sina TIGRE at LEON, tiga-bantay ng aking BAKURAN

Tibong Cagayano, 03-23-10

tiger

Sa iyong mga hardin na sa akin ay ipinakita,
lubos akong nasiyahan medyo nainggit pa nga,
and dami mo kasing mga tanim na iba-iba ang itsura,
palagay ko’y masuwerte ka at lubos ang iyong saya!

May katwiran kang ang mga ito ay ipangalandakan,
ang ipagmalaki ang iyong mga hardin ay hindi kayabangan,
natural lamang sa isang tao na kanyang ipagsigawan,
sa buong mundo ang kasiyahang nararamdaman.

Sino nga ba naman ang hindi magtataas noo,
sa pagkakaroon ng mga hardin na tulad ng iyo,
na natatamnan ng mga bulaklak na kaakit-akit at mababango,
puno ng mga ala-alang nagbigay kulay sa iyong mundo.

Bagama’t napirmi ako sa iisang bakuran,
at iisang hardin lang ang aking pinagyaman,
masaya na rin ako sa kapaligirang aking kinasadlakan,,
pagkat itong nag-iisang bakuran ko ay bigay ng kalangitan!

Iba’t ibang mga tanim ang sa mga hardin mo’y matatagpuan,
may mga kalachuchi at kampupot kang dito ay pinagyaman,
pulang rosas at mga sunflowers mayroon ka ring dinidiligan,
may puting rosas ka pa ngang paborito na inaalagaan.

Sa aking bakuran ay walang masyadong nakatanim,
maliban sa tatlong rosas na nagbibigay buhay sa akin,
isang Tigre at isang Leon na matatalim ang mga ngipin,
ang siya ko ditong tiga-bantay at tiga-tingin.

Itong si Tigre at Leon na mababagsik kong bantay,
maasahan ko silang talaga at sa lahat ng bagay ay matitibay,
kung kaya’t kampante lang ako kahit umalis ng bahay,
sigurado akong Tatlong Rosas ko’y nasa mabubuting kamay.

Ngayon naman ay ipapakilala ko sa iyo,
itong si Tigre at si Leon na mga bantay ko,
matatapang, matatapat, higit sa lahat maaasikaso,
walang kapagurang binabantayan ang bakuran ko.

Itong si Tigre at Leon ay mga mahal ko ring tunay,
karugtong sila ng hininga ko, sa akin nanggaling kanilang buhay,
malalapot na dugo na sa kanilang ugat nananalaytay,
walang ipinag-iba sa aking dugo na pulang-pula ang kulay.

Noong dumating ang Unang Rosas sa aking buhay,
nabiyayaan ako ng kaligayahang walang kapantay,
hindi nagtagal ang butihing Maykapal sa amin ay nagbigay,
ng isang Tigre na nagdulot sa aming buhay ng kakaibang kulay.

Nang dumating sa aming buhay itong si Tigre,
ang kasiyahan sa bakuran ko ay naging triple,
minahal, inaruga, tinuruan, inalagaan ko siyang mabuti,
kaya naman siya ay matapang, matibay at matapat na lumaki!

Kaya naman ng sa aking buhay si Pangalawang Rosas ay dumating,
hindi na ako nahirapan sa pag-aalaga sa kanya at pagtingin,
nandiyan si Tigre sa aking tabi, laging naka-alalay sa akin,
tinitiyak niyang mabuti na walang masamang mangyari sa amin.

Sadyang napakabuti sa akin ng mahal nating Panginoon,
pagkatapos niya akong dulutan ng Tigre, binigyan niya ako ng Leon,
lalong sumaya ang aking bakuran paglipas ng maraming taon,
si Tigre at si Leon, ang dulot sa akin ay tunay na inspirasyon.

Tulad ng ginawa kong pag-aaruga kay Tigre,
si Leon ay nakaranas din sa akin ng pagmamahal na masidhi,
minahal, tinuruan, sinanay kung paano mabuhay ng mabuti,
kaya naman siya ay lumaki ding maputi ang budhi.

Kaya naman ng si Pangatlong Rosas sa aming buhay ay dumating,
si Leon na siguro ang naging pinakamaligaya sa amin,
siya ang nagsilbing tiga-bantay at tiga-tingin,
mga pangangailangan ni Pangatlong Rosas kanyang aasikasuhin.

Kung sa Pangalawang Rosas ko si Tigre ang nakabantay ngayon,
si Pangatlong Rosas naman ang binabantayan ni Leon,
kaya naman ako ay nagkaroon ng mas maraming pagkakataon,
na si Unang Rosas ay mabigyan ko ng mas ibayong atensiyon.

Ang payak kong bakuran ay naging isang paraiso,
ito ang nagsilbing kanlungan namin dito sa mundong magulo,
dahil na rin sa tulong nitong sina Tigre at Leon na mga anak ko,
ako at sina Tatlong Rosas, pakiramdam namin kami ay protektado.

Kaya naman kina Tigre at Leon na aking tiga-bantay,
pagmamahal at pag-aaruga sa kanila’y habangbuhay kong iaalay,
walang makakasaling sa kanila na hindi dadaan sa ibabaw ng aking bangkay,
at hinding-hindi ko sila hahayaang sa aking bakuran ay mawalay!

Advertisement
%d bloggers like this: