PAKWELANG TALUDTURAN

boy-dog-laughing-eps-file-simple-technique-39411084

Nag-eksperimento ako sa isang uri ng tula. Sinubukan kong gumawa ng tulang apatang taludtod (quatrains sa English) na ang unang tatlong linya ay animo’y seryoso ang tinatalakay subalit ang pang-apat (ang tinatawag na clincher) ay sundot na patawa. Tinawag ko itong “pakwelang taludturan.”  Hindi ko lang alam kung may dati nang gumawa ng ganito.

Mahirap gawin. Wika nga nila, ang pagpapatawa ay isang seryosong bagay.  Sana nga lang ay matawa kayo.

———————————————
SMILEY2 HETO ANG PANIMULA!
———————————————

Pakwelang taludturan ay pausuhin
Simulang seryoso… sa biro’y tapusin
Tagiliran ng babasa’y susundutin
Nang mautot sila’y ating patawanin

———————————————
SMILEY2 YUCKY…!
———————————————

Habang nakapikit ako’y may nalanghap
Ito ay samyo ng hinog na bayabas
Natakam…kaya’t mata ko’y iminulat
“Ay sus!”Katabi ko… braso’y nakataas

_____

Bakit ako’y hirap na ika’y tanggihan
Hindi mapakali kapag ika’y nagparamdam
Kapag tumawag ka lahat iiwanan
Hahanapi’y inidorong mauupuan

_____

Pinipigilan ma’y lumalabas kang pilit
Doon ka dumadaan kung saan masikip
Kapag lalabas ka na ako’y alumpihit
Baka may makaamoy o makadinig

———————————————
SMILEY2 YUMMY…!
———————————————

Namumulang kutis oh katakam-takam
Ako’y nanggigil, nanginig ang kalamnan
Tumulo ang laway…sila’y nilapitan
Grilled chicken sa kaliwa…lechon sa kanan

———————————————
SMILEY2 CAFFEINATED…!
———————————————

Nangakong kita’y kakalimutan
Nangakong ‘di ka na babalikan
Pangako’y ‘di ko mapanindigan
O kape kay hirap mong iwasan

———————————————
SMILEY2 HI SEXY…!
———————————————

May seksing sa jeep nakatapat ng upuan
Aba’t labi ko matamang pinagmamasdan
Tumabi sa akin at ako’y binulungan
“Brod! Mugmog mo sa nguso iyong punasan!”

_____

Sa mata n’yang kay pungay ako’y natingin
Sa nakita’y nabagabag ang damdamin
Di ko napigilang pabulong na sabihin
“Miss may mutang sa kilay mo lumambitin.”

_____

Dalagang nakatayo sa harapan ko
Aba’y tumitingin sa aking pundiyo
Ngumiti’t lumapit…binulungan ako
“Ay kuya…bukas ang zipper ng lonta mo.”

_____

Bebot sa parke… ako ay nginitian
Umakbay sa akin nang aking tabihan
Sa kanyang ibinulong ako’y gulantang
“Cellphone mo!” Kung hindi kita’y gigripuhan.”

_____

Kutis mo’y makinis malambot parang bulak
Mahubog na katawan mo’y nakakagulat
Nang kita’y lapitan at ikaw ay humarap
Tinutubuan ka pala ng bigote’t balbas

———————————————
SMILEY2 BILBILING STRUGGLES…
———————————————

Mahirap man ay dapat ko nang aminin
Masakit man ay dapat ko nang tangapin
Sinikap ko ngunit ano man ang gawin
Bilbil ko ay hindi na kayang tanggalin

_____

Pilit pumupulupot sa aking baywang
Habang buhay yata akong didikitan
Kahit anong gawin ayaw akong iwan
O BILBIL pakiusap ako’y tantanan

_____

Di nga ba’t tayong dalawa’y nagsumpaan
Na magpakaylanman ay walang iwanan
Sa kabilang buhay man ika’y susundan
Akong BILBIL mo’y h’wag nang ipagtabuyan

———————————————
SMILEY2  PAUTANG NGA…!
———————————————

Nakabuntot ka’t lagi akong sinusundan
Halos oras-oras kung ako’y tawagan
Pangako sa iyo sana’y panghawakan
Pautang mong 5-6 aking babayaran

_____

H’wag kang mawawalay sa aking paningin
Kung mawawala ka’y pilit hahanapin
Susundan ka kahit saan makarating
Hangga’t ‘di bayad ang utang mo sa akin

———————————————
SMILEY2  PILLOW TALK…!
———————————————

Nanabik sa gabi na ako ay yakapin
Hinahanap ka kapag dumatal na ang dilim
Sana naman ako ay lagi mong dalawin
Pakiusap ANTOK ako’y iyong pansinin

_____

Higpit ng yakap ko’y ‘di mo tinanggihan
Dulot mo’y ginhawa sa pagal kong katawan
Sa lungkot at ligaya ako’y sinamahan
H’wag ka sanang mawala mahal kong UNAN

 _____

Ikaw ang kanlungan ko kapag tag-lamig
‘di pinagdamot  ang kaylangan kong init
Maging mga luha ko’y iyong pinapahid
Giliw kong kumot ika’y kagamit-gamit

———————————————
SMILEY2  TOOTH FAIRY …!
———————————————

Wala kang awa nuknukan ka ng lupit
Sobra-sobra ang dulot mong pasakit
Gabi’t araw ako ay naghihinagpis
Isusumbong na kita sa aking dentist

———————————————
SMILEY2  FAIRY TALE…!
———————————————

Si Sleeping Beauty dati’y may insomnia
At si Cinderella ay may alipunga
Si Snow White nama’y gumamit ng Gluta
Hetong si Rapunzel may balakubak pala

———————————————
SMILEY2  HAIRY TALES!
———————————————

Napaka-cute mo at ubod pa nang lambing
Gustong-gusto mong sa aki’y lumambitin
Balbon ka’t maputi kay sarap haplusin
Sana lang oh tuta h’wag akong kagatin

__________

Bakit sa akin lagi kang bumubuntot
Kahit saan magpunta kita’y kasunod
Didikit ka pa’t katawan mo’y ihahagod
“Halika na BROWNIE h’wag ka nang malungkot.”

———————————————-
SMILEY2  FIREWORKS DISPLAY …!
———————————————

Kung sa bagong taon bawal ang paputok
Di sige tayo na lang ay manorotot
Hala iangat kili-kiling maantot
Tapos sabay-sabay tayong mag-siutot

_____

Ang wika ni Brod Pete ay may nasusulat
Na paputok daw pala dala ay malas
Kasi espiritung gumagala sa labas
Sa bahay n’yo papasok kapag nagulat

———————————————
SMILEY2  THANKS ANDREW E. …!
———————————————

Kay Andrew E. ang pasalamat ay labis
Heto nga’t sasabihin ko na kung bakit
Kay daming dilag kasi ako’y inibig
Nang mauso ang “Humanap Ka Ng Pangit”

Leave a comment