Nang Manundo Si Kamatayan
Maghahating-gabi sa bahay ni mang Teban
Nandoon din sina mang Pedro at mang Juan
Silang tatlo’y masayang nagkukwentuhan
Tawa nang tawa habang nag-iinuman.
Maya-maya’y may kumatok sa pintuan
Sila ay natahimik at nagtinginan
Tumayo si Pedro’t pintua’y binuksan
Sa nakita silang tatlo’y nagulantang.
Ang kumatok sa pinto’y si Kamatayan
Anito’y “Kumusta na mga kaybigan.”
“Heto po medyo kabado,” ani mang Juan.
“Ah… eh… tuloy po kayo” ani mang Teban.
Pumasok at naupo si Kamatayan
Tahimik na ang tatlo siya’y pinagmasdan
Naisipan nilang bisita’y tagayan
Sumyat naman ito’t sila’y pinagbigyan.
Si mang Teba’y nagpasyang bisita’y tanungin
“Eh nagawi po kayo dito sa amin,
Mukha po yatang kayo’y may susunduin.”
Bisita’y isa-isang sa tatlo’y tumingin.
Tumango ito’t sinabing “Oo mga kaybigan
Sila’y ang unang tatlo dito sa listahan
Heto nga o baka gusto ninyong tignan
Dito’y nakasulat kanilang pangalan.”
Nang basahin nila makapal na listahan
Natahimik sila’t halos mag-iyakan
Number 1 si Pedro, number 2 ay si Juan
At ang pumapangatlo ay si mang Teban
Nagpasiya ang tatlong bisita’y lasingin
Meron kasi silang binalak na gawin
Pangalan sa unahan kanilang buburahin
At sa huling pahina doon sulatin
Nalasing nga bisitang si Kamatayan
Inantok pa’t nakatulog sa upuan
Binura nga nila pangalan sa unahan
Kagyat isinulat sa dulo ng listahan
At si Kamataya’y naalimpungatan
“Ang tapang ng lambanog ninyo kaybigan,
Aba’y nakatulog ako nang biglaan.”
“Humihilik pa nga kayo”, ani mang Juan.
“Dahil na-enjoy ko ang ating inuman,
Di ko susundin nakasulat sa listahan,
Sa halip na unang tatlo sa unahan,
Susunduin ko’y huling tatlo sa listahan.”