ang MAKINILYA nina Bianang at Vidang
Tibong Cagayano, 04-14-10
Natatandaan mo pa ba ang sa iyo noon ay aking sinabi,
na ang bagyong si Bianang at si Vidang ay madaling magapi,
sa biglaang pagdating nila noon na nagwalis ng ating mga ngiti,
bigla nilang pagkawala ay mas mabilis pa sa buhawi!
Sa tindi at bangis ng kanilang pagdating,
mantakin mo bang tayo’y kanilang gulantangin,
pero tulad na nga ng suspetsa ko noon pa mandin,
hindi magtatagal ang lakas ng dala nilang hangin.
Bwahaha… nakikita mo ba ang kanilang makinilya,
ayan ang larawan, kinunan ko ng litrato at sa iyo ay ipakita,
mukhang kinakalawang na at talaga namang nanggigitata pa,
patunay lamang na wala ng pumipitik sa kanyang mga tiklada!
Bianang at Vidang, nasaan na nga ba kayo,
tuluyan na ba kayong nilamon ng El Nino?
aaminin kong nami-miss ko ang inyong mga tono,
sana naman sa aming kwentuhan muli kayong makisalo!
Ano sa tingin mo katoto kong katulaan,
muli ba tayong dadalawin nina Bianang at Vidang?
sa palagay mo kaya may lakas pa silang pumailanlang,
upang makarating sila dito sa tugatog ng ating kaharian?
Pansamantala kong inalis lahat ng inilagay kong harang sa daan,
sa mga pwede nilang daanan papunta sa ating pinagkukutaan,
para naman maengganyo silang tayo ay muling pasyalan,
nang marinig naman natin mga bagong tsismis mula sa ating bayan.
Bianang at Vidang, sige na, halina kayo,
naghihintay ako dito kasama ang aking katoto,
dalhan ninyo kami ng mga bagong kuwento,
ang gusto ko sana eh yung tungkol sa bayan nating Lal-lo!
Nakita ko ang ginagamit ninyong makinilya,
ala ey… nakakaawa naman ang kanyang itsura,
kung kaylangan ninyo ang tulong ko para linisin siya,
magpasabi lamang kayo at buong puso akong pupunta.
Samantalang namamahinga ako kaybigan kong katulaan,
at naghihintay ako sa muling pagdating nina Bianang at Vidang,
patuloy ko pa ring inaantabayanan mga tula mong tungkol sa ligawan,
curious talaga akong malaman kung ilan ba ang iyong naging mga kalandian!