Sa Muling Pagtula
Ang taludtura’y muli kong babaybayin
Muling maghahayag ng diwa’t damdamin
Sa bawat pantig nito’y aking itatanim
Saloobing matagal nang kinikimkim
Bakit bayan ko’y nanatili sa dilim
Bakit ang liwanag takot na yakapin
Bakit multong likha mo’y takot harapin
Sa kawalang pag-asa’y nagpaalipin
Takot ay isang tanikalang buhangin
Multo’y nakaaraang dapat nang limutin
Kumawala ka sana sa pagkaalipin
Lahing kayumanggi dapat pagyamanin
Sa muling pagtula kita’y hinahamon
Iniumang ko’y tinik sa bawat saknong
Hanapin mo ito’t sa puso’y ibaon
Sa dugo mong bububo baya’y ibangon
Tayo ay lahing matalino’t magaling
Madiskarte tayo’t may tapang na angkin
Ngunit bakit hikahos ang bayan natin?
Ang sagot ay heto’t aking nang sasabihin
Baya’y uunlad kung pinuno’y magaling
Kung kapakanan mo’y kanyang uunahin
Kung sa kapangyariha’y ‘di malasing
At ‘di pangangamkam ang aatupagin
Ngayo’y subukang humarap sa salamin
Tumitig sa mata’t sarili’y tanungin
Kakamayan ba kita o dapat sisihin?
Sa mga piniling mamuno sa atin
Pulitiko sa iyo tingi’y batang utuin
Mababang uri madaling paikutin
Kasangkapang ka na kanyang gagamitin
Sa sariling mantika ika’y gigisahin
Pulitiko’y halimaw na iyong likha
Sila’y bangungot na ikaw ang gumawa
Nagmukha kang butiking kaawa-awa
Nagpa-ipit sa nilikha mong tarangka
Sa muling pagtula aking pakiusap
Sa balota sana ang iyong isulat
Ay mga pinunong maglingkod ang hangad
H’wag ang mga halimaw na mapagpanggap
Sa muling pagtula aking hinihiling
Multo’y h’wag paulit-ulit na buhayin
Kalasin mo ang tanikalang buhangin
Mula sa karimlan bayan ay hanguin