Tuwing Bubuhos Ang Ulan

Tuwing bubuhos ang ulan ikaw kaagad ang papasok sa isipan ko. Kaya parang imposible na kita’y makalimutan kasi ‘di ko naman kayang pigilin ang pagpatak ng ulan. Uulan kung kaylan nakatakdang umulan.

Kung puwede lang  ipanalangin na sana tag-araw na lang palagi para kahit kaylan ay hindi na bumuhos ang ulan. Kung puwede sana na laging may araw, lalabas ako kahit katanghaliang-tapat at hayaang sunugin  ng araw hindi lamang ang balat ko kundi ang bawat hibla ng iyong ala-ala sa aking isipan. Ang ala-ala mo kasi’y parang tinik na dinuduro ang bawat bahagi ng pagkatao ko.

Tuwing makikita ko na may namumuong kaulapan sa langit ay kasabay nitong mamumuo rin ang kalungkutan sa aking isipan. At kapag umihip na ang hangin at magbabadya nang umulan ay maghahanap na ako ng masisilungan sa dahilang kapag bumuhos na ang ulan ay bubuhos na rin ang mga ala-ala ng nagdaan at babahain ng lungkot ang buong pagkatao ko at hindi ito huhumpay hanggat hindi ako nalulunod sa lumbay.

Ngunit wala akong puwedeng silungan. Ala-ala mo’y parang aninong lagi akong sinusundan. Lalo na kapag umuulan. Isipan ko’y parang bubong na may butas at ang ala-ala mo’y parang tubig-ulan na pilit hahanapin ang butas na iyon para pasukin, upang ako’y lunurin sa lungkot at pighati.

Bakit kasi nagpasiya akong mamasyal sa labas noon? Dahil ba iyon ang unang pagkakataon na mapuntahan ko ang Sagada at napakahilig ko kasing maglakad-lakad sa ganoong bulubunduking lugar upang pagmasdan at kuhanan ng larawan ang kagandahan ng kalikasan? O dahil nakatadhanang talaga na tayo ay magkita? Nakalista na sa mga aklat ng mangyayari na magkukrus ang ating landas. Nakaguhit na iyon sa ating mga palad.

Part 1

Part 2

Part 3

Part 4

Part 5

Part 6

Part 7

Advertisement
%d bloggers like this: