mo sa Panginoon. Maaaring madali lang ang pang-aagaw ng sutsot, maari din namang matagal.”

Kay hirap paniwalaan ng mga sinasabi ni Jasmin. Pero paano nga kung totoo lahat ng iyon? Ngayon pa ba ako magdududa matapos ang ilang nasakasihan kong pangyayari na kay hirap ipaliwanag.

“Iisa ang misyon ni Lucifer at lahat ng mga demonyong katulad ng sutsot – gibain ang sandigan ng pananalig ng tao sa Dakilang Lumikha. Mas madali nilang maaagaw ang katawan ng taong hindi naniniwala sa Panginoon. At ang isang bagay pa ay mabango ang amoy nila sa takot na nadarama ng tao.”

“Kapag naagaw na ng sutsot ang katawan ng biktima nila, ano na ang mangyayari?” ang tanong ni Daniel.

“Ang una’y tatanggalin ng sutsot ang mga mata ng kanilang biktima. Ang katawang inaagaw nila’y kanilang tirahan at pagkain. Hindi nila makakain ang katawang hindi nila masasaniban. Mata ng biktima nila ang una nilang kakainin. Habang sila’y nasa loob ng katawan ay unti-unti rin nilang uubusin ang lahat ng lamang-loob at laman nito, hanggang maging kalansay ito. Aalis lamang ang sutsot sa katawang inaagaw nila kung wala na silang pwedeng kainin dito. Minsan, kahit meron pa ay iiwanan nila ito  kung may panibago silang mabibiktima.”

Sana hindi totoo ang lahat nang sinasabi ni Jasmin. Pero ano ang dahilan niya para magsinungaling at  imbentuhin ang mga sinabi niya?

“Ngunit may mga sutsot na gusto lamang kainin ang mga mata at mga lamang-loob ng kanilang biktima. Hindi sila namamalagi sa katawan ng biktima nila. Kapag nagustuhan ng sutsot ang katawang sinaniban ay tanging mata lamang ang kanilang kakainin. Ang pinakamapanganib na uri sutsot ay iyong hindi kinakain ang alin mang bahagi ng sinasaniban nila. Ang ganitong uri ng sutsot ay uuwi sa pamilya nung biktima niya at magkukunwanring siya  iyon. Sila ay maghahanap ng ibang biktimang kakainin gamit ang katawang kanilang sinaniban. Hindi niya gagalawin ang pamilya ng biktimang sinaniban upang siya’y may bahay na makakanlungan. Tuso ang ganitong uri ng sutsot. Madali nilang napapaniwala ang mga kausap nila na sila ng ang taong nasaniban nila.”

Dagdag pa ni Jasmin, “Pwede ring magparami ang mga sutsot gamit ang mga katawang sinasaniban nila. Kaya madalas na hindi nila sinisira ang katawan ng mga babaeng sinasaniban nila.  Maliban na lang kung sila’y gutom na gutom. Magaling mang-akit ang mga sutsot lalo na kung maayos ang mukha at pangangatawan ng nasasaniban nilang lalaki. Minsan, matapos nilang ilagak ang semilya nila sa katawan ng babae ay iiwanan nila ito upang hayaang mabuo ang kanilang supling. Mas mapanganib ang mga sutsot na ipinapanganak ng isang tao.”

Sobrang seryoso kami sa pakikinig sa mga sinsabi ni Jasmin na nang kalaunan na lamang namin napansin na hindi man isinisikad ni Tomas ang hawak na tikin ay kusa itong gumagalaw patungo sa direksyon ng liwanag na nakita ko.

“O di ba ang saya…napindot mo yata Tomas ang auto-pilot ng balsa.”

Ganun si Daniel, pinipilit mag-biro kapag nai-stress.

“Tingin ko’y agos ang nagpapagalaw sa balsa,” wika ni Jasmin.

Hindi ko na kinontra ang sinabi ni Jasmin. Marami akong natutuhan tungkol sa dagat dahil sumasama ako noong  mangisda sa aking mga tiyuhin. Kabisado ko ang galaw ng tubig sa dagat. Nakakatiyak akong hindi agos iyon. Hindi rin ang alon. Merong hindi ko malaman kung itinutulak ba o hinihila ang balsa.

Binitiwan na ni Tomas ang hawak na tikin. Kaming lahat ay nagumpukan sa gitna ng balsa.

Kung noong bago umalis ng breakwater ang balsa ay kinukwestiyon ko kung  anong uri ng tulong ang maibibigay sa amin ng isang babaeng katulad ni Jasmin, sa pagkakataong iyo’y napagtanto kong siya pala yata ang tanging pagasa namin na mahanap ang kapatid ni Tomas at makabalik mula sa isla ng buhay.

“Makinig kayo sa akin,” wika ni Jasmin. “Ang mga  sutsot ay naaamoy ang takot. Gustong-gusto nilang natatakot ang mga biktima nila para mas madali nilang itulak palabas ng katawan ang kaluluwa nito kapag ito’y sinaniban.  Kaya sana tapangan ninyo’t pagtibayin ang inyong kalooban kapag nasa isla na tayo. Kapag nakarinig kayo na may pumapaswit, huwag na huwag kayong lilingon kung ayaw ninyong maging biktima. Kapag wala sa atin ang sinumang lilingon, ang  susunod na gagawin ng mga sustsot ay gagayahin ang tunog ng ano mang hayop o boses ng sinoman sa mga kakilala o mahal natin sa buhay. Aakalain mong sila nga iyon pero hindi. Sila’y mga sutsot na ang tanging nais eh lumingon ka upang masaniban nila ang iyong katawan. Sa paglingon ng biktima magsisimula ang lahat.”

“Ano ba kasi itong papasukin natin na ito?! ang hindi ko malaman kung nagtatanong o naninising wika ni Daniel.

“Sige Daniel, lumangoy ka pabalik sa pinanggalingan natin,” ang inis na sagot ko sa kanya.

“O kaya tol, hintayin mo na lang  kami dito sa balsa para may magbantay nito,” ang mungkahi naman ni Tomas.

Pinili ni Daniel na huwag ng sumagot sa mga sinabi namin.

“Tandaan ninyo ito, tanging sa likuran lamang manggagaling ang mga sutsot na magtatangkang mangaagaw ng katawan.  Lalapit sila’t sukdulang bumulong sa mismong tenga mo pero hindi ka nila magagalaw hangga’t hindi ka lumilingon. At kapag sa harapan mo sila lumitaw eh pumikit ka lang eh hindi na sila makakapasok sa mata mo.” ang dagdag pa ni Jasmin. “Ang mag sutsot na nakasanib na sa isang katawan ang pwedeng kang takutin, saktan o patayin pero madalas na sila’y takot gawin iyon dahil maari silang mapatay. Alam nilang hindi sila immortal.”

“Bakit ang dami mong nalalaman tungkol sa mga sutsot?” ang tanong ko kay Jasmin.

Matagal bago sumagot siya sumagot.

“Malalaman ninyo sa takdang panahon.”

the-shape-shifting-ghost

Pangalawa na iyon sa mga katanungang ibinitin ni Jasmin ang sagot. Una, hindi niya sinagot kung ano ang nakatakdang dapat gawin nila nung mga kasama niya sa bangka. Nais ko din sanang malaman kung sino iyong ‘sila’ na sinabi nung mang Kanor na pagsasabihan niyang humiwalay na sa kanila si Jasmin.

Nagpatuloy ang  pag-usad ng balsa.

Hindi lamang ang paligid namin ang sakmal ng kadiliman, maging ang kung ano mang naghihintay sa amin sa lugar na pagdadalhan sa amin ng balsa ay nakabalumbon sa kadiliman ng kawalang katiyakan.

Ang nakikita lamang namin ay ang kayang ilawan ng mga lamparang nasa unahan at likuran ng balsa. Katulad ng kaya  naming magkakaibigan na unawain tungkol sa isla at sa mga sutsot – nakadepende lang sa mga gustong sabihin sa amin ni Jasmin.

Ilang saglit pa’y naramdaman kong parang sumasadsad ang balsang kinalululanan namin. Huminto ito. Pasimpleng nagpunta sa bandang likuran ko si Daniel.

Nakatitiyak akong katulad ko’y nakikiramdam ang mga kasama ko. Nang ang mga mata ko’y nakasanayan ang dilim sa lugar na iyon ay unti-unti kong naaaninag ang paligid. Kami’y nasa isang pampang.

Inilapit ko sa lampara ang aking braso upang tignan ang oras.

Hating-gabi na.

“Pakiwari ko’y nasa isang isla na tayo,” wika ni Jasmin. “Kung ito na nga ang isla Miedo ay malalaman natin maya-maya lang nang kauti.”

“Papaano natin malalaman?” ang tanong ni Daniel.

“Sasabihin ko sa inyo.” Ang sagot ni Jasmin.

“Si Tomas ang unang kumilos. Dahan-dahan itong umalis ng balsa’t yumapak sa buhanginan.

“Tara,” ang wika ko kina Jasmin at Daniel. “Baba na rin tayo.”

“Teka… dalhin natin ang mga lampara.” ang mungkahi ni Jasmin.

Dalawa ang kinuha kong lampara, ang isa’y iniabot ko kay Tomas.

“Flashlight na lang ng cellphone ang gagamitin ko,” ang wika ni Daniel.

“Tol, habang may gaas pa ang lampara eh ito ang gamitin natin, i-save mo ang battery mo para kapag kinaylangan natin mamaya eh may magamit tayo.” ang sagot ko kay Daniel.

Sumunod naman si Daniel.

Nang kaming lahat ay nasa pampang na’y nagtulong-tulong kaming hilahin paahon mula sa dagat ang balsa. Iisa marahil ang iniisip naming lahat – kaylangang tiyakin naming may masasakyan kami paaalis ng islang iyon kapag kakaylanganin.

Nang matapos naming iahon ang balsa ay nagsiupo kami sa buhanginan sa gilid ng dagat. Kung nasa isla Miedo nga kami ay totoo ngang pino’t maputi ang buhangin dito.

“Sana nandito sina Ella.” wika ni Tomas.

“Tol, kung nandito kapatid mo ibig sabihin nasa isla Miedo nga tayo at nanganganib tayo.”

Gusto kong mainis nang madinig ko iyon kay Daniel. Pinili ko na lang na manahimik kasi’y maraming beses ko na siyang binara mula pa nang magkikita kami sa bus terminal.

Makalipas ang ilang sandali’y nakakadinig na ako ng ibang tunog. Sumasalit sa tunog na nililikha ng malumanay na paghampas ng mga maliliit na alon sa buhangin sa pampang ang huni ng mga kuliglig at kuwago. Paminsan-minsan ding pumupunit sa katahimikan ng lugar ang alulong ng aso… o baka lobo. Hindi ako pwedeng magkamali, may kagubatan sa islang iyon. Ganoon ang mga naririnig ko kapag nagbabakasyon kami sa bahay ng lola na nasa paaanan  ng isang bundok.

Nang madinig ko ang ang isang pamilyar na siyap ng paniki  sa bandang itaas namin ay naala-ala ko ang pananakot na ginagawa ng lola noong bata kami. Likha daw ang huning iyon sa isang iki na nagahahanap ng mga batang gising pa kapag disoras na ng gabi upang kainin ang mga lamang-loob nila.

Ang siyap ng paniking iyon ay sinundan ng isang kakaibang uri ng atungal, dalawang magkasunod… nakakabingi…nakakatakot. Sabay-sabay halos kaming napatayo.

“Ano iyon?” ang tanong ni Daniel na halatang katulad ko’y nahintakutan.

Naulit pa ang atungal. Dalawa nanamang magkasunod. Mas malakas ang una kumpara sa pangalawa. Parang dalawang hayop o ano mang nilalang ang pinanggagalingan.

Ang mga atungal ay sinundan ng mga palahaw. Lahat ng ingay na naririnig namin ay walang katulad sa mga narinig ko na mula pagkabata. Medyo malayo sa kinalalagyan namin ang pinanggalingan. Kahalintulad ngunit sigurado akong hindi baka o kalabaw na kinakatay ang may likha ng atungal na nadinig namin. Hindi rin ganun ang ingay na nililikha ng mga malalaking hayop saan mang bahagi ng mundo. Hindi iyon elepante. Nakatitiyak din ako na hindi tao ang pumalahaw matapos ang makapanindig-balahibong mga atungal na iyon.

“Sutsot. Galing sa sutsot ang atungal na iyon.” wika ni Jasmin. “Kumpirmado, nasa isla Miedo na nga tayo.”

Pagkarinig ng sinabi ni Jasmin ay parang hindi mapakali si Daniel. Hindi malaman kung sa likuran ko o sa likuran ni Tomas gustong sumiksik.

“Maaring naamoy na nila ang takot nang sinoman sa atin. Maya-maya lang ay nandito na sila.” ang sabi  ni Jasmin. “Humanda na kayo. Magdasal kayo kung marunong kayong magdasal.

Sadyang ako’y nanalangin, bago matulog at pagkagising sa umaga. Sa unang pagkakataon na ako’y nanalangin nang hindi pa ako matutulog o hindi ako bagong gising.

“Kaylangang simulan na nating hanapin ang kapatid ko at mga kasama niya. Sorry na pati kayo nadamay sa problema ko.”

Tinapik ko sa balikat si Tomas matapos niyang sabihin iyon.

Sinimulan naming maglakad. Bawat isa sa amin ay may bitbit na lampara. Nasa unahan namin si Tomas, hawak ang dalang baril. Pilit sumiksik sa pagitan namin si Daniel. Sa nilalakaran nami’y nakatalisod ako ng sanga ng isang puno.  Pinulot ko ito nang may magamit man lang akong panghambalos kung kakaylanganin. Matigas ito’t pabilog and korte.”

“Dito na ako sa likuran.” ang sabi ni Jasmin.

Ang sabi ko’y “Huwag, dito ka sa pagitan namin ni Daniel.”

“Ayos lang ako dito.” ang sagot ni Jasmin.

Part 5