TUNGKOL SA AKIN – 1

Hardpen, 02-20-10

me 12

Ako ngayo’y namamahinga, kagagaling sa gym,
sa Facebook pinagmamasdan kalbong si CHING,
diploma’y mahigpit na hawak, sa kamera nakatingin,
di marunong ngumiti, balat ay sobrang itim.

Tuloy sa puntong ito ang napagdiskitahan,
nagdaang maraming taon muling pagisipan,
kung paanong sa landasin ako ay nagsikhay,
kung paanong sa buhay buong tapang na naglakbay.

Kaya’t bago natin sakyan ang “time machine,”
at “high school days” natin ay muling dalawin,
ilang bagay patungkol sa akin iyo munang basahin,
karakter ng kaybigan mo muling kilatisin.

Di ba’t sa Cagayan noong magakakasama pa tayo,
tawag ninyo sa aki’y “bulilit” at “malaki ang ulo,”
DADDU ang pangalang sa akin ay ipinanloloko,
minsan ako’y nagagalit, minsa’y nakikitawa sa inyo.

Mas madalas, bilang kaybigan, ay nakikitawa na lang,
dahil maloko rin ako, mahilig din naman sa harutan,
kapag naman ang nagbiro sa akin hindi ko kaybigan,
pihadong panloloko nila sa aki’y mauuwi sa suntukan.

Wika nga ni Belmar ng kami ay nagkakuwentuhan,
ako daw noong bata tayo may taglay na katapangan,
kahit mas malalaki sa away di ko daw inuurungan,
basta’t batid kong ako ay nasa wastong katwiran.

Kaybigan, hanggang ngayon, ako pa rin ay matapang.
Oops! Hindi iyong tipong kapwa-tao ang aking kalaban,
sapagkat maipagmamalaki kong wala akong kaaway,
ang tapang ko’y nasa pagharap sa mga hamon ng buhay.

Ang buhay ko ay maihahalintulad sa isang kuwento,
“conflicts” ay sanga-sanga, mga “twists” ay komplikado,
bilang “main character” dibdib ko’y singtigas ng bato,
baka kung hindi sa “climax,” ako’y maging luko-luko.

Sa susunod na panahon siguro’y puede nating pag-usapan,
mga mabibigat na pagsubok na ating pinagdaanan,
mga pagsubok na sa karakter natin ay nagpatibay,
mga pagsubok na sa buhay natin ay nagbigay kulay.

Maslimuot talaga ang buhay na aking tinahak,
sa pagdaan dito’y maraming pagsubok na hinarap,
malampasan ang mga ito ay aking sinikap,
di nagpagapi sa sakit, di sumuko sa hirap.

At karamihan ng problema na sa akin ay dumating,
mga mahal ko sa buhay ang nagdala sa akin,
mga gusot at suliranin nila ako ang pilit pagaayusin,
“Sponge Bob” at “shock absorber” sa akin ang turing.

Okey lang iyon sa akin dahil mahal ko sila,
sa kanila handang i-alay kahit buhay ko pa,
ang pagtulong ko at ang sa kanila’y pagkalinga,
ginagawa sa paraang may ligayang nadarama.

Sa buhay ko lang, mula noon, ang aking napansin,
nalulusutan palagi, walang mintis, lahat ng suliranin,
at ano mang bagay na ginusto, ano man ang hilingin,
lahat natutupad, lahat nagaganap, lahat naangkin!

Ika nga sa kuwento ng buhay ko may “dues ex machina”
ito’y “literary device” ginagamit pang-ligtas sa bida,
ang katumbas nito sa buhay ay aking pananampalataya,
sa mga labang pinagdaanan, DIYOS palagi kong kasama!

Wika nga ng isang tagapayo na madalas kong hingahan,
kapag may mga pagsubok akong pinagdaraanan,
mga unos ng buhay, mga gusot, lahat malalampasan,
kung pananalig sa DIYOS ay ating titibayan.

Advertisement
%d bloggers like this: