Ang Sumpa (Part 9)

third-eye-3-1Kinabukasan, bago kami tumungo sa simbahan upang makipagkita kay father Enrico ay dumaan muna kami sa barangay hall upang kausapin si kapitan tungkol sa panaginip ni Mon. Buong mag-anak kaming lumabas ng bahay noon. Ayaw magpaiwan ng inay at mga kapatid naming babae sa bahay. Marahil katulad ko na ang pakiramadam nila ay mas ligtas sila kung kasama namin si ama.

Nagulat si kapitan sa sinabi ng ama tungkol sa masamang panaginip ni Mon. Tingin ko ay hindi na siya nahirapang bigyan ng atensyon ang sinasabi ni ama dahil sa mga pangyayaring nasaksihan niya sa mga nagdaang araw.

“Hindi ko alam kung papaano sasabihin ito sa mga kapit-bahay ninyo,” ang parang nanlulumong wika ni kapitan, “Pero pipilitin kong ipaunawa sa kanila na ito eh panaginip lang ni Mon. Eh hijo natatandaan mo ba ang mga nangyari sa panaginip mo.”

 Pumikit si Mon. Ilang sandali din bago siya muling dumilat.

“May mga mama po na may dalang parang mga sulo na nakasindi at parang may mga baril pa silang hawak.” Pumikit muli si Mon. “Sa panaginip ko po eh ihahagis nila ang mga hawak nilang sulo pero parang babalik sa kanila ang mga inihagis nila.” Dumilat muli si Mon.  “At dahil umilag sila eh parang dumiretso sa mga bahay sa likuran nila ang mga inihagis nilang sulo.”

“Kaya nasunog ang mga bahay?”

“Opo kapitan.”

“Eh kaylan kaya mangyayari ang nakita mo Mon sa panaginip?”

Halos sabay-sabay kaming lahat na natingin sa direksyon ni Mon matapos naming marinig ang tanong ni kapitan. Napansin ni Mon na naghihintay kami ng kasagutan. Iling lang ang isinagot ni Mon at pagkatapos ay yumakap ito sa aming ina.

“O oras man lang, araw ba o gabi,” ang dagdag ni kapitan.

Kumunot ang noo ni Mon, habang nakatuon ang tingin sa sahig.

“Ay siya. Natanong ko lang naman. Huwag nating pilitin si Mon kung hindi niya maalaala.”

“Teka po! Teka po… parang nakita ko ang araw sa panaginip ko.”

Panandaliang tumahimik kaming lahat.

“Kung ganoon, halimbawang maganap ang napanaginipan ni Mon eh maaaring umaga, tanghali o hapon ito mangyayari,” ang wika ng aming ama.

“Siguro nga. Pero sana naman hindi ito mangyari kahit Kaylan.” Sagot ni kapitan.

“Salamat kapitan. Pasensiya na po sa abala. Kami eh aalis na’t tiyak na hinihintay na kami ni father.” Ang wika ng aking ama.

“O sige, ingat na lamang kayo.” pahabol ni kapitan. “Ay siyanga pala Julio. Iyong anak ni pareng Andres eh namatay na kagabi. Sana lang eh nakinig siya sa akin na dalhin ang iyong bata sa inyo kahapon.”

Nahinto kami panandalian sa paglalakad palabas ng barangay hall. Ang batang namatay eh isa sa mga namato sa amin ng gabing iyon na hindi nagpunta ng bahay ng nagdaang araw upang makipagusap kay Mon. Malungkot na pangyayari. Isang bagay na sa tingin ko eh magpapalala sa ano mang nararamdaman na ng mga tao kay Mon at sa buong pamilya namin.

“Kapitan, kapag nadaan ka sa bahay nina mang Andres eh pakihatid na lang ng aming pakikiramay,” ang sabi ni inay.

“Ma… makakarating Estella.”

“Salamat po kapitan.” Wika ng aking ama.

Nakakatiyak akong hindi ihahatid ni kapitan ang pakikiramay namin. Halata sa pamamaaran ng pagtugon niya. Maiintindihan ko kung bakit. Si Mon tiyak ang sinisisi ng pamilya ni mang Andres sa pagkamatay ng kanyang anak at hindi marahil tatanggapin niya at ng mga kapamilya nito ang pakikiramay namin.

Kung si ama ay dating sundalo, si mang Andres naman ay dating pulis at  kilala siyang mainitin ang ulo sa aming lugar. Ang balita pa nga eh naging miyembro siya ng isang sindikato nang umalis ito sa pagkapulis.

Nakakatakot isipin kung ano ang puwede niyang gawin kay Mon at sa pamilya namin. Huwag naman sana.

Mula sa barangay hall ay sinimulan naming maglakad papuntang  simbahan upang makipagkita kay father Enrico. Napansin ko na may mga uwak na nakadapo sa mga puno na nadadaanan namin. May ilan din na lumilipad sa bandang ulunan namin. Hindi talaga pababayaan si Mon ng itinuturing kong kanyang mga alaga.

Sa halip na dumiretso kami ay nagpasiya ang aming ama na lumiko sa isang kalye.

“Dito tayo dumaan. Doon na lang tayo sa dulo mag-abang ng masasakyan.”

Wala nang nagtanong sa amin kung bakit doon pinili ng ama na dumaan. Kung didiretso kasi kami eh madadaanan namin ang bahay nina mang Andres.

Ilang jeep at tricycle din ang pinapara ng ama subalit ayaw kaming hintuan. Alam na naming mag-anak kung bakit. Tanggap na namin iyon.

“Tara, maglakad na lamang tayo,” ang mungkahi ni ama.

“Nay, Teresa, Elena… kaya ba ninyong maglakad? Malayo-layo rin iyon. Kung gusto ninyo ihatid muna namin kayo pabalik ng bahay. Maiiwan na rin si Mon. Kami na lang ni Alfred ang pupunta sa simbahan.”

“Gusto ko pong sumama sa inyo ‘tay. Pakiramdam ko kasi eh may naghihintay sa akin sa simbahan. May gustong kumausap sa akin.” Si Mon iyon. “At saka ama, isama na natin sina inay at sina ate Teresa at Elena. Masama po ang kutob ko. Parang may masamang mangyayari kapag nasa bahay sila.”

Nang tinuran iyon ni Mon ay nagkatinginan kaming mag-anak.

“Itay, makinig po sana kayo sa akin.” Wika ni Mon sabay yakap sa aming ama.

“Naku ‘tay… huwag mo kaming aalalahanin. Sasamahan namin kayo.” Ang sabi naman ni ina.

“Kayo na nga ang bahala,” ang sabi ni ama.

Sa paglalakad namin ay may mangilan-ngilan kaming kakilala na nasalubong sa daan. Malayo-layo pa lang eh nakikita naming kung papaano sila umiiwas dahil nga kasama namin si Mon.

Nakakapang-hina na harap-harapan kong nakikita ang pag-iwas sa amin ng mga tao. Kitang-kita ko kung papaanong magsara ang mga bintana at pintuan ng bawat bahay na madaanan namin katulad noon gabing inimbitahan kami ni kapitan sa barangay hall. Pakiramdam ko’y para kaming mga ketongin na ayaw makasalamuha ng mga kababaryo namin.

Ipaliwanag ko man sa mga taong nakapaligid sa amin kung ano ang nangyayari kay Mon ay hindi nila maiintidihan. Sana lang eh may makapagsabi sa lahat ng taga Dolores kung ano ang nangyari ng magpunta sa aming bahay ang mga batang namato sa amin. Sana ay may magsabing ang kapatid ko ay nakakahawak ng krus at nakakapagdasal ng rosaryo. Sana masabi ni kapitan sa kanila kung papaanong halos eh paliguan na ni father Enrico si Mon ng holy water.

Part 10