Category Archives: Fiction

LINGON (8)

(Ikawalong Bahagi)

Sutsot

Nagpatuloy kami sa paglalakad. Marahan. Maingat. Nakatitiyak akong katulad ko’y nag-iingat ang mga kasama ko na huwag matingala’t matingin sa mga sutsot na bumabaybay sa mga tulay na baging.

Isang bagay na napansin ko’y madalas na boses ni Patrick ang ginagaya ng mga sutsot.

“May awa ang Diyos, makikita ko rin ang kapatid ko.”

“Tomas naniniwala ka ba talagang may Diyos?”

Hindi na sumagot si Tomas.

“Mahirap sagutin, di ba? Dahil kaylan ba ninyo naramdaman na may Diyos ngang gumagabay at nagmamahal sa inyo?”

Nagtinginan lang kaming magkakasama. Pakiramdaman ko na ang nga tanong na iyon ay hindi lamang para kay Tomas. Iyon ay tanong na lahat kami’y dapat sagutin.

Kaming lahat ba’y naniniwala sa Panginoon?

“Kayong lahat na mga gunggong… sa palagay ba ninyo eh kaya kayong iligtas ng kinikila ninyong Diyos?  Wala sa inyong pakiaalam ang Diyos. Kaya nga lahat ng napupunta dito sa aming isla eh wala pang nakakalabas ng buhay. Ang Diyos ninyo eh nakaupo sa trono, si Hesus ay nasa tabi niya. Pinapanood lang nila tayo ngayon. Sa palagay ninyo pupuntahan nila kayo para tulungan. Umaasa kayo sa wala. Bahag ang buntot ng Diyos ninyo.”

Sa pagkakataong iyon, hawak ang rosaryo, ay nagsimulang dasalin ni Jasmin ang “Ama Namin.”

“Sige magdasal pa kayo. Akala mo naman may nangyayari sa mga padasal-dasal ninyo. Bingi ang Diyos ninyo. Nagaaksaya lang kayo ng panahon.”

Tahimik kong sinasabayan ang mga panalangin ni Jasmin.

“Aba si Willy nakikidasal oh. Hoy Willy, ilang panalangin mo na ba ang pinakinggan ng Diyos mo. Nagbalikan na ba ang naghiwalay mong nanay at tatay matapos ang halos gabi-gabi mong pananalangin. Binalikan ka na ba ng nagtaksil mong kasintahan matapos ang napakarami mong dasal para sa kanya. Hindi ka mahal ng mga magulang mo, hindi ka mahal ng kasintahan mo at lalong hindi ka mahal ng kinikilala mong Diyos.”

“Jasmin, paanong lahat ng mga bagay tungkol sa buhay ko eh alam ng mga lintik na iyan.”

“Dating anghel ang mga iyan bago sila nagging demonyo. Taglay nila ang ilang kapangyarihan na taglay ng Panginoon. Kapag nakita na nila ang tao ay nalalaman nila ang mga kinikimkim mong sama ng loob, ang mga kabiguan mo sa buhay, at  ang mga itinatago mong kasalanan.”

Paano na kung hindi matibay ang pananampalataya sa Diyos at paninindigan ng mga taong pagsasabihan ng mga sutsot ng mga ganoong bagay? Paano kung ang makakdinig ng mga sinabi nilang iyon ay may pinagdadaanang mga pagsubok na nagbubunsod sa kanila upang parang maramdaman na parang hindi tinutugon ng Panginoon ang kanilang mga panalangin.

Para sa akin, ang mga sinabi ng mga demonyong sutsot ay nagsisilbing kumpirmasyon sa pagkakaroon ng isang Diyos na lumikha sa tao at sa mga anghel.

Totoong may Diyos. Totoo ang panginoong Hesus at maging siya man ay tinukso ng demonyo ng tatlong beses habang siya’y nagaayuno sa disyerto ng Judea.

Umatungal nanaman ang isang sutsot, sinundan ng mga nakakabinging palahaw. Pakiramdam ko’y nasa ulunan lang namin sila.

Sunod-sunod na paswit ang aming nadinig.

“Mga putang-ina ninyo!” Si Daniel iyon. Sabay pukol sa hawak nitong kahoy… at sa pagpukol  niyang iyon ay mukhang hindi na niya naiwasang tumingala at tumingin sa direksyong pinagpukulan nito ng kahoy.

Napakabilis ng sumunod na pangyayari. Kitang kita ko ang pagpasok ng isang parang itim na usok sa kanyang bibig. Bigla na lamang bumagsak sa lupa si Daniel.

Nagkikikisay!

Tumitirik ang mga mata niya!

Umuungol!

Ganoon ang itsura ng mga nakikita kong sinasaniban sa mga pelikulang horror na napanood ko noon.

Katulad ko, nataranta rin sina Tomas at Jasmin. Magkakatabi na kami halos. Wala ng nagbabantay sa aming likuran.

“Labanan mo Daniel. Huwag mong iwanan ang katawan mo.” Sigaw ni Jasmin.

Humawak si Tomas sa mga pa ni Daniel. Nasipa siya. Bumagsak sa tabi ko si Tomas.

Tumayo si Daniel. Tirik pa rin ang mga mata. Sinasabunatan ang sarili. Sinusuntok ang sariling mukha. Tumatadyak sa hangin.

“Umalis ka sa katawan ko. Umalis ka.” Boses iyon ni Daniel.

Nagpapaikot-ikot si Daniel na parang trumpo.

“Ikaw ang umalis, akin na  ito.” Iyon ay tinig ng kanyang ina.

Muling bumagsak sa lupa si Daniel.

Pumapalahaw muli ang mga sutsot. Parang nagbubunyi.

Tumayong muli si Daniel paharap sa amin ni Tomas.

Nakangiti ito, Hindi na nagkikisay. Kitang-kita ko na nagsimulang  umaagos ang mga dugo sa isang mata ni Daniel. Unti-unti naglalaho ang mata niyang iyon, maging ang mga balat na nakapaligid dito. Parang may kumakain mula sa loob.

“Wala na si Daniel. Naagaw na ang kanyang katawan.” wika ni Jasmin.

Umalingaw-ngaw ang isang putok.

Bumaksak ang katawan ni Daniel.

Kitang-kita ko kung papaanong habang nakapikit eh nagpaputok pa ng kung ilang  beses si Tomas sa direksyon ng mga sutsot na nasa baging na tulay.

May nadinig akong nagbagsakan sa lupa na mabilis na sinundan ng mga palahaw at ingay na papalayo mula sa aming kinalalagyan. Matagal-tagal din bago muling nanahimik ang mga halimaw.

Nakaluhod sa harap ng katawan ni Daniel si Tomas. Sa mismong noo ng kaybigan namin  tumama ang bala. Hindi pula ang dugong lumalabas sa sugat… berde ito. Patay na si Daniel, patay na rin ang sutsot na sumanib sa katawan niya.

“Sorry tol… sorry tol.” Iyong ang paulit-ulit na  sinasabi ni Tomas habang tahimik na dumadaloy ang kanyang mga luha . “ Kinaylangan kong patayin ang sutsot na sumanib sa katawan mo.”

Hinawakan ko sa balikat si Tomas.

“Tol, wala na tayong magagawa. Nangyari na ang nangyari. Halika na hanapin na natin si Ella habang may panahon pa.”

“Dalawa pang sutsot ang napatay mo Tomas.” Ang sabi ni Jasmin.

Mula sa backpack ni Daniel ay kinuha ko ang kanyang lighter at ang pinaglagyan niya ng gaas at mga mitsa ng lampara. Ipinagpatuloy namin ang paggalugad sa kakahuyan. Magkatalikuran na kaming tatlo habang naglalakad. Dikit-dikit na kami halos.

Ang mga ingay at kaluskos na narinig ko ay palatandaan na nasa malapit lang ulit ang mga sutsot.

“Isa kang kriminal Tomas. Sarili mong kaybigan eh pinatay mo.”

Boses nanaman ni Patrick ang ginaya ng mga sutsot. Galing sa bandang likuran namin ang boses na iyon.

“Napakawalang-hiya mo Tomas. Pinatay mo ang aking anak. Pagbabayaran mo ang ginawa mong krimen.” Tinig naman iyon ng nanay ni Daniel.

Itinutok ni Tomas ang kanyang baril sa pinanggagalingan ng mga boses na iyon at sinabing “Gago! Sutsot ang pinatay ko. Kayo ang pumatay kay Daniel. Bakit di mo subukang magpakita nang isunod na kita.”

“Matapang ka lang Tomas dahil may baril ka. Mauubos din yang bala mo. Kapag ubos na  ang mga iyan eh humanda ka. Magtutuos tayo.”

“Malakas ang loob mong magsalita ng ganyan dahil isa lamang akong tao. Ikaw ay isang dating anghel at may kapangyarihan. Maglaban tayo ng patas kung gusto mo.”

Isang malakas na atungal ang isinagot ng sutsot kay Tomas.

Naisip kong baka ang umaatungal na sutsot na iyon ang kanilang pinakapinuno. Siya rin marahil ang madalas na kumokopya sa boses ni Patrick.

“Tatlo na lang ang natitirang silver bullets ko.” Pabulong na sabi sa amin ni Tomas.

“Hetong hunting knife ko. Hindi nito sasantuhin ang mga sutsot na iyan.”

“Apat na sa mga kasamahan ni Ella ay bangkay na nating natagpuan. Isa   na lang, kasama si Ella, ang maaring buhay pa sa kanila.” ang sabi ko.

“Buhay o nasaniban!” ang sagot ni Jasmin.

“Isama natin ang kuya mo… bali tatlo. Iyon eh kung walang ibang nagpuntahan sa islang ito bago pumunta dito ang kapatid ko’t mga kasama niya.”

Patuloy sa pambubuyo ang mga sutsot na kami’y tumingala sa kinalalagyan nila.

Dumalang ang mga punong nadadaanan namin. Wala na rin ang mga tulay na baging sa aming  bandang ulunan. Wala na kaming damong tinatapakan. Mabato na ang lugar na aming tinutumbok.

Parang nawalang bigla ang mga sutsot.

Nang tuluyan kaming makalabas sa kakahuyan eh narating namin ang isang batis.
Hanggang makarating kami sa gilid nito eh magkakadikit at magkakatalikuran pa rin kaming naglalakad.

Nagsiupo kami sa mga  batuhan. Mukhang napakalinis ng batis. Napakalinaw ng tubig. Mababaw lang ang ito at mga sampung hakbang siguro’y  makakatawid ako sa kabila nito. Galing ang tubig nito sa bandang itaas at hindi ko sigurado kung ang tubig nito’y tumutuloy hanggang sa dagat sa dahilang ang bandang dulo nito sa kabila ay papakipot papasok sa isang bahagi ng pinanggalingan naming kakahuyan.

Batid kong katulad ko’y uhaw na uhaw na rin sina Jasmin at Tomas ngunit wala sa aming nagtangkang uminom.

Mula sa likuran ng isang malaking bato sa aming harapan eh may isang lalaking biglang lumitaw. Balbas-sarado siya. Gusgusin.  Kasingtangkad halos ni Tomas ngunit mas matipuno ang pangangatawan. May nakasukbit sa tagiliran niyang gulok – kahalintulad ng mga gulok na nakita ko sa bangkang sinakyan ni Jasmin at ng mga kasama niya nang makita namin sila.

Napakalapit lang niya sa amin. Mabilis na ikinasa ni Tomas ang kanyang baril at itinutok sa lalaki. Nasorpresa kami sa bilis ng kilos ng lalaki. Isang iglap eh naagaw niya ang baril ni Tomas at ito’y itinutok sa amin.

Akmang uundayan ni Jasmin ng saksak ang lalaki ngunit siya’y mabilis na natutukan ng baril sabay sabing, “Huwag Jasmin!

Natigilan kaming lahat.

“Ku…kuya Patrick! Ikaw nga ba yan kuya?”

“Oo ako nga!” sagot ng lalaki.

(Itutuloy)

LINGON (7)

(Ika-pitong Bahagi)

smoke

Hindi na ako nagugulantang kapag nagiingay ang mga sutsot. Hindi na rin kasingtindi katulad noong una ang takot ko’t pangamba sa kanila matapos kong marinig ang mga sinabi ni Jasmin. Hindi imortal ang mga  sutsot. Pwede silang patayin. May pag-asang makaalis kami ng buhay mula sa isla.

*****

Unti-unti sumilay ang liwanag… unti-unti ring gumigising ang kakahuyan. Huni ng ibat ibang ibon ang naririnig ko. Noon ko nakita ang kagandahan ng isla Miedo. Pino’t maputi nga talaga ang buhangin at ang mga bato’y malilit at bilog. Hanggang sa abot ng aking tanaw sa kaliwa’t kanan ko’y nakikita ko ang mga matatayog na niyog at iba’t iba pang mga puno sa kanilang likuran.

Sa  bandang unahan ko  paharap sa dagat napansin kong may dalawang katawang nakahandusay sa malapit lamang sa amin. Itinuro ko ito kay Jasmin na kasama kong nagbantay nang sina Tomas at Daniel naman ang umidlip.

Ginising na namin ang dalawa at sabay-sabay naming nilapitan ang nakita kong mga katawan. Nasa unahan si Tomas, nakatutok ang baril sa mga katawang nakadapa.

Tigmak sa kulay berdeng likido ang mga katawan. Iyon marahil ang kanilang dugo. Sinipa-sipa ni Tomas ang isa. Tinitignan kung ito’y buhay pa. Ititihaya na sana ni Tomas ang katawan nang siya’y pinigilan ni Jasmin.

“Teka muna,”  wika ni Jasmin habang inilalabas sa sukbitan ang kanyang hunting knife.

Hinawakan ni Jasmin sa buhok ang katawan at hiniwa sa leeg. Napangiwi ako ng kaunti sa aking nasaksihan at nang ganoon din ang ginawa niya sa isa pa’y hindi ko na lamang tinignan. Madalas akong makakita ng baboy at bakang kinakatay dahil ang tiyuhin ko’y matadero at minsan naman sa bahay kapag ang nanay ko’y magkakatay ng manok eh hinahawakan ko ang pakpak at mga paa habang hinihiwa ang leeg pero iba pala ang pakiramdam kapag makikita mong ito’y ginagawa sa tao. At hindi ko talaga inakalang kayang gawin ni Jasmin humiwa ng leeg ng tao. Marahil ay resulta iyon ng pagkakasali niya sa grupo ng mga tagapagbantay.

Si Jasmin na rin ang nagtihaya sa mga katawan.

“Kaylangan nating makatiyak.” wika ni Jasmin. “Kung ako man ang masaniban ng sutsot eh gawin din ninyo ang dapat ninyong gawin para siguradong patay ang sutsot na nasa katawan ko.”

Inusisa namin ang mga katawang nasa buhanginan. Walang mga mata ang mga nasaniban ng sutsot pero buo ang mga katawan.

“Mga kasamahan din sila ng kapatid ko. Pinupuntahan nila madalas sa bahay si Ella kapag walang pasok.”

Totoo ngang napapatay ang mg sutsot kapag sumasanib sila sa katawan ng kanilang mga biktima.

“Silver bullets ba ang ginamit mo?” ang tanong ko.

Tumango si Tomas. “anim na rounds pa, naitira ko na ang dalawa.” wika nito.

“Hindi ko alam na tinatablan sila ng silver bullets. Ordinaryong bala kasi na hindi bentitado eh tumatagos lang sa katawang sinasaniban nila pero hindi nito nasasaktan ang mga sutsot.” ani Jasmin.

Kasabay ng pagsikat ng araw ay muling nag-ingay ang mga sutsot sa may di kalayuan.

Ikinasa ni Tomas ang dalang baril at sinimulang maglakad papasok sa kakahuyan. Sinundan namin siya.

“Teka… sandali lang.” ang sabi ni Daniel.

Pinagsamasama ni Daniel sa isang napulot na lalagyan ang mga natirang gaas sa mga lampara at inilagay sa kanyang backpack.  Maging ang mga mitsa ng lampara’y hinugot at isinama sa lalagyan. Pumulot din ito ng isang sanga ng kahoy. Kung nang nakaraang gabi’y halos manginig siya sa takot sa mga sutsot, sa umagang iyon ay isang palabang Daniel ang nakita ko.

Wika nito’y “Sige ako muna ang bahalang magbantay sa likuran natin.”

Nagkatinginan kami ni Tomas. Pareho kaming bahagyang nangiti.

Matapos kong tampalin sa balikat si Daniel ay ipinagpatuloy namin ang pagpasok sa kakahuyan.

Mga puno ng niyog ang una naming nadaanan. Nagkalat ang mga palapa at mga magugulang na niyog sa lupa. Hindi masyadong madamo sa lugar na iyon dahil marahil sa medyo mabuhangin. Nang malampasan namin ang mga puno ng niyog ay bumulaga sa amin ang mga nagtataasang mga puno na ang  mga balat ay kulay berde dahil sa mga lumot na na nakadikit dito. Karamihan sa mga puno ay hindi ko kayang ikulong sa yakap sa laki. Nagmistulang sahig ang mga nagkalat na tuyong dahon at at mga sanga na dinudurog ng aming mga maliliit at dahan-dahang hakbang. Ilang hakbang pa nam’y nagsimula nang maging madawag ang aming dinaraanan. Hanggang tuhod ko halos ang taas ng mga damo at sa dinaraanan namin ay  naglambitin ang mga baging.

Sa bahaging iyon ng kakahuyan ay may mga parang tulay na yari sa mga malalaking baging na nagdudugtong sa bawat puno.

Nagpunta sa unahan namin si Jasmin at gamit ang kanyang hunting knife ay kanyang hinahawanan ang aming dinaraanan.

Sa pagitan ng mga masinsing mga puno at sa siwang ng kanilang mga makapal na dahon ay pilit sumisingit ang sikat ng araw

May napansin akong kumikinang sa dinaraanan namin.

“Sandali lang.” ang sabi ko.

Huminto sila’t tumingin sa akin.

Lumuhod ako sa lupa’t inusisa ko  ang makinang na bagay. Ito’y isang sing-sing. Nang pulutin ko ito’y nasa daliri pala ng isang kalansay. Hiniram ko ang hunting knife ni Jasmin at aking hinawan ang mga dahon at damo na nakatakip dito. Napaurong nang kaunti si Daniel ng makita ang kabuuan ng kalansay. Sa aki’y bale-wala na ito. Tila naubos na ang kilabot at takot sa aking katawan.

Kinaylangan kong iangat ang buong kamay ng kalansay upang makuha ko ang sing-sing. Nang mabasa ko ang mga pangalang nakaukit dito’y  ibinigay ko ito kay Jasmin.

 May mga luhang nangilid sa mga mata ni Jasmin ng sabihing “Engagement ring ito na bigay ni kuya kay Julie.”

Bakas sa mukha ni Jasmin ang pagalaala. Marahil ay umaasa siyang hindi magkatulad ng sinapit ang kuya niya at ang kasintahan nito. Ngunit sandali lang ay bumalik ang kunot sa kanyang noo at ang lamlam sa kanyang mga mata’y hinanlinhan ng matalim na titig.

Matapos ibulsa ang singsing ay sinimulan muli ni Jasmin na ihakbang ang kanyang mga paa.

Nagpatuloy kami sa paglalakad – marahan pa rin ang aming mga hakbang at halinhinan naming binabantayan ang aming likuran. Habang papalayo kami sa aplaya palalim sa kakahuyan ay unti-unting nawawala ang amoy ng dagat pinalitan ng masangsang na amoy na kahalintulad ng naaamoy ko kapag naghahatid ako ng pagkain sa tiyuhin kong nagtatrabaho sa isang katayan – malansa at mabantot.

May ilang kalansay pa kaming natalisod sa paglalakad. Maging sa mga tulay sa mga puno’y may mga naglambiting mga bahagi ng kalansay ng tao.

Papaakyat kami. Pataas ang lebel ng lugar na nilalakaran naming. Hindi ko man makita ang bandang likuran namin dahil makapal ang puno ay natitiyak kong kami’y papaakyat dahil bigla na lamang akong hiningal at medyo bumigat ang aking mga paa. Ganoon ang pakiramdam ko kapag inakyat namin ang burol sa likurang ng bahay ng lola ko.

Sa isang bahagi ng kakahuyan ay nadaanan  namin ang isang grupo ng mga lobo na pinagpipyestahan ang isang nakahandusay na katawan ng tao.

Parang gusto nanamang masuka ni Daniel.

Nakita kami ng mga lobo. Ang ilan sa kanila’y tumigil sa panginginain at kami ang hinarap. Panay nakaangil at parang akmang kami’y sasalakayin.

Nakita kong dali-daling  nagpalit ng magasin ng bala si Tomas. Pinaputukan niya ang mga lobo. Tumimbuwang ang isa at ang iba nama’y nagtakbuhan palayo.

Nilapitan nina Tomas at Jasmin ang bangkay na nilapa ng mga lobo. Hindi ko nakuhang sumama. Ganoon din si Daniel.  Katulad ko, ayaw rin siguro ni Daniel na makita ang kalunos-lunos na hitsura ng bangkay.

“Walang natira sa mukha nung bangkay. Pero baka kasamahan rin siya ng kapatid kong si Ella. Sila lang naman ang alam kong nagpunta rito.”

“Araw-araw eh may inihahatid dito si tandang Kharon.” Ang sabi ni Jasmin. “Walang katiyakan kung ang patay na iyan eh kasamahan rin ng kapatid mo.”

 “Ella… Ella!”

Paulit-ulit muli nanamang tinatawag ni Tomas ang pangalan ng kapatid at tuwing gagawin niya iyon ay susunod naman ang mga ingay na nililikha ng mga sutsot. Tantya ko’y napakalapit nanaman ng mga  halimaw sa aming kinalalagyan.

PSSSTTTT!

            Hindi ako maaaring magkamali, nasa bandang itaas sa likuran namin nangaling ang pasuwit na iyon. Nasa mga baging na tulay ang mga sutsot. Dali-daling ibinalik ni Tomas sa kanyang baril ang magasin na may lamang mga silver bullets.

PSSSSTTTTT!

Huminto si Jasmin. “Walang titingin pataas.” Wika nito.

Ako ang nasa likuran at kaunting tingala ko lamang eh baka masaniban ako ng isang sutsot.

“Hoy Tomas! Di ba’t mahigpit kong bilin sa iyo na huwag na huwag mong pababayaan si Ella. Tignan mo ang nangyari… nawawala si Ella. Pabaya kang kapatid wala kang kwenta.”

“Tarantando kang sutsot ka. Nanahimik na ang ama ko eh idinadamay mo pa. Pasalamat ka’t nasa puno ka’t hindi kita pwedeng tignan kung hindi eh kanina ka pa tapos.”

“Eh bakit hindi ka lumingon o tumingala dito nang makita natin kung talagang sharp shooter ka oh.” Boses naman ni Patrick ang ginaya ng sutsot.

“Subukan mo kayang tumalon sa harapan namin nang makita mo hinahanap mo.”

“Aba matapang ah. Eh ikaw gusto mo bang makita ang hinahanap mo? Gusto mo Makita si Ella?”

“Heto siya o katabi ko.”

“Kuya kumusta na, ako ito si Ella.”

Tinig ni Ella ang naririnig ko. Madalas kaming magpunta  kina Tomas kaya palagi  naming nakakakwentuha ito’t nagging pamilyan ako sa kanyang boses.”

“Kuya, halika uwi na tayo.”

“Kung ikaw si Ella, ikaw ang lumapit sa amin.”

“Lumingon ka muna’t tumingala dito sa pwesto ko kuya… pakiusap!”

Nakita kong hinawakan ni Daniel sa balikat si Tomas. Marahil bilang pagpapaalala dito na hindi si Ella ang kausap niya kundi isang sutsot.

Nagpatuloy kami sa paglalakad. Marahan. Maingat. Nakatitiyak akong katulad ko’y nag-iingat ang mga kasama ko na huwag matingala’t matingin sa mga sutsot na bumabaybay sa mga tulay na baging.

Isang bagay na napansin ko’y madalas na boses ni Patrick ang ginagaya ng mga sutsot.

“May awa ang Diyos. Makikita ko rin ang kapatid ko.”

“Tomas naniniwala ka ba talagang may Diyos?”

Hindi na sumagot si Tomas.

“Mahirap sagutin, di ba? Dahil kaylan ba ninyo naramdaman na may Diyos ngang gumagabay at nagmamahal sa inyo?”

Nagtinginan lang kaming magkakasama. Pakiramdaman ko na ang nga tanong na iyon ay hindi lamang para kay Tomas. Iyon ay tanong na lahat kami’y dapat sagutin.

Kaming lahat ba’y naniniwala sa Panginoon?

(Itutuloy)

LINGON (6)

(Ika-anim na Bahagi)

The-Shape-Shifting-Ghost

“PSSST!”

May pumaswit.

Katulad ko eh pihadong nanlaki rin ang mga mata ng mga kasama ko. Katulad ko rin marahil na napagtanto nilang lahat kami’y nakaharap sa kakahuyan. Wala sa amin ang nakapagisip na pumwesto paharap sa dagat upang bantayan ang aming likuran.

“PSSSSTTTT!”

“Walang lilingon!” ang mahigpit na utos ni Jasmin.

Dinig ko nang magkasa ng baril si Tomas. Humigpit ang aking hawak sa  pamalong inihanda ko. Tumayo si Dennis at biglang umupo sa aking harapan sabay sabing “Heto na ang katapusan natin.”

“PSSSSSTTTTTTT!”

“Hoy Daniel! Bakit mo nanaman ako tinakasan ha.” Tinig iyon ng nanay ni Daniel. “Wala kang kadala-dala. Sa mga kaybigan mong iyan na wala namang kwenta eh hindi ka makatanggi. Mahal na mahal mo ang mga iyan pero sa tingin mo gusto ka ba talaga nilang kasama ha. ‘di mo ba alam na pinagtatawanan ka palagi ng dalawang iyan.”

“Daniel, huwag kang maniniwala sa anomang sasabihin ng mga sutsot,” ang babala ni Jasmin. “Ganyan ang gawain nila. Hindi lang pananampalataya sa Panginoon ang gusto nilang sirain. Maging ang tiwala mo sa sarili at ang pagtitiwala mo sa mga mahal mo sa buhay at kaybigan. Gusto ng sutsot na magkagalit-galit tayo upang tayo’t magwatak-watak.”

“Tol,” wika ko. “Huwag na huwag mong pagdudahan ang pagkakaybigan natin. Higit pa sa magkakapatid ang turingan natin… alam mo ‘yan.”

“Sinungaling ka Willy. Daniel alam mo bang madalas lumakad ang dalawang yan na hindi ka kasama. Sablay  ka daw kasi. Puro daw palpak ang mga ginagawa mo’t sinasabi.”
“Tumahimik kayo mga gago! Alam kong lumalakad ang mga kaybigan ko minsan na hindi ako kasama eh ano naman ngayon?”

“Naku…naku… lagot kayo! Napipikon na si tabatsoy! Galit na si tabatsoy.

“Pumunta kayo dito sa harapan ko nang magulpi ko kayo!”

“Bakit hindi ikaw ang lumingon ng makita mo hinahanap mo.”

“Tol, kumalma ka.” ani Tomas kay Daniel.

“Daniel, hayaan mo lang ang mga sutsot na iyan. Kaya nga sila demonyo eh dahil puro kademonyohan ang mga ginagawa nila.”

“Kung makapagsalita ka Jasmin eh parang ke tino-tino mong tao.  Alam ba niyang mga bago mong kaybigan ang totoong dahilan kung bakit gustong-gusto mo noon pa na pumunta dito sa isla?”

Ang pagkakaalam ko’y gusto lamang ni Jasmin na tulungan kami na mahanap si Ella.

“Nami-miss mo na ba ang kuya Patrick mo? Lumingon ka dito nang makita mo siya. Heto siya o katabi ko. Hoy Patrick kumustahin mo naman ang kapatid mo.”

“Bunso kumusta ka na? Kumusta na ang nanay at tatay? Miss na miss ko na kayong lahat.”

Tinig iyon ng isang lalaki. Natingin ako kay Jasmin. Napatingala siya’t bumuntuong-hininga.

“Salamat bunso at pinuntahan mo ako dito. Tulungan mo ako. Iligtas mo ako sa mga halimaw na ito.”

Ngayon ko naintindihan kung bakit nagpumilit si Jasmin na sumama sa amin. Katulad ni Tomas ay may kapatid siyang nagpunta sa isla Miedo at hindi pa nakakabalik.

Binantayan ko ang kilos ni Jasmin. Tingin ko’y para gusto na niyang lumingon. Tumayo siya. Tumayo rin si Tomas at wika nito’y “Jasmin… ipinapaala-ala ko lang sa iyo ang mga sinabi mo kanina na gagawa ng paraan ang mga demonyong yan para matukso kang lumingon.”

Muling naupo si Jasmin at ang ulo’y  isinubsob sa kanyang mga hita.

Patuloy pa rin ang mga sutsot sa pambubuyo kay Jasmin na lumingon. Ilang sandali pa’y nakita ko si Jasmin na inayos ang pwesto ng pagkakaupo. Binitiwan ang hawak na balisong at hinawakan ng dalawang kamay ang kanyang rosaryo.  Wari ko’y tahimik siyang umuusal ng panalangin.

Muli’y nadinig namin ang malakas na atungal at mga palahaw… nakakabingi… nakakatakot. Gusto kong lumingon at hambalusin ng hawak kong pamalo ang mga sutsot na nasa likod namin.

Nagtakip ng dalawang tenga si Daniel.

Biglang umalingaw-ngaw ang isang putok… at isa pa. Nakita kong nakatutok sa likod ang baril ni Tomas. Ipinutok niya iyon nang hindi tumitingin sa likod. Pagkatapos ay narinig nanaman namin ang kakaibang mga palahaw na iyon. Malakas sa una pagkatapos ay humina na parang papalayo sa amin. Ang mga yabag at mga kaluskos na naririnig ko’y ganoon din – papalayo.

Mukhang nagtakbuhang palayo ang mga sutsot.

Alin sa dalawa – dahil sa panalangin ni Jasmin o sa pagputok ng baril ni Tomas.

Muli nanamang umatungal ang isang sutsot at sinundan ng mga palahaw ng iba pa. Malayo na sila sa amin.

Umikot si Jasmin ng upo – paharap sa dagat at sinabing “Tiyakin na nating hindi lahat tayo’y nakaharap sa iisang direksyon. Pipilitin ng mga iyan na bumalik at tapusin tayo bago magliwanag. Mas madali sa kanilang gawin iyon habang madilim pa.”

Tumayo ako’t nanghanggilap ng mga tuyong sanga para sa siga. Habang inaayos ko ang siga’y tinanong ko si Jasmin, “Kaylan ba nagpunta dito ang kuya mo?”

“Matagal na. Higit kumulang tatlong taon. Writer si kuya at gusto niyang magsulat ng tungkol sa islang ito at sa mga halimaw na narito.”

“Paano nalaman ng kuya mo ang tungkol sa isla Miedo?” ang tanong naman ni Tomas.

“Sa  kasintahan ni kuya na si Julie – anak ng isang miyembro ng grupong Tagapagbantay.”

“Tagapagbantay? Tagapagbantay ng ano?” tanong ni Daniel.

“Iyan ang tawag sa isang grupo ng mga deboto ng Nazareno na ang misyon ay huwag hayaang makatawid mula sa islang ito ang mga sutsot.”

“Naging miyembro ka di ba?” ang sumunod na tanong ni Daniel.

“Oo. Sinikap kong mapabilang sa grupo dahil gusto kong malaman kung buhay pa si kuya Patrick. Nagpumilit na pumunta dito ang kuya, gusto nga kasi niyang magsulat ng kwento tungkol sa mga demonyong sutsot. Napilitan si Julie na samahan siya. Hindi na bumalik mula noon si kuya at nang hanapin ng mga magulang niya si Julie sa amin ay noon ko nalaman na kahit siya man ay nawawala rin. Tanging ako ang nakakaalam na nagpunta sila sa isla Miedo.”

“Isang tanong na lang Jasmin,” dagdag pa ni Daniel. “May sutsot na ba o mga taong nasaniban nila na nakatawid mula sa islang ito.”

“Merong mangingilan-ngilan pero lahat sila’y natunton at napatay rin ng mga miyembro ng Tagapagbantay.

Ang tanong naman ni Tomas ay, “Paano mo napasok ang grupo?”

“Naisama na ako minsan ni Julie sa kanila ng ipagdiwang doon ang kapistahan ng Nazareno. Doon ko nakilala si Gener. Naging magkaybigan kami at ginamit ko ang pagkakaibigan namin upang makapasok ako sa grupo. Isang taong mahigit na akong miyembro nila. Sa ginawa ko kanina eh matitiwalag na ako. Isa sa mga lider ng grupo si mang Kanor, ang tatay ni Gener.”

“Paano patayin ang mga sutsot?” ang dagdag na tanong ni Tomas.

“Kapag sila’y nakasanib na sa katawan ng tao ay pwede silang patayin gamit ang bala ng baril o ano mang matalas na bagay na nabendisyunan. Katulad nitong hunting knife ko. Ang mga gamit naming sibat at gulok na siguro ay nakita n’yo sa bangka namin kanina ay bentitado nung mga paring miyembro ng grupo. Maging ang mga bala sa baril nina Mang Kanor at Gener.”

Ang tanong ko nama’y “Saan ginagamit iyong mga boteng may lamang gasolina?”

“Sa apoy lang pwedeng patayin ang mga sutsot na hindi pa nakakasanib sa katawan ng tao.”

“Bakit ‘di na lang natin silaban ang gubat?” ang wika ni Daniel. “Putang-inang mga sutsot na iyan. Ano!!? Simulan na natin.”

“Kapag nahanap ko na ang kapatid kong si Ella, gawin natin iyan.”

“… at si kuya Patrick…”

“Hindi ba naisip ng grupo ninyo na sunugin na lang isla para malipol na ang mga sutsot?”

“Alam ni tandang Kharon kung ang mga naghihintay sa breakwater ay mga tagapagbantay. Hindi siya darating.”

Iyon ang tugon ni Jasmin sa tanong ni Daniel.

At muli ay narinig namin ang atungal at mga palahaw ng mga sutsot.

“Sige, magpahinga tayo. Kung kakayanin eh umidlip tayo kahit kaunti. Maghalinhinan tayo sa pagtulog. Dalawa magbabantay habang ang dalawa’y natutulog.

Hindi na ako nagugulantang kapag nag-iingay ang mga sutsot. Hindi na rin kasingtindi katulad noong una ang takot ko’t pangamba sa mga sutsot matapos kong marinig ang mga sinabi ni Jasmin. Ngayon ay kilala ko na ang mga sutsot. May pag-asang makaalis kami ng buhay mula sa isla.

(Itutuloy)

%d bloggers like this: