Ang Sumpa (Part 13)
Nawalan ng sigla ang buhay sa baranggay Dolores. Hindi na muling tinayuan ng bahay ang lugar na nasunog. Hindi na ginalaw o nilinis man lang ang mga ito ng mga nasunugan. Ang ilang sa kanila’y sinubukang ipagbili ang kanilang mga lupa subalit walang kumuha. At sa tingin ko eh kahit ipamigay pa nila ang mga lupang iyon ay wala ring tatanggap dahil nga sa mga nangyayari sa aming lugar. Nagsilipat na lamang sa ibang baranggay ang mga napektuhan ng sunog at nabalitaan kong ang iba’y nangibang-bayan na lamang.
Sino ba ang dapat sisihin sa mga nangyaring iyon? Siyempre para sa mga taga Dolores ay kasalanan ng kapatid kong si Mon. Para sa akin ay hindi. Bukas man o hindi ang ikatlong mata ni Mon ay may mamatay, maaksidente, o magkakasakit sa aming lugar. Sana ay tinanggap na lamang nila ng may kakaibang kakayahan ang kapatid ko subalit kahit minsan ay hindi niya sinaktan at sino man sa kanila. At ang sunog na iyon ay resulta ng maling desisyon ni mang Andres.
Marahil kung may dapat sisihin eh ang manggagamot na naglagay ng sumpa sa angkan ng mga Cervantes. Maaring rin ba na ang sisi ay ibunton sa ninuno naming si Victoriano Cervantes dahil tinalikuran ang pangakong kasal sa babaeng kanyang nabuntis kaya’t ang aming angkan ay pinatawan ng sumpa?
Sa pagdaan ng panahon eh unti-unti na rin ng nag-aalisan ang iba pang mga tao sa aming baranggay. Nang may sumunod na halalan eh walang nang nagtangka na tumakbo sa ano mang posisyon doon. Parang naging abandonado ang aming lugar. Ilang pamilya na lang ang natira doon, kasama na ang ilang naming kamag-anakan at malalayo pa ang agwat ng mga bahay.
Dumating ang panahon na tinawag na balwarte ng mga uwak ang aming sityo dahil sa dami ng ganoong uri ng ibon doon partikular sa lugar na malapit sa amin.
Nang mamatay na ang aming mga magulang at nakapagasawa na ako at ang dalawa naming kapatid na babae ay naiwan nang mag-isa si Mon sa aming lumang bahay. Ang dalawang kapatid naming babae ay tumira sa mga probinsiyang pinangalingan ng kanilang mga napangasawa. At mula noon kami ay nagkahiwa-hiwalay at ilang beses pa lamang kami pa lamang kaming nagpangi-pangita.
Alam rin ni Sally ang kuwento ni Mon at hindi siya pumayag na magtayo kami ng bahay sa lote na ipinamana sa akin ni ama. Malapit lang kasi ito sa aming luma naming bahay. Iyon ang kundisyon na ibinigay niya sa akin bago siya pumayag na kami ay magpakasal. Bumili na lang ako ng lote isang barangay malapit na sa kabayanan ng San Luis.
Si Mon ay piniling ngang huwag mag-asawa. Sinabi niya sa akin noon na ayaw niyang madamay pa ang magiging pamilya niya sa sumpa sa pamilya namin na sa kanya tumama. Namuhay mag-isa sa pamamagitan ng pagtatanim at pagaalaga ng hayop ang aking kapatid. Ang mga ito’y ibinebenta niya sa isang malayong bayan kung saan eh hindi siya kilala. Nakapagpundar siya ng sariling sasakyan para mas madali ang pagbebenta niya ng kanyang mga produkto.
Nagkaroon din ng kakayahang manggamot si Mon katulad ni tatay Berting. Ngunit palihim niya itong ginagawa sa ilang malalayong bayan na walang nakakakilala sa kanya. Kaming dalawa lamang ang may alam ng bagay na iyon. Minsan ay hiniling ko sa kanya na isama ako subalit hindi siya pumayag. Baka daw sa akin ay may makakilala at matunton kung sino talaga siya.
Nabalitaan din sa bayan namin na may isang magaling na manggagamot na hindi lamang nakakapagpagaling ng mga sakit at nakakakontra ng kulam ngunit ayaw magpakilala at hindi malaman kung taga-saan. May suot kasing sombrero si Mon na may nakakabit na manipis na belong itim sa harapan upang hindi makita ng malinaw ang mukha niya. Ang sinasabi na lang daw ni Mon sa mga ginagamot niya na mawawalan ng bisa ang kanyang panggagamot at mawawala ang kakayahan niyang manggamot kapag nagpakita siya ng mukha at magpapakilala. Hindi rin tumatanggap ng bayad si Mon sa kanyang panggagamot.
May ilan ring pagtatangka sa buhay ni Mon. Wala na sigurong ibang mag-iisip gawin iyon bukod sa mga pamilya na may namatay o inabutan ng trahedya na pilit nilang isinisisi sa kapatid ko. Hindi nagtagumpay ang mga pagtatangkang iyon.
**********
Tinignan ko ang aking relo. Halos isang oras na rin pala akong bumibiyahe. Kung hindi lang dahil sa sira-sirang kalsada at ilang bahagi nito na hindi pa sementado eh kanina pa ako nakarating sa pupuntahan ko. Papalapit ng palapit na ako sa Dolores. Hindi ko inabutan si Alfred sa daan. Mabilis talagang magmaneho ng motorsiklo ang aking anak. Baka magkasama na sila ng tito Mon niya. Sana maayos ang lahat. Sana wala akong problemang dadatnan doon.