Advertisements

Ang Sumpa (Part 12)

third-eye-3-1Habang nananghalian kami ay marami pang sinabi sa amin sina father Enrico at tatay Berting. Si sister Luz naman ay nagkuwento rin ng tungkol sa kanila ni lolo Benjamin. Hindi daw maikakaila na nakuha rin ni Mon ang pisikal na anyo ng ninuno naming Kastila. Silang dalawa ng lolo Benjamin ay parehong-pareho ang tabas ng mukha. Paminsan-minsan daw noon na pumapasyal ang buong mag-anak ng mga Cervantes sa kanilang bahay at hinahayaang silang magkausap ng lolo Benjie. Ayon kay sister Luz madalas daw na sa gabi nagpapakita ang mga kakaibang nilalang sa kanilang lolo hanggang sa dumating nga iyong panahon hindi na niya kinaya. Minsan daw ay may mga elementong sinasaktan siya.

Nang maging madre si sister Luz ay hiniling daw niya sa madre superyora nila na maglingkod sa simbahan ng parokya sa kanilang bayan dahil batid niyang nananahanan doon ang kaluluwa ng lolo Benjie. Matagal daw bago bumukas ng kaunti ang ikatlong mata ng madre dahilan upang paminsan-minsan ay nakikita niya ang kaluluwa ng pumanaw na kasintahan. May mga pagkakataon daw ng nagigising siya sa hating-gabi at makikita niyang nakatayo sa may paanan niya ang kaluluwa ni lolo Benjie. Hindi daw siya kaylanman natakot kapag nangyayari iyon.

Lampas alas dos na ng hapon nang magpaalam kami kay father Enrico.

“Tutuloy na po kami father, sobrang abala na itong idinulot namin sa inyo,” ang sabi ni ama.

“Wala iyon Julio. Ay siya, sige. Mag-iingat kayo. Hayaan ninyo’t tutulungan ko kayo na magpaliwanag sa mga taga Dolores kung anong hiwaga ang bumabalot sa pagkatao ni Mon. Gusto ko ring malaman nila na hindi nilulukuban ng ano mang masamang espiritu ang inyong anak.”

Bago kami umalis ay tinawag ni sister Luz si Mon. Niyakap niya ito at sinabihan, “Lagi ka lamang magdasal. Huwag kang matakot sa ano mang nilalang na nagpapakita sa iyo.”

“Salamat po sister Luz. Tatandaan ko po lahat ng bilin ninyo.”

“Tatay Berting, maraming salamat po sa lahat. Sa susunod na magawi kayo dito sa San Luis eh dalawin din po ninyo kami sa Dolores.” Wika ni ama.

“Sige Julio, asahan mong dadalaw ako sa inyo sa susunod. Magpapasabi ako kay father Enrico kung kaylan.”

Matapos ang paalaman eh sinimulan na naming maglakad. Hindi na kami sumubok na pumara ng ano mang sasakyang dumaraan dahil tiyak wala nanamang jeep o tricycle na hihinto para kami isakay, maliban na lang siguro kung hindi kami kakilala.

Bago namin marating ang bukana ng baranggay na tinitirhan naming eh may mga trak ng bumbero na lumampas sa amin.

Bigla sumagi sa isipan ko ang panaginip ni Mon. Nagkatinginan kaming mag-ama. Marahil pareho kami ng iniisip.

Binilisan namin ang paglalakad at ilang sandali pa’y natanaw na namin ang malaking balumbon ng usok na nangagaling sa aming sityo sa Dolores. Mukhang nagkatotoo ang panaginip ni Mon. Lalo naming binilisan ang aming paglalakad… lakad-takbo ang ginawa namin. May nadinig din kaming parang mga putok ng baril.

Marami kaming mga kabaranggay na nasalubong ngunit ni isa eh walang kumausap sa amin. Walang nagsabi kung ano ang nangyayari.

Nang madaanan namin ang barangay hall eh tamang-tama na papalabas mula doon si kapitan.

“Naku Julio, nagkatotoo ang panaginip ni Mon.”

Tutuloy na sana kami pauwi subalit pinigilan kami ni kapitan.

“Julio mas makakabuti kung huwag muna kayong tumuloy doon.”

 “Pero kapitan, baka nasusunog na rin ang bahay namin.” ang sabi ng ama.

“Hindi nadamay ang bahay ninyo. Hindi ito nasunog. Ang mga bahay lamang sa paligid ninyo ang nasusunog.”

“Ha?! Imposible iyon! Ang bulalas ni ina.

“Ang nagpasimula ng sunog eh si pareng Andres at mga kasama niyang mga lalaking mukhang hindi taga-rito. Naku Julio mukhang naghuhuramantado na iyong tao.”

“Bakit kaylangang humantong sa ganito. Bakit ginawa iyon ni pareng Andres.” ang wika ni ama.

“Ayon sa mga nakakita eh may dala silang mga sulong may sindi. At sa halip daw na pigilan sila ng mga kapitbahay ninyo eh inudyukan pa silang sunugin nga bahay ninyo. Nang ihagis daw nila ang mga ito sa inyong bahay ay may mga uwak na sumalo sa mga sulo at inihagis pabalik sa direksyon ng mga naghagis nito. Dumiretso sa bubong ng ilang bahay sa paligid ninyo ang ilang sa mga sulong iyon at doon nagpasimula ang sunog. Pero  mukhang humihina na ang mga apoy sa mga nasusunog na bahay. Mabuti’t may dumating na mga bumbero.”

“Kaylangang na naming umuwi kapitan.” Ang pagpupumilit ni ama.

“Julio, may dalang mga baril sina pareng Andres at mga kasamahan niya. Nakita ko kanina na paulit-ulit na pinapaputukan ang inyong bahay. Mabuti na lang at isinama mo ang buo mong pamilya papunta ng simbahan. Kaya nga bumalik ako dito at inutusan ko iyong isang tanod na magpunta sa bayan upang tumawag ng mga pulis. Julio, pakiusap, pumasok muna kayo sa barangay hall dahil sa tingin ko eh gusto kayong saktan nina pareng Andres.”

“Alfred, ipasok mo sa loob ang nanay at mga kapatid mo… bilisan mo! Dito lang ako sa labas. Magbabantay ako’t baka biglang pumunta dito si mang Andres.”

“Opo itay.”

Nang pumasok kami sa loob ng baranggay hall ay napakaraming uwak ang sumunod sa amin sa loob.

“Paano Julio, sisilip lang ako doon nang malaman ko kung ano na ang nangyayari. Paparating na siguro ang mga pulis na tinawag ng tanod na inutusan ko sa bayan. Diyan lang kayo pare. Ligtas kayo diyan.”

Malinaw na kay Mon ibinunton ni mang Andres ang pagkamatay ng kanyang anak at gusto niyang makaganti kaya binalak niyang sunugin ang aming bahay. At mukhang masama rin ang balak laban sa aming pamilya.

Ilang sandali pa ay biglang pumasok si ama sa barangay hall.

“Huwag kayong maingay. Paparating sina mang Andres at mga kasamahan niya. Tingin ko  may nakapagsabi na nandito tayo. Magtago kayo sa CR.” Inilabas na ng aking ama ang baril na nasa bag na kanyang bitbit.

At dumating nga si mang Andres.

“Hoy Julio, ilabas mo iyang salot mong anak kung ayaw mong madamay ang buong pamilya mo. Alam kong nandiyan kayo sa loob. Putangina ninyo… mga lahi kayo ng mangkukulam.”

Naglakas loob akong sumilip sa bintanang jalousie. Bukod kay mang Anres ay may 3 pang ibang mama sa kanyang likuran. Lahat sila ay may hawak na baril. Sinabi ko iyon kay ama.

“Andy pagusapan natin ito ng maayos. Huwag mong daanin sa init ng ulo,” ang pakiusap ni ama.

“Sige, pag-usapan natin… pagusapan natin matapos mong ibalik ang buhay ng kaisa-isa kong anak. Kaya mo bang ibalik ang buhay ng anak kong kinulam ninyo?”

“Pareng Andy maghunos-dili ka. Hindi si Mon ang may kagagawan ng nangyari sa anak mo.”

“Kapitan huwag kang makialam dito kung ayaw mong madamay. Ako ang kumpare mo pero hayan malinaw na kinakampihan mo ang pamilya ng mga mangkukulam na iyan. Sa opisina mo pa mismo pinagtago.”

At pagkatapos niyon ay nakarinig kami ng sunod-sunod na putok ng baril at mga yabag papalapit sa pinagtataguan namin. Tuwing may putok ng baril akong maririnig ay nakikita ko kung papaanong parang mga putakte ang mga uwak na nagsasama-sama na parang pader na nakaharang sa harapan ni Mon.

Bahagyang binuksan ni ama ang pintuan at dumapa siya’t gumanti ng putok. Mula sa nakaawang na pinto ay nakita kong natumba ang isa sa mga kasamahan ni mang Andres na sumusugod palapit sa barangay hall. Hindi ko masabi kung napuruhan ng ama ang lalaking iyon. Dahil doon ay umurong palayo sa pinagtataguan namin si mang Andy at ang natitira nitong dalawang pang kasama. Muling isinara ni ama ang pintuan ng barangay hall.

“Alfred, gumapang kayo papunta sa likod. Doon kayo dumaan palabas ng barangay hall. Susunod ako sa inyo.” wika ng ama.

Sinunod namin ang sinabi ni itay. Habang kami’y gumagapang papunta sa likuran ay muli na naman kaming nakarinig nga sunod-sunod na putok. Mabuti na lamang at makapal na konkreto ang pader ng barangay hall. Ang pintuan lang at mga bintana ang tinatagusan ng mga bala.

Dagdag pa ang maraming uwak na halatang hindi pahihintulutan, marahil hindi lang si Mon kundi kaming buong mag-aak, na masaktan.

Nakalabas kami ng barangay hall mula sa likurang pintuan nito. Tanging si ama na lamang ang natira sa loob.

Ilang sandali pa’y nakarinig kami ng sirena ng sasakyan ng mga pulis na nagsidating. Tumigil na ang palitan ng putok. Nang matiyak kong nasa ligtas na lugar na ang inay at ang mga kapatid ko ay bumalik ako sa  loob ng barangay hall. Ligtas si ama. Walang tama. Binuksan namin ang nagkasira-sirang pinto ng barangay hall at dahan-dahan kami ni ama na sumilip sa labas. Nakapaligid ang mga pulis kina mang Andres at  kanyang mga kasama. Hindi na nila nakuhang manlaban.

Napatay ni ama ang isa sa mga kasamahan ni mang Andres at sugatan pa ang isa. Maging si mang Andres man ay may tama rin sa kanang balikat.

Nilapitan ni ama si mang Andres.

“Bakit kaylangang humantong sa ganito?” Ang tanong ng aking ama kay mang Andres.

“Wala akong pinagsisisihan sa ano mang nagawa ko. Ano ang gusto mong gawin ko ha… matuwa sa ginawa ninyo sa anak ko. Pinatay ng anak mo ang anak ko. Ginulo ninyo ang buhay namin dito sa sityo. Salot ang anak mo. Salot ang pamilya mo. Lumayas kayo dito. Iwanan ninyo ang Dolores… ang San Luis. Sa impiyerno na lang kayo tumira.” Ang sagot sa kanya ng galit na galit pa rin na si mang Andres.

Itinulak na ng pulis papasok sa kanilang patrol si mang Andres.

“Mr. Cervantes… alam po naming dati kayong sundalo. Pero matanong ko lang po… may lisensiya po ba ang baril ninyo?” Ang tanong ng isa sa mga pulis kay ama.

Tumango ang ama.

“Ganoon pa man eh kaylangang sumama po kayo sa amin sa presinto. Ihanda  po ng lisensya ng baril ninyo halimbawang may magdemanda laban sa inyo. Kung pagbabasehan naman ang sinabi ni kapitan at ilang pang mga saksi eh lumalabas na self-defense ang ginawa ninyo. Hetong si mang Andres ang patong-patong na kaso ang haharapin, kasama na ang arson.”

“Alfred, bahala ka na muna sa nanay at mga kapatid mo. Baka bukas pa ako makauwi sa bahay.”

“Opo itay.” ang tugon ko kay ama.

“Pasasamahin ko sa iyo  ang isa sa mga tanod natin Julio. Gamitin ninyo sasakyan ng barangay.”

“Hindi na ako tatanggi kapitan. Maraming salamat.”

Papalubog na noon ang araw, habang naglalakad kami pauwi eh nadaanan namin ang mga bahay na nasunog. Amoy na amoy ang mga natutupok na kung ano-anong bagay.  Umuusok pa ang ilan sa mga labi ng mga bahay.

Maraming bahay ang tinupok ng apoy. Talagang hindi kapani-paniwala na hindi naapektuhan ng sunog ang bahay namin at ang aling mang bahagi ng bakuran nito. Kapansin-pansin ang napakaraming uwak na nakadapo sa mga puno sa paligid ng bahay namin at sa bubong nito.

Nadaanan namin ang mga naapektuhang pamilya. Marami sa kanila ang nag-iiyakan. May ilan sa kanilang tumitingin sa amin habang kami eh naglalakad papunta sa aming bahay. Matalim ang titig ng iba. Kung makakapagsalita lamang sila eh tiyak puro mura ang aabutin namin. Sana mali ako pero hindi si mang Andres ang sinisisi nila sa nangyari. Si Mon pa rin tiyak ang binubuntunan nila ng sisi ngunit pinili na lamang nilang manahimik sa takot na may mangyari ding hindi maganda sa kanila kapag nagsalita sila ng ano man laban sa kapatid ko.

Kung sa halip na inudyukan eh pinili nilang pigilan si mang Andres, marahil eh hindi nangyari ang trahedyang iyon.

Part 13

Advertisements
%d bloggers like this: