Sa Naunsyaming Ambisyon Pa Rin
Hardpen, 02-09-10
Kaybigan ko sa London sobrang kang inspirado,
sa palitan natin ng tula, ikaw na’y nakaka-pito,
heto’t kinakatha pa lamang ang pang-anim ko,
sana ako’y hintayin i-delay muna ang pang-walo.
Subalit kung ikaw ay lunurin ng inspirasyon,
at di mo mapigilan ang daloy ng emosyon,
kumatha ka lang at paliparing parang ibon,
sa himpapawid ng paglikha ang iyong imahinasyon.
Sa tulang nagsisiwalat ng iyong nararamdaman,
nang ang “military career” mo dito ay iyong iniwan,
masakit dahil dugo’t pawis ang iyong pinuhunan,
naglaho lang bigla lahat ang iyong pinagpaguran.
Sa tula ding iyon ay binanggit ang dahilan,
kung bakit “military career” biglang tinalikuran,
dahil pinili mo kung alin ba ang mas matimbang,
ambisyon sa Pilipinas o pamilya sa England.
Wika mo’y sa tulang iyon “reactions” ay madami,
halos walang kumontra, di mabilang ang kumampi,
nangiti ka pa ng istilo ng tula mo, batikos ang inani,
sa isang bumasa, marahil naingit, kaya walang masabi.
Di inaasahang desisyon mo’y aking papanigan,
“dissenting opinion” marahil ang sa aki’y inasahan,
ang aking pagpanig sa desisyon mo ay may dahilan,
sa pamilya ako’y may malungkot na karanasan.
Dysfunctional” ang pamilyang aking pinanggalingan,
kaya’t masasabi ko mula sa aking karanasan,
di sapat ang liwang na galing sa ilaw ng tahanan,
kaylangan din ang matibay na haliging masasandalan.
Kaya nga’t desisyon mo tama at dapat lamang hangaan,
sapagkat isipin mo ngang mabuti kung dyan sa England,
kung wala ka ‘mate bilang haligi ng tahanan,
kabiyak mo’t mga supling sino ang sasandalan.
Katulad mo rin ako ‘mate na mataas ang pangarap,
sa ulap ng tagumpay inambisyon kong lumipad,
trabaho at pag-aaral walang humpay kong inatupag,
gabi ginagawang araw, ganyan ako nagsumikap.
Maganda at maayos ang naging trabaho ko,
di man ganoon kalaki ang kita ako ay kuntento,
nakatapos ng kolehiyo, may M.A. at Ph.D. pa ako,
subalit ako pala, dahil doon, malaki ang naisakripisyo.
Mga mahal ko sa buhay madalas nagrereklamo,
sila sa akin ay nagkaroon ng malaking tampo,
oo nga’t sa kanila, “financially,” nakakatulong ako,
di nila ako makapiling kung kaylan nila gusto.
Nang dahil sa aking matinding kagustuhan,
mga pangarap ko’y magkaroon ng katuparan,
mayroon pala akong parang kinalimutan,
mga taong ang atensyon ko ay kinasabikan.
Kaya ngayon ‘mate pinipilit kong makabawi,
mga desisyon ko ngayo’y buong ingat na sinusuri,
isasaisip lagi habang mga AMBISYON pilit aabutin,
may mga TAONG nangangaylangan ng atensyon natin.