Hindi Nga Ba Ukol?

Nang matapos ko na ang pangatlong pelikula ay pinatay ko muna ang aking desktop computer. Mamaya eh laptop naman ang aking bubuksan kapag nagbrowse ako sa Internet. Ganoon lang umiikot ang buong araw ko kapag walang trabaho – Nexflix… Internet… at kapag inspired eh magsusulat ako ng kuwento, tula, o essay at ipo-post ko sa aking website. Kapag wala ako magustuhang pelikula at tinatamad akong mag-browse o magsulat eh nagbabasa na lang ako . Basta nasa loob lang ako ng bahay. Ayaw ko naman kasing gumala dahil sa Covid. Weekend kaya siguradong matao ngayon sa labas. Mahilig mamasyal ang mga Koreano kapag wala silang pasok. Bukod doon eh malamig, Hindi pa tapos ang winter.
Bukas eh tatapusin ko naman iyong librong binabasa ko. Nangako kasi ako sa sarili na hindi muna ako gagawa ng ano mang bagay kaugnay sa trabaho buong weekend. Bawas stress muna. Sa opisina ko na lang tatapusin iyong report na pinapagawa ni boss.
Pumunta ako sa terrace ng two-bedroom apartment na inuupahan ko upang sumagap ng sariwang hangin at mag-stretching ng kaunti. Madilim na. Pasado alas-otso na kasi.
Maliit lang ang terrace ng apartment unit na inuupahan ko. Isang upuan at maliit na lamesita lang ang inilagay ko doon. Doon ako umuupo kapag gusto kong magpapresko, magbilad sa araw kapag umaga, nagbabasa ng libro, o tuwing ako’y nagkakape o umiinom ng beer.